Chapter 5 *Richard's Choice*

1K 41 3
                                    

"Chad?"

Kumakatok na naman ang ate niya.

"Chad, tulog ka pa rin ba?"

Dahan-dahang bumangon si Richard mula sa pagkakahiga.
Ang totoo, hindi talaga siya nakatulog. Hindi kasi mawala sa isip niya ang mga ipinakita ni Sapiro---ang tungkol sa Akaba at ang tungkol sa North Village.

"Chad!" Tuloy pa rin sa pagkatok ang ate niya.

Kung si Richard ang tatanungin, gusto  niyang sumama kay Sapiro.
Gusto niyang makita ang tunay niyang mundo at makilala na rin ang tunay niyang pamilya.
Gusto niya rin mas malinawan tungkol sa kapangyarihan niya, ngunit nagdadalawang-isip siya.
Ayaw niyang iwan ang ate Desiree niya.

"Marami akong itinirang pagkain sa ref. Kapag nagutom ka kumain ka agad. Aalis lang ako sandali."

"Ate Desiree..."

Tumayo na si Richard.
Nang mga oras na iyon ay ginusto niyang yakapin ang ate niya. Gusto niya ring sabihin mananatili siya sa tabi nito habambuhay. Oo, hindi siya aalis. Iyon na ang pasya niya. Hindi niya iiwanan ang kapatid.

Pagkabukas niya ng pinto, wala na roon ang ate Desiree niya. Sigurado siyang mahahabol niya pa ito, pero bago niya pa magawa ay may pangitain na sumaklob sa kanya. Napahinto siya at napahawak sa kanyang ulo.

Bigla rin bumagsak ang mga tuhod niya.
Kasunod noon ang pagpatak ng kanyang mga luha.

"Mukhang hindi maganda ang pangitain n'yo."

Natigilan si Richard, pero kahit hindi niya lingunin ang nagsalita, alam niya na si Sapiro iyon. Kakaibang nilalang ito kaya hindi na siya magtataka kung paano nito nalaman at napasok ang bahay nila.

"Nakapagdesisyon na po ba kayo?" Dahan-dahan itong lumapit sa kanya.

Pinahid muna ni Richard ang mga luha niya bago humarap kay Sapiro. "Oo, may pasya na ko."

***

Lumabas si Desiree para pumunta sa palengke. Naisip niya kasing ipagluto ng pichi pichi ang kapatid. Baka sakaling maiibsan ang lungkot nito kapag nakain ang paboritong pagkain.

Nag-tricycle siya papunta sa palengke. Pagkatapos niyang mabili ang mga sangkap, nag-abang na uli siya ng tricycle, pero walang dumaraan. Kung meron man puro may sakay. Naisip niyang maglakad na lang pauwi. Kung hindi lang dahil kay Richard, maiinis na talaga siya. Kung kailan kasi mabigat ang dala niya saka naman nawalan ng sasakyan.

Masakit na ang kamay niya, kaya ibinaba niya muna ang dalang eco bag. Bigla namang may ibang dumampot noon. "Teka..." Pagtingin niya, nakita niya ang isang pamilyar na lalaki.

"Ikaw?" Ito iyong lalaki na kasama ni Richard sa parking lot.

"Saan ba ang punta mo, kailangan mo ba ng tulong?" tanong nito.

Hindi agad nakasagot si Desiree, kanina lang kasi ay iniisip niya ang lalaking ito. Ano nga kaya ang koneksyon nito sa kapatid niya? Kung tama iyong ikatlong hula niya, anong dapat niyang sabihin? Pipigilan niya ba ito na bawiin si Richard? Kailangan niyang malaman ang buong katotohanan.

"Ikaw iyong nakita ko na kasama ni Chad kanina. Paano mo siya nakilala? Bakit ka nandito? Pupuntahan mo ba ngayon ang kapatid ko?" sunud-sunod na tanong ni Desiree.

Mariing titig ang isinagot sa kanya ng lalaki.

Bahagyang napaatras si Desiree. Hindi niya gusto ang tingin nito.

"Alam mo ang tungkol sa kapangyarihan niya, hindi ba?"

Namilog ang mga mata ni Desiree. Hindi siya makapaniwala na may iba pang may alam sa kakaibang kakayahan ni Richard. Mukhang tama ang hinala niya-- na magkamag-anak sila.

Kiss the PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon