The Adventure of Sleeping Beauty
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 13
Unedited...
"Lee Patrick? Saan na si Jacob?" tanong ng ina na kakapasok lang sa kuwarto niya.
"Hindi ko alam," sagot ni Lee Patrick na kakagising lang. Pupunas-punas pa nga ito ng mata. "Mom? Pakipatay po ng ilaw." Alas singko pa lang ng umaga.
"Wala na siya, hindi kaya na-kidnap si Jacob?" nag-aalalang tanong ng ina.
"Mom? Malaki na siya para ma-kidnap! Baka sa ibang kuwarto natulog!" Bumangon na siya at isinuot ang pambahay na tsinelas. Kapag ganitong sinusumpong ng kakulitan ang ina, hindi na siya makakatulog pa.
"Bakit wala na siya? Hindi naman 'yon nagigising ng maaga. Sa inyong apat, siya lang ang tulog mantika," sabi ni Ann. Ito na ang pinakahuling kuwartong hindi pa niya napasukan. Si Jacob talaga ang una niyang ginigising dahil isang oras na hilaan sa kama bago ito tuluyang pumasok sa banyo.
"Hindi ko alam. Tawagan mo na lang kaya, Mom?" Tuluyan nang nagising ang diwa ni Lee Patrick. Ang aga-aga, bina-badtrip siya ng ina. Ayaw niyang marinig ang pangalan ni John Jacob dahil kumukulo ang dugo niya.
"Baka nagtanan na sa girlfriend niya?" naiiyak na sabi ni Ann. Gusto niyang magkaroon ng kasintahan ang quadruplets pero huwag naman sanang umabot sa pagtanan.
"You're exaggerating things, Mom! Ano ang ibubuhay niya kay Hael? Isa pa, hindi sila puwedeng magtanan!" sagot ni Lee Patrick. Not now!
"Bakit ba ayaw mo sa girlfriend niya? Huwag mong sabihing, gusto mo rin si Hael? Parang kay John Matthew lang?" Nanlaki pa ang mga mata ni Ann. Kung hindi lang talaga ito maganda at inosente tingnan, baka mawalan pa siya ng galang sa ina pero kahit na may pagka-isip ito, mahal na mahal nila ito.
"Labas na po, maliligo na ako. Si LL ang kausapin mo dahil sumusobra na ang ginagawa niya kay GV," pagtataboy niya sa ina.
"Bakit? May problema ba sila? Hindi ba't okay na sila?" tanong ni Ann. Oo nga pala, walang alam ang mga magulang nila sa kalokohang pinaggagawa ni LL.
"Si Lance Leonard ang tanungin mo!" Isinampay niya ang tuwalya sa balikat at tumungo sa banyo para maligo.
Tinalikuran na niya ang ina at pumasok sa banyo. Malaki na silang apat pero minsan, sanggol pa kung ituring ng kanilang ina. Mas kawawa si Anndy, bantay sarado nilang quadruplets dahil unica hija ng pamilya.
Paglabas niya ng shower room, mabilis siyang nagbihis at lumabas ng kuwarto. Malapit nang matapos ang taon. Malapit na rin ang search for sorority queen na papalit sa dating puwesto ng Lola Patch nila. Malaking responsibilidad para sa kapayapaan ng lahat. Lahat ay naghahangad na mananalo dahil sa mananahin nitong sorority mask na naghahalaga ng humigit kumulang isang trilyon.
Napahinto siya sa paglalakad nang mapadaan sa kuwarto ni Patch. Napansin niyang nakabukas ito kaya pumasok siya.
"Ano ang ginagawa mo rito, John Matthew?" tanong niya.
"Napansin kong umilaw ito kanina nang mapadaan ako," sagot ni JM.
"Nakikita mo na rin pala," mahinang sabi ni Lee Patrick.
"Bakit kaya siya kumikinang? Bakit minsan lang? Ano ang nangyayari?" naguguluhang tanong ni John Matthew.
"Tama kaya ang hula natin na siya ang susunod na sorority queen?" tanong ni Lee Patrick at naupo sa kama na nasa kaliwang bahagi ni JM.
"Here," sabi ni JM at ipinakita ang bondpaper sa kapatid.
"Ano 'to?"
"Look!"
"Sports car 'to ni Lola Patch."
"Yes," sagot ni JM at pinagmasdan ang nakaguhit. Kinuha niya ito kay GV na nakita lang daw niya sa CR ng CTU at sinabi niyang kilala niya ang gumuhit.
"Sino ang gumuhit nito?" tanong ni Lee Patrick.
"Siya," makahulugang sabi ni JM at tumingala sa sorority mask na nasa dingding.
"Si Hael?" tanong niya.
"Yes..."
"Paano niya nalaman na may ganito tayo?" tanong ni Lee Patrick.
"Hindi ko rin alam," sagot ni JM at tumayo. "Pero kung ano man iyon, mukhang may kinalaman ang maskara."
"Tama kaya ang hinala nating siya ang magiging sorority queen?" tanong ni Lee Patrick. "Pero wala siyang pera..."
"Kung siya ang pipiliin ng maskara, magkakaroon siya ng pera," sagot ni John Matthew.
Silang dalawa ang nagpalista kay Hael. Noon pa man, hinahanap na nila ang susunod na maging sorority queen at lahat ng katangian ay taglay ni Hael.
"Lola? Paano po namin malalaman kung sino na ang susunod na sorority queen?" tanong ni John Matthew. Nakaupo sila sa kama ng matanda habang nakaupo ito sa dresser at masuyong hinahaplos ang medyo kulubot ng mukha.
"Oo nga po, paano namin malalaman?" dagdag ni Lee Patrick. Matanda na si Patch at wala na rin ito sa matinong pag-iisip minsan dahil sa dementia.
"Nakikilala siya ng maskara," sagot ni Patch.
"Paano ho?"
"Hindi ko alam basta nakilala siya nito."
"Palatandaan po?"
"Wala. Basta nakikilala siya ng mga diyamante," sagot ni Patch.
"Hindi ko ho kayo maintindihan."
"Paano mo ninyo ako maintindihan? E si Lee lang naman ang nakakaintindi sa akin? Nasaan na ba siya? Pakitawag nga sa asawa ko!" naiinis na sabi ni Patch. "Sabi niya, maglalaban pa kami sa Tagaytay, tatalunin pa namin sina Ryan sa motor race!"
Nagkatinginan ang magkapatid at hinawakan sa balikat si Patch.
"L-Lola," mahinahong sabi ni Lee Patrick.
"Bakit? Tawagin nga ninyo ang hubby ko!" Utos nito.
"W-Wala na ho si Lee," malungkot na sabi ni John Matthew. Kahit sina Ryan at Adrian, wala na rin. Sa lahat ng barkada nila, siya na lang ang buhay.
"Ah... Baka nagbakasyon sa ibang bansa. Hindi nila ako isinama!" nakasimangot na wika ni Patch. "Pag-uumpugin ko ang mga ulo nila! Iniwan na naman nila ako!"
First day ng school, bang nag-uusap silang tatlo ni Mandy sa rooftop, napansin nilang kuminang ang maliliit na diyamante na suot na kuwentas ni Mandy. Wala namang ibang tao sa rooftop maliban sa babaeng naglilinis sa hagdan.
-------------------------
"Tapos ka na?" Muntik nang mabitawan ni Hael ang bitbit na baso nang magsalita si Jacob sa likuran.
"Ano ang ginagawa mo rito?"
"Sinusundo ka, fifteen minutes na lang, pasok na natin."
"Alam ko, bakit ka pa pumunta rito?"
"Para sunduin ka, alangan naman kakain pa ako rito?" sagot ni Jacob na malapit nang mainis.
Inilapag ni Hael ang mga baso at pinunasan ang kamay gamit ang maliit na towel.
"Ate, alis na ho ako," paalam niya.
"Sige, bumalik ka na lang mamaya," sagot ng may-ari.
"Hindi na ho siya makakabalik, sabay kaming mag-lunch," sabat ni John Jacob saka sinundan si Hael na palabas na.
"Dala ko ang ducati ko," sabi niya kay Hael.
"Maglalakad ako, ang lapit lang ng CTU."
"Sumakay ka na kasi," pangungumbinse ni John Jacob na nakabuntot sa dalaga.
"Huwag na!" Hindi talaga siya sasakay. Para ano? Sila na naman ang maging pulutan ng mga estudyante?
"Ipapakuha ko na lang mamaya sa tauhan namin," bulong ni John Jacob at sinabayan ito sa paglalakad.
"Hael? Dahan-dahan lang, ang bilis mo."
"Hindi ko na problema kung mabagal kang maglakad!" Mabilis talaga siyang maglakad. Sanay na siya sa paglalakad mula noon. Siyempre, naglalako siya.
"Hael? Huwag ka na kasing magsinuplada! Nakakabanas na!"
"Hindi naman ako suplada, bakit ba ang daming babae e ako ang kinukulit mo? Nasisira na tuloy ang trabaho ko."
"Sa akin ka na magtrabaho para hindi na kita maistorbo sa trabaho mo," sagot ni Jacob.
"At ano ang trabaho ko?" tanong ni Hael na naglalakad pa rin. May nakakasalubong na nga silang taga CTU.
"Wala. Maupo ka lang sa tabi ko, babayaran kita," sagot ni Jacob.
"May boyfriend na nga ako, Jacob!" paalala na naman niya.
"Nasaan? Taga saan? Kakausapin ko siyang hiwalayan ka." Wala namang masama kung kausapin niya ang karibal kay Hael. Babayaran na lang niya para layuan nito ang dalaga.
Natigilan si Hael. Taga saan nga ba si Baron?
"Basta!" sagot na lang ni Hael.
"Wala eh! Niloloko mo lang ako. Maniniwala ka lang kapag may maipakilala ka na sa akin." Binilisan na ng dalaga ang paglalakad. Paano niya mapakilala si Baron e sa panaginip lang niya ito nakikita? Sa panaginip lang niya ito kasintahan? Hindi naman niya puwedeng ipaalam dito dahil mapagkamalan siyang baliw.
"Puwede ba Hael, mag-focus ka na sa akin, hindi 'yong kung sinu-sino ang sinasabi mong kasintahan mo!"
"May kasintahan ako at mahal ko siya!" giit ni Hael.
"Salamat sa pagmamahal mo sa akin, mahal din kita!" Medyo lumakas ang boses ni Jacob kaya napatingin sa kanila ang lahat ng estudyante sa labas ng gate.
"O? Titingin-tingin ninyo?" singhal ni Jacob sa kanila na nakasalubong na ang mga kilay. Inakbayan niya si Hael at nagsalita, "Girlfriend ko na 'to, kapag may mang-away sa kaniya, ako ang katapat ninyo!"
Biglang nawalan ng kulay ang pisngi ni Hael. Ganito ba talaga sila mag-anunsyo? Iyong sila lang ang nakakaalam kung kailan at saan?
Tinanggal niya ang kamay ni Jacob at padabog na tumungo sa building nila. Hindi na niya naramdaman ang presensiya ni John Jacob.
Pagkapasok niya sa paaralan, nakita niya si Lance Leonard na kausap si GV na hinila niya papasok sa classroom nila dahil bored ito kanina at sakto namang napadaam si GV. As usual, tungkol na naman sa buntis na pusa ang pinag-usapan nila.
"Wala ka na bang ibang sabihin kundi ang malandi na pusa mo?" singhal ni GV. Okay na sila, mukhang bumalik na si LL sa pagiging inlove kay GV. Kung sabagay, ang ganda na ng dalaga.
"Bakit? Bigyan kita ng isa, Mine," masayang sabi ni LL.
"Ayaw ko! Solohin mo 'yang taksil na pusa mo!" Tumaas na ang boses ni GV at namumula na ang mukha sa galit pero humalakhak lang si LL kaya mas lalong nainis si GV.
Nakikinig lang si Hael sa kanila. Wala rin siyang gagawin. Tinatamad siyang matulog dahil baka magkita sila ni Baron at kaunti lang ang oras nilang magkasama dahil padating na ang guro nila.
Biglang may sumulpot na puting rosas sa harapan niya.
"Puting rosas para sa napakagandang dalaga," sabi ni Jacob kaya napatigil si LL sa pagtawa at biglang naging poker face na tiningnan ang kapatid. Kahit ang nasa paligid ay hindi rin nakapagsalita sa nakikita.
"What?" singhal ni Jacob sa paligid. "May masama ba kung bibigyan ko nv bulaklak ang kasintahan ko?"
Tumayo si Hael dahil hindi niya alam ang gagawin. Hinawakan siya ni Jacon sa kaliwang kamay at hinila palabas. Para siyang asong nakatali at walang magawa kundi ang sundan lang ang amo na humihila sa tali niya para hindi masaktan.
Sa rooftop siya nito dinala. "Hael? I'm sorry kung napahiya ka," paumanhin ni John Jacob. "S-Sabihin mo lang kung mali ang ginagawa ko o ayaw mo dahil hindi ko alam kung ano ang tama. Firstime ko itong manligaw at hindi ko alam kung paano."
"Bakit ako, Jacob? Bakit hindi na lang sa iba? Mahirap lang ako, walang maipagmalaki at hindi mo puwedeng maipagmalaki!" naguguluhang tanong niya. "Kung balak mong gumanti, sorry na. Hindi ko ginustong mabatukan ka noon."
"Hindi naman iyon, Hael! Wala akong balak na gumanti. Seryoso ako, gusto kita!" sagot ni Jacob. "Gusto kita pero nakakainis ka dahil hindi mo man lang ako tinitingnan. Gusto kita kaso parang balewala lang ako sa iyo. Hindi ba ako guwapo? Ano ang ayaw mo sa akin? Bakit lahat ng gawin ko ay balewala lang sa 'yo? Pangit ba ako?" naguguluhang tanong ng binata. Ito lang talaga ang babaeng walang pakialam sa kaniya.
"Hindi naman sa ganun, ang dami mo kasing fans at hindi ko pinangarap na magustuhan mo," pag-amin ni Hael kaya napahilamos ng mukha si Jacob.
"Pero ako, pinapangarap ko ngayon na mapansin at magustuhan mo. Ang isang babaeng mababa man ang tingin ng iba dahil mahirap, pero ako, tinitingala ko kita! Hindi ko alam kung bakit ikaw pa pero Hael..." Hinawakan ni Jacob ang mga kamay niya at tinitigan siya sa mga mata.
"Seryoso ako, mahal kita!" Iniwas ni Hael ang mga mata niya at tumingin sa ibang direksyon. Ang tanging nararamdaman niya ngayon ay ang init ng mga palad ni Jacob na biglang dumaloy sa kaugatan niya at nagpabilis ng pagtibok ng kaniyang puso.
"Alam kong masyado pang maaga, Hael, pero handa akong maghintay. Handa akong hintayin lung kailan mo ako mahalin," saad ni John Jacob kaya hindi makapagsalita si Hael. Nagpatianod na lang siya nang akayin siya nito pababa ng rooftop. Ang init ng kamay ni Jacob pero siya, nanlalamig siya. Hindi niya maintindihan ang damdamin, natatakot siya sa isang bagay na hindi niya alam.

BINABASA MO ANG
The Adventure of Sleeping Beauty
AventureHindi niya alam kung saan nagsimula ang lahat. Hindi niya alam kung totoo ang mga nangyayari sa panaginip niya, pero isa lang ang sigurado ni Hael, mahal niya ito! Mahal niya ang lalaking nakikita niya sa kaniyang panaginip, si Baron! Pero ang pinak...