Chapter 7 *To North Village*

963 44 2
                                    

"Lola!" tawag ni Tulip. Habol-habol niya ang matanda.

"Puwede ba, Tulip huwag mo na akong tawaging lola dahil hindi na ako matanda." Dire-diretso ito sa paglalakad.

Patuloy naman sa pagbuntot si Tulip. "Gusto ko lang malaman kung bakit ganoon ang ibinigay mong kapangyarihan sa kanya?"

"Bakit ba masyado kang nag-aalala? Alam mo naman na limitado  lang ang kapangyarihan ko. Pagkalipas  ng ilang mga araw, mawawala rin iyon."

"Alam ko naman, pero..."

"Ikaw ang nakapagtataka. Bakit mo ba siya tinulungan?"

Biglang napahinto si Tulip.

Huminto rin si lola Salvia at lumingon sa kanya. "Ilang taon ka rin nakulong. Sarili mo pang kapatid ang nagpakulong sayo. Kinuha niya rin ang kapangyarihan mo. Salamat sa tulong ng isang sentinel, nakalaya ka. Pero anong ginagawa mo? Gumagawa ka na naman ng krimen at dinamay mo pa ako."

"Hindi naman po krimen ang ginawa ko, tinulungan ko lang siya," depensa ni Tulip. "Isa pa, kahit ano pang sabihin n'yo ngayon, damay na rin kayo."

"Oo, alam ko at ginusto ko iyon," sagot ni lola Salvia. "Pumayag ako dahil naniniwala ako na hindi mo na uulitin ang pagkakamali na ginawa mo noon. Sana naman tama ako." Naging mariin ang pagsasabi niya sa huling pangungusap. Kaya nga bahagyang napatungo si Tulip. Hindi niya inasahan na sasabihin iyon ni lola Salvia. Ang akala niya talaga nabola niya ito—pero hindi pala. Nagtiwala lang pala talaga ito sa kanya. Nagpapasalamat siya kay Sapiro dahil hindi nito binura ang ala-ala ng matanda—-tungkol sa kanya.

"Ngayon, uulitin ko ang tanong," pagpapatuloy ni lola Salvia. "Bakit mo tinulungan ang babaeng iyon?"

"Hindi ko rin alam, pero siguro gusto ko lang siyang bigyan ng pagkakataon para makausap ang kapatid niya."

Tinitigan nang maigi ni lola Salvia si Tulip. Sa nakikita niyang ekspresyon ng mukha nito, mukhang may ideya na siya sa ibig nitong sabihin. Gusto nitong maging maayos ang magkapatid—bagay na nawala sa kaniya.

"Pero Tulip, paano kung hindi niya makita ang kapatid niya? Paano kung mapahamak siya rito?" dagdag na tanong ni lola Tulip.

"Naibigay ko na ang tulong na magagawa ko. Kung may mangyari pa sa kanya, problema na niya iyon."

Tumawa na lamang si lola Salvia bago nagsimula uling maglakad. Sumunod naman sa kanya si Tulip. Sa pagkakataong iyon ay wala na silang pakialam pa kay Desiree.

***

Nagpalinga-linga si Desiree. Kung siya ang tatanungin wala namang espesyal sa lugar na napuntahan niya. Hindi nga siya sigurado kung ito na nga ba ang Akaba. Gayunpaman, buo ang pag-asa niya na dito niya makikita ang kapatid.

Pero saan na nga ba napunta sina Tulip at lola Salvia? Gayun din ang mga taong nakita niyang tumagos sa pader?

Gumugulo rin sa isipan niya iyong kapangyarihang ibinigay sa kanya ng matanda. Totoo nga kaya iyon? Talaga nga kayang may kapangyarihan na siya?

Sandali siyang napahawak sa kanyang ulo. Napakarami niyang tanong, pero nagpasya siya na huwag na muna iyong isipin. Kailangan na niyang hanapin si Richard.

Sinimulan niya ang paglalakad. Napangiti siya nang may makitang mga tao. Ilan sa mga ito ay kumukuha ng larawan, kumakain, nagpe-painting at nakikipaglaro sa mga alagang hayop.

Nilapitan niya ang isa. "Excuse me, magtatanong lang po." Hindi siya pinansin ng pinagtanungan niya, tuloy lang ito sa pagkain. Sinubukan niyang tanungin ang iba pa, pero ganoon din ang mga ito. Hindi siya pinansin.

Kiss the PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon