02

63 10 0
                                    

Hindi rin naging madali ang mamuhay mag-isa. Kailangan kong i-badget ang sahod ko. Bayad sa kuryente at sa tubig. May mga gamit pa ako na kailangang bilhin. Ang gas, masyadong mahal pero wala akong choice kundi ang bumili pa rin. Hindi naman ako pwedeng magkahoy rito sa apartment ko.

“Kailangan mo ng mga gamit?” tanong ni Vianna.

Palagi nga siyang nandito sa apartment ko. Isang linggo pa lang akong nandito ay hindi niya talaga hinayaan na mag-isa ako. Minsan ay natutulog na siya rito.

“Bibili ako pagsahod ko,” sagot ko sa kaniya.

Malapit na rin naman na akong sumahod. Maghihintay na lang ako ng ilang araw para do’n. Makakabili na ako ng mga gamit dito sa apartment ko kahit papaano.

“Utang ka muna sa akin, bayaran mo kapag nakasahod ka na,” sabi niya naman.

Agad niya akong pinagbihis at pupunta raw kami sa mall para bilhin ang mga kailangan kong gamit dito sa apartment. Pwede naman na sa palengke kami bumili. May mga nagtitinda naman doon ng mga kaldero o iba pang gamit sa bahay.

“May mga ipapadalang gamit si Mommy. Don’t worry, mga lumang gamit na namin iyon, pero maayos pa naman lahat. Pwede mong magamit,” sabi niya pa.

Wala na akong nagawa nang tuluyan na akong nahatak ni Vianna para mamili ng mga kailangan ko. Hindi raw ako pwedeng tumanggi sa kaniya.

Halos siya na nga rin ang namili ng mga kailangan ko. Ang lagay ay parang siya pa ang nakatira sa apartment na nilipatan ko. Halos umabot yata ng kulang sampung libo ang nabili namin. Isang buwan na sahod ko na iyon.

“Ano pang kailangan mo?” tanong niya.

Agad akong umiling. “Wala na, nabili na natin lahat ng kailangan ko,” sagot ko sa kaniya.

Mabuti na lang din at hindi na ako kinulit pa ni Vianna. Ilang kahon ang dala namin ngayon. Dala niya ang kotse nila, siya ang nagmaneho. Nilagay namin ang lahat ng pinamili namin sa compartment niya.

“Magkano lahat ng nagastos natin?” tanong ko.

Babayaran ko iyon pagsahod ko sa susunod na araw. Balak ko ring bumili sana ng computer para mas makapagsulat ako nang maayos. Nagpakabit na rin ako ng wifi kaya mas dumagdag sa gastos ko.

“Konti lang naman. Nine thousand eight hundred ninety three lang naman,” sagot niya.

Muntik na akong masamid sa sarili kong laway. Oo nga naman, konti lang iyon para sa kaniya. Talagang ubos ang isang buwan na sahod ko rito sa mga pinamili niya. Kung sa palengke kami bumili ay baka nakamura pa ako.

“Pwedeng two gives ang bayad mo, okay lang naman sa akin,” sabi niya pa.

Umiling na lang ako. Umuwi na kami sa apartment ko. Pagkarating ay may naabutan pa akong isang truck doon sa labasan.

“Oh? Nandito na pala ’yung mga lumang gamit namin na ibibigay sa ’yo,” sabi ni Vianna.

Agad kaming lumabas sa kotse para tingnan ang mga iyon. Halos malaglag ang panga ko sa nakita. May sofa, ref at washing machine. Napatampal na lang ako sa noo ko. Lumang gamit ba talaga ’to? Bakit parang bago pa lang lahat?

“Ma’am, ipapasok na po namin ang mga gamit ninyo,” sabi nung isang lalaki na may dalang washing machine.

Mabilis akong lumapit sa apartment ko at binuksan ang pinto. Hinayaan ko silang ipasok ang mga dalang gamit. May pinapirmahan pa sa akin ang isa sa kanila. Wala akong binayaran na shipping fee man lang. Si Tita na siguro ang nagbayad sa mga ito.

“Okay na po, Ma’am.”

Binalingan ko si Vianna na todo ang ngiti sa akin ngayon. Nang makita niyang busangot ako ay tinawanan niya ako.

Notre Éclipse (Notre Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon