Chapter XX

3.7K 869 40
                                    

Chapter XX: Tension

Ang lahat ng kakailanganin ni Finn ay nakahanda na. Agad niyang sinimulan ang paggawa sa gamot na makakapagpagaling kay Whang matapos niyang pakalmahin ang kanyang sarili sa loob ng limang segundo. Tinanggal niya muna ang lahat ng kanyang alalahanin dahil magagawa niya lang maituon ang kanyang konsentrasyon kung ang kanyang buong atensyon ay nasa paggawa sa gamot na kailangang-kailangan ni Whang.

Mayroon lamang siyang ilang minuto para gumawa ng gamot. Kung mahuhuli siya kahit ilang saglit, iyon na ang magiging katapusan ni Whang.

Ang unang ginawa ni Finn ay ang pagbasag sa bote na naglalaman ng mga matataas na kalidad ng recovery pill gamit ang kanyang enerhiya. Pinalutang niya ang limang recovery pill sa kanyang harapan, at pagkatapos ay kinontrol niya ang alchemy flame niya. Binalutan niya ng blue-green alchemy flame ang limang recovery pill. Hinaluan niya rin ito ng tubig mula sa sisidlan.

Balak niya itong ibalik sa pagiging likido, at dahil sa kanyang gagawin na ito, bababa ang kalidad ng mga recovery pill at posibleng magkaroon ito ng impurities.

Ganoon man, doon papasok ang kahalagahan ng mahiwagang tubig mula sa sisidlan na gawa sa Pure Redmond Crystal. Kaya nitong alisin ang mga dumi o impurities sa mga recovery pill, at higit pa roon, kaya nitong panatilihin ang mataas na kalidad ng mga ito.

Pinanood ng lahat ang bawat kilos ni Finn. Walang pakundangan siya sa pagkontrol sa mga sangkap, at basta-basta niya na lang isinasalang ang mga ito sa naglalagablab na blue-green alchemy flame. Para bang wala siyang kaalaman sa alchemy dahil sa kanyang ginagawa, subalit kabaligtaran nito ang katotohanan.

Isa siyang alchemy ancestor, at ang kanyang ginagawa ay ang tamang proseso sa paggawa sa natatanging gamot na kailangan ni Whang.

Hindi alam nina Devehra ang kanilang gagawin. Patuloy pa rin nilang ginagamit ang kanilang kapangyarihan para subukang pagaanin ang pakiramdam ni Whang. Hindi nila sigurado kung dapat na ba nilang itigil ang kanilang ginagawa, at noong magtanong si Yuros, agad na tumugon si Altair.

“Huwag muna tayong tumigil. Walang sinabi si Finn na kailangan nating huminto. Marahil gusto niyang ipagpatuloy natin ang ginagawa natin dahil kahit papaano, nagagawa nating pagaanin ang pakiramdam ni Whang at mas napapatagal natin ang buhay niya kahit na sandali lamang,” seryosong paglalahad ni Altair kaya mas lalo pang itinuon nina Devehra ang kanilang konsentrasyon sa paggamit ng kanilang kapangyarihan kay Whang.

Sa kabilang banda, naningkit ang mga mata ni Brien dahil sa mga pangyayari. Hindi na siya natutuwa sa kasalukuyang kaganapan. Hindi ito ang kanyang inaasahan dahil ang inaasahan niya, wala nang pag-asa na mabuhay pa si Whang matapos siyang idamay ni Liere sa pagsabog.

“Alchemy ancestor... Talagang punong-puno ka ng surpresa, Finn Doria. Mas lalo mo akong ginugutom sa mga sikretong nakatago sa katawan mo, at mas lalo akong nasasabik na paslangin ka,” mariing sambit ni Brien. Makahulugan siyang ngumiti at sinabing, “Gaano kaya kasarap sa pakiramdam na mamatay sa kamay ko ang isang talentadong kagaya mo? Nangangati na ang kamay ko na mabahiran ng dugo mo.”

Walang pakialam si Finn sa tingin na ibinibigay sa kanya ng mga nasa paligid. Hindi niya nararamdaman ang tensyon dahil sa kasalukuyan, ang kanyang kamalayan ay nasa paggawa lamang sa likidong gagamot kay Whang. Tila ba napunta siya sa isang napakadilim na lugar kung saan siya lamang at ang mga sangkap ang naroroon. Nalunod siya sa pagbuo ng katangi-tanging produkto ng alchemy, at dahil sa nangyayaring ito sa kanya, nasa sitwasyon siya kung saan napakababa ng kanyang depensa.

Bumaba na si Faino mula sa balkonahe. Malinaw sa kanya kung ano ang sitwasyong kinalalagyan ni Finn kaya bumaba siya upang bantayan ito mula sa mga kalaban. Kahit na ano ang mangyari, katuwang niya pa rin ito, at ang kamatayan nito ay magreresulta ng pagtatapos sa kanilang kontrata.

Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon