Nahiga si Desiree sa kama niya at nagsimulang humikbi. Pinipigil niya ang sarili na umiyak nang malakas dahil naandon ang mama niya. Kung maririnig siya nito ay baka magtanong pa ito, sigurado namang hindi siya nito maiintindihan. Basta ang alam niya, gusto niyang makita ang kapatid.
Isa lang ang lugar na maaaring kinaroroonan ni Chad ngayon. Walang iba kundi ang lugar na sinabi ni Sapiro. Sa Akaba.
"Sandali. Akaba?" Sigurado siya na hindi niya iyon unang narinig kay Sapiro. Inisip niya nang mabuti. Saan niya nga ba iyon narinig?
Nanlaki ang mga mata niya nang maalala niya kung saan.
"Kay Tom!" bulalas niya.
Tama. Kay Tom nga niya iyon unang narinig-nang banggitin nito ang tungkol sa prinsipe na may mga super power.Hindi niya alam kung paano iyon nalaman ni Tom, pero hindi na iyon mahalaga. Ang importante ay may lead na siya kung paano mahahanap ang kapatid.
Kinabukasan, maaga siyang pumasok sa University. Gustong-gusto na kasi niyang makausap si Tom, pero tulad ng dati ay lumiban ito. Naisip niyang pumunta sa registrar para alamin kung saan ito nakatira. Sasabihin na lang niya na inutusan siyang bisitahin ito.
"Ah, pasensiya na pero nag-drop out na si Mr. Tom Edelweiss."
"Ano?" Gulat na gulat si Desiree sa nalaman. Bakit naman biglaan? Pero di bale, pupuntahan na lang niya ito sa trabaho. Mabuti na lang alam niya kung saan.
Pagkatapos ng klase, nagdiretso na siya sa may terminal ng jeep--sa burger stand na pinagta-trabahuhan ni Tom.
May mga itatanong siya sa lalaki. Unang-una na ang tungkol sa Akaba, at kung may alam ba siya tungkol sa mga prinsipe roon.
Nawala ang ngiti ni Desiree sa labi nang iba ang makita niya sa burger stand.
"Good afternoon po, bibili po ba kayo?" bati nito.
"Ah, h-hindi. Itatanong ko lang kung nasaan si Tom?"
"Tom? Sinong Tom?"
"Siya iyong dating nagtitinda rito."
"Dating nagtitinda?" Nag-isip pa ito. "Teka, si Edelweiss ba ang tinutukoy mo?"
"Oo, siya nga."
"Si Eldelweiss pala. Wala na siya, nag-resign na."
"Nag-resign? Pero bakit?"
"Hindi ko alam, pero siguro napapagod na siya. Marami kasi siyang trabaho. Kung hindi ako nagkakamali ngayon ang last day niya sa fast food chain na pinagta-trabahuhan niya."
"Puwede ko bang malaman kung saan iyon? Sige na."
"Walang problema."
Pinuntahan na agad ni Desiree ang lugar na sinabi ng lalaki.
Nagtricycle na nga siya para mabilis."Excuse me. Nandito ba si Tom Edelweiss?" tanong niya sa counter.
Itinuro ng babaeng nasa counter ang mascot nila. Abala ito na nakikipaglaro sa mga bata.
Kung gayon, mascot pala rito si Tom, naisip ni Desiree.
Um-order muna siya ng float at hinintay matapos si Tom sa pakikipaglaro.
Eksaktong thirty minutes nang iwan ni Tom ang mga bata.
Pumasok na ito sa dressing room ng mga crew. Saglit lang ay nakabihis na agad ito at nagpaalam na sa mga kasama.Dali dali na itong sinundan ni Desiree hanggang sa labas ng fast food.
"Tom!" tawag ni Desiree.
BINABASA MO ANG
Kiss the Prince
FantasíaKung hindi sinundan ni Alice ang rabbit, mararating niya kaya ang wonderland?