Nang dahil sa nilutong pagkain ni Desiree, nagkatinginan nang hindi maganda si Prince Oaki at ang kanyang shadow prince na si Ochan.
Bago pa makapagsalita si Ochan, binato na agad siya ng suntok ng prinsipe, mabuti na lang nakailag siya. Pero hindi iyon natapos doon. Nagkaroon ang dalawa ng mano-manong labanan.
***
"Sinong nagbigay sayo ng pahintulot na pumunta sa South Village ha?" Hindi pa man nakakatuntong sa palasyo, sinalubong na agad ni Sapiro si Desiree. Daig pa nito ang istriktong tatay na nanermon sa dalaga. "Isa kang sentinel. Bilang sentinel hindi mo dapat basta iniiwan ang master mo!"
Alam na yon ni Desiree, nasabi na sa kanya ni Tom kaya tumango na lang siya.
Sinubukang maging mahinahon ni Sapiro. Alam naman kasi niya na baguhan si Desiree kaya wala pa itong alam sa pagiging sentinel. Pero hindi na talaga siya natutuwa sa panantili nito sa North Village. Marami na itong gulo na nadala.
"Dahil sa ginawa mong pag-alis, nagalusan si Prince Oaki, alam mo ba yon?"
"Ha? Si Chad nasugatan? Bakit... nasaan siya?" Nataranta na si Desiree. Ginusto agad niyang puntahan ang kapatid.
"Sandale!" pigil ni Sapiro. "Ayos lang siya. Kaunting galos lang naman ang nakuha niya mula sa shadow prince."
Napakunot ng noo si Desiree. "Sa shadow prince? Kay Ochan?"
"Oo!" Napalakas ang boses ni Sapiro. "Ewan ko ba naman kasi kung paanong pagpapalaki ang ginawa mo sa prinsipe. Bigla niyang sinugod ng suntok si Ochan."
"Sinugod ng suntok? Teka... nag-away sila?"
Napatango lang si Sapiro. Ganoon nga kasi ang nangyari. At si Desiree ang sinisisi niya. Kung hindi kasi ito umalis malamang mapipigil niya ang dalawa. Napagalitan siya ng mga tagapayo dahil nagkagalos ang prinsipe. Di naman nila masisi si Ochan dahil ang prinsipe ang unang nanuntok.
"Ang totoo, mahilig na talagang makipag-away si Chad. Hindi na ako masyadong nabibigla," sabi ni Desiree na nagpainit na naman sa ulo ni Sapiro.
"At masaya ka pa na nakipag-away siya. Hay naku..." Napahawak si Sapiro sa noo niya. "Sige na nga... puntahan mo na ngayon ang sentinel mo. Sabihin mo sa kanya na maghanda dahil kakausapin tayo ng mga tagapayo."
"Kakausapin, para saan?"
"Para sa nalalapit na araw ng mga bulaklak."
Nagsalubong ang mga kilay ni Desiree kaya naisip na magpaliwanag ni Sapiro.
"Ang araw ng mga Bulaklak ang pinaka inaabangang pagdiriwang dito sa North Village. Araw iyon kung saan magbibigay ang mga mamamayan sa prinsipe at sa shadow prince ng mga bulaklak."
Biglang kuminang ang mga mata ni Desiree. "Ang galing naman non... parang Valentines Day."
"Sa araw na iyon bukas ang palasyo kaya kailangan nating maghanda. Sige na.... kausapin mo na ang master mo."
"Sige. Salamat Sapiro." Tumakbo na si Desiree papasok sa palasyo.
Dumiretso agad siya sa silid ng kanyang master, pero wala ito doon kaya naman naisip niyang pumunta sa tore. Doon kasi madalas mamalagi si Ochan. Hindi naman siya nagkamali. Naandon nga ang lalaki.
"Fisherman!" tawag niya. Malakas ang pagkakasabi niya noon pero parang walang narinig si Ochan. Hindi siya nito nilingon.
"Mukhang malalim ang iniisip niya..." nasabi na lang ni Desiree habang dahan-dahang lumalapit kay Ochan. "Fisherman, tingnan mo kung anong dala ko!" Ipinakita niya ang berdeng kwintas. Gusto niyang ipagmalaki sa master niya na nakuha niya ang kwintas nito.
BINABASA MO ANG
Kiss the Prince
FantasyKung hindi sinundan ni Alice ang rabbit, mararating niya kaya ang wonderland?