The Adventure of Sleeping Beautyby: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 3
Bumangon sa mahabang sofa na gawa sa kahoy at sinuot ang kulay puti pero lumang tsinelas. Nang lumabas siya, nabusog ang mga mata niya ng magagandang orchids na may iba't ibang bulaklak. Nilanghap niya ang sariwang hangin at iginala ang paningin sa paligid. Nasa probinsya ba siya?
"Mabuti naman at gising ka na!" nakasimangot na sabi ng matandang babaeng palapit sa kaniya na may bitbit na arenola.
"S-Sino ho kayo?" napaatras siya. Kulubot na ang balat nito dahil sa katandaan pero alam niyang maganda ito noong kabataan nito. Sa tantiya niya ay mahigit sitenta anyos na ang edad nito pero malakas pa.
"Huwag ka ngang magkunwaring bata ka! Wala ka sa theater!" sabi nito. "Hala, umihi ka para ipandilig ko sa halaman!" sabi ng matanda saka iniabot sa kaniya ang hawak na arenola.
"H-Hindi ho ako iihi," sabi niya na nagtataka. Seryoso? Ihi ang ipandilig nito?
"Umihi ka! Kailangan mamumukadkad ang mga orchids ko!" wika nito.
"Lola naman! Ang panghi naman kapag ihi ang ipandilig mo!" sabi niya.
"Lokong bata ka! Alam mong tumataba sila at namumulaklak kapag ihi ang ipandilig? Araw-araw nating ginagawa 'to tapos ngayon ka pa magrereklamo?" sabi nito na nakapamewang. Hinahaluan naman niya ng tubig ang ihi kaya hindi mapanghi ang mga orchids na tumutubo sa lumang malaking sanga ng kahoy na pinutol nila.
"Araw-araw ho?" nagtatakang tanong ni Hael. Hindi niya kilala ang matanda at kung paano siya napadpad sa lugar na ito.
"Bakit? Gusto mo bang magdilig gabi-gabi?" nagulat siya sa pambabara ng matanda.
"Lola ho kita?" nagtatakang tanong niya. Sa pagkakatanda niya, hindi ganito ang mukha ng napangasawa ng kaniyang lolo at matagal nang patay si Lola Rosalinda niya.
"Lintik kang bata ka!" Nanlaki ang kaniyang mga mata nang dinampot ng matanda ang maliit na panggatong na kahoy. "Walang hiyang bata ka! Tanghali ka na nagising tapos dramahan mo pa ako?" galit na sabi nito.
"Waaaaah. Lola! Sorry po!" tili niya at tumakbo palayo rito. "Hindi ko talaga matandaan!"
"Bumalik ka!" Napansin niyang tumigil ito at napahawak sa likod kaya mabilis na bumalik siya para tulungan ang matanda.
"Sorry ho, Lola Pasing, sorry talaga."
"Naalala mo na pala akong bata ka? Wala kang respeto!" namimilipit ito sa sakit sa likod kaya pinaupo niya muna ang matanda.
"N-Nagbibiro lang ako," sagot ni Hael at napakamot sa ulo. Kusa na lang lumabas sa mga labi niya ang pangalang iyon.
"Umutang ka ng itlog sa tindahan para may pang ulam tayo!" sabi ng kaniyang lola.
"L-Lola? Nasaan ho ang mga magulang ko?" nagtataka niyang tanong pero nagta-transform na naman ang matanda sa alien kaya nag-peace sign siya. "Biro lang ho. Uutang na ng itlog."
Nang maging okay na ito, lumabas siya sa gate na gawa sa kawayan at naglakad. May mga malapit na bahay naman sa kanila pero hindi niya alam kung saan ang tindahan.
Namilog ang mga mata niya nang tumigil ang itim na motorsiklo sa gilid niya kaya napatalikod siya. Tatakbo siya.
"Subukan mong tumakbo at babarilin kita!" Hindi makakilos si Hael. Natatakot siya dahil sa boses nito.
"Hop in!"
"U-Uutang pa ako ng itlog," nangangatog ang tuhod na sabi niya kahit na hindi niya alam kung saan uutang.
"Sumakay ka sa sasakyan ko kung ayaw mong madamay ang pamilya mo!" pagbabanta ng binata.
"Oo na!" Padabog na lumapit siya rito at sumakay kahit na walang helmet. Nandito na naman siya sa panaginip niya. "Saan mo na naman ako dadalhin?"
"Tumahimik ka! Subukan mong tumakas ulit at gigilitan na talaga kita ng leeg!"
Napasimangot siya at napayakap dito nang pinaandar ang motor. Ang suplado ni Baron na para bang boss kung umasta.
Tumigil sila sa isang napakamalaking mansion. Bumukas ang mataas na gate at pinapasok ni Baron ang motorsiklo. Nang makababa na sila, hinila siya nito papasok sa bahay.
"Sino na naman 'yang dinala mo, Baron?" tanong ng ama ni Baron. Trenta otso pa lang ang edad nito kaya binata pa kung pagmasdan. Guwapo at katulad ng anak, may pagkabarumbado kung pagmasdan.
"Girlfriend ko," sagot ni Baron kaya napasimangot si Hael.
"Lahat na lang ng babae mo, dinadala mo rito?"
Nailang tuloy ang dalaga dahil mula ulo hanggang paa siya kung pagmasdan ng lalaki na para bang x-ray machine na sinusuri pati kaluluwa niya.
"Magbabakasyon ang kababata mo next week, sana madala mo siya rito," makahulugang sagot ng ama. Alam niyang gusto ng anak ang kababata at nakikita niyang nagkakamabutihan na ang mga ito.
"Huwag kang mag-alala, alalay ko lang ang babaeng 'to!" sagot ni Baron na mahigpit na hinahawakan ang kamay ni Hael. Hindi niya alam kung paano siya natatakasan nito pero hindi niya ito papakawalan hanggat hindi ito nagbabayad sa kaniya ng kasalanan!
"Mabuti naman at hindi ang isang dukha ang pipiliin mo!" Napanganga si Hael sa tinuran ng matanda. Ang sakit nitong magsalita, matapobre!
"She's mine, don't worry!" sagot ni Baron pero duda siya. Mula nang makilala nito si Lee Lacson, nabalewala na siya ng kababata. Ne hindi na nga siya pinapansin kaya umuwi muna siya sa Pilipinas para magpalamig ng ulo bago pa siya makagawa ng hindi tama.
Hinatak na niya si Hael paakyat sa kuwarto at nang makapasok, isinara niya ang pinto saka naghubad ng tshirt.
"A-Ano ang gagawin mo?" naiilang na tanong ni Hael. Kahit nasa panaginip siya, kinakabahan pa rin siya. Baka gahasain siya nito tapos paggising niya, buntis na siya? "Huwag mo akong gahasain!"
Poker face na humarap si Baron sa kaniya kaya mabilis na iniwas niya ang mga mata. Para itong model sa magazine dahil sa matipunong dibdib na may maninipis na balahibo. Mas lalong bumilis ang puso niya nang hinihila ng abs nito ang mga mata niya.
"Ikaw? Gahasain ko? Gumising ka, Hael!" sabi ni Baron. "Busog ka na sa abs ko?" Kinuha nito ang tuwalya na nasa ibabaw ng kama at ipinulupot sa bewang.
"Ano ba ang kailangan mo sa akin?" tanong ni Hael.
"Labhan mo ang mga damit ko at magsa-shower lang ako!" Utos nito at itinuro ang tambak na labahan sa kanang bahagi ng kuwarto.
"Sa yaman mong 'yan, wala kayong labandera?"
"Ikaw ang gusto kong maglaba!" Naglakad ito palapit sa shower room. "Huwag mong tangkaing tumakas dahil alam ko na ang address ninyo!"
Napabuntong hininga siya at napaupo sa kama. Naiiyak siya dahil ang daming labahan.
"Ano ba!" Singhal niya nang may malakas na tumampal sa noo niya. Medyo napalakas ang boses nito kaya napatingin ang mga estudyante sa kanila.
"Gumising ka na. Hindi ito bedroom para matulog ka!" Wika ni John Matthew.
"Huwag nga ninyong pakialaman ang buhay ko!" naiinis na sabi ng dalaga. Ang sakit ng noo niya. Parang bato ang tumama rito kaya humiwalay ang ispiritu niya sa katawan niya.
"Magagalit na ang librarian!" Saka naman naalimpungatan ang dalaga at pasimpleng inayos ang sarili.
"S-Sorry," nahihiya niyang paumanhin. Ano ang magagawa niya? Kanina pa siya tinatawag ng antok kaya hindi niya namalayang nakatulog pala siya pero nagpapasalamat pa rin siya kay JM dahil ginising siya mula sa bangungot.
"Psh!" Umalis na si JM at naglakad pabalik sa mga kapatid.
Napailing si Hael at lumabas sa library matapos ibalik ang aklat na binabasa. Tapos na siyang mag-research kaya tutulong muna siya sa canteen. Napatingin siya sa relonf mumurahin lang. Iyong tig 150 sa Baclaran. Mahigit sampung minuto rin siya nakaidlip pero siya lang yata ang nakakatulog na paggising ay stress at mas lalong sumasakit ang ulo.
"Ang weird ng panaginip ko, parang totoo," bulong niya. Panaginip lang pero bakit parang totoo sila? Ang mga tauhan? Si Baron? Bakit parang magkarugtong ang panaginip niya?
Lapitin talaga siya ng mga bully kahit sa panaginip.
Matapos tumulong sa canteen, pumasok na siya sa classroom nila. Dumiretso siya sa upuan dahil kaunti pa lang sila. Napasulyap siya kay Jacob na busy sa paglalaro ng Iphone.
"Alam kong tinitingnan mo ako kaya huwag mo akong pagnasaan, hindi kita gusto," sabi nito habang ang mga mata ay nakatutok sa IPhone.
"Bakit kita titingnan?" naiinis na tanong niya. Yabang nito!
"Dahil sa lahat ng kaklase mo, ako ang pinakaguwapo!" Tumigil ito sa paglalaro at tumingala sa kaniya.
"Buhatin mo ang sarili mong bangko!" sagot ni Hael at naupo. Bakit ba may mga lalaking mayayabang?
"Kusa na siyang lumulutang kaya hindi ko na kailangan!" sagot ni Jacob.
Hindi na niya ito sinagot at tinalikuran ang binata saka inilagay ang mumurahing shoulder bag sa desk ng upuan pero napatayo siya nang sinipa ni Jacob ang likura nimg upuan niya.
"Ano ba ang problema mo?" Pinipigilan lang niyang mapasigaw dahil sa galit. Gusto na niyang lumipat ng upuan pero wala namang gustong makipagpalitan sa kaniya lalo na't napapansin ng mga ito na palaging sinisipa ng apat ang silya niya lalo na kapag magalit ang mga ito. Gusto na niyang magreklamo sa guro pero nahihiya siya dahil ang quadruplets ang kaniyang makakalaban. Working student lang naman siya rito sa CTU. Ang masama lang ay ganito ang sitting arrangement nila sa lahat ng classroom.
"Huwag kang matulog!" galit na sagot ni Jacob. Nabuwesit talaga siya kapag nakikitang natutulog ito. Siguro dahil siya ay antukin din kaya ganoon. Kahit saan yata ito ilagay, matutulog lang kung saan. Si Hael ang estudyanteng alam niyang mumurahin ang lahat ng gamit dahil mahirap lang ito.
"Hindi na ako matutulog!" sagot ni Hael. Baka paggising niya sa kabilang dimension, naglalaba na nga talaga siya o baka naglilinis ng buong bahay. Ang laki pa naman ng mansion nina Baron.
"Dukha sa totoong mundo, alila sa panaginip!" bulong niya. Ang malas talaga niya sa buhay!
"Subukan mong matulog, kakaladkarin talaga kita sa labas!" pagbabanta ni John Jacob. Sinasamantala lang niya habang wala pa ang mga kapatid lalo na si Lee Patrick dahil mukhang kinakampihan nito si Hael.
"Hindi na nga ako matutulog!" Bahala na kung may makarinig sa kanila. Kung tutuusin, ang daming babaeng nangangarap na kausapin nito pero kung ganito lang din siya kausapin ni Jacob, mas piliin na lang niyang matulog pero wala rin siyang magawa dahil mas malala pa yata ang lalaking laman ng kaniyang panaginip.

BINABASA MO ANG
The Adventure of Sleeping Beauty
AdventureHindi niya alam kung saan nagsimula ang lahat. Hindi niya alam kung totoo ang mga nangyayari sa panaginip niya, pero isa lang ang sigurado ni Hael, mahal niya ito! Mahal niya ang lalaking nakikita niya sa kaniyang panaginip, si Baron! Pero ang pinak...