Chapter X: Who's that?

194 15 0
                                    

"Tatlong patak lang ang nakalagay sa instruction. Bakit mo naman nilahat?" iritableng tanong ni Penelope kay Oliver.

Kasalukuyan kaming nasa dungeon. Naririto ginaganap ang klase ni Professor Lucian Barclay, guro sa Potion. Sandali niya kaming iniwan dahil mayroon daw biglaang faculty meeting. Binilinan niya kami ng gawain by group. Kasama ko si Penelope at si Oliver, minalas kami dahil nahiwalay sa amin si Morgan na magaling sa ganitong bagay.

"Hindi mo kaagad sinabi. Pabayaan mo na lang, as if naman titikman ni Professor Barclay 'yan." sabi ni Oliver.

"Siraulo ka ba? Paano kung sa atin 'yan ipainom? Mamamatay ako sa'yo nang wala sa oras."- Penelope.

Napakamot ako ng ulo dahil sa kanilang dalawa. Mali na pinagsama sila dahil panay away lamang ang kanilang ginawa mula kanina. Tiningnan ko 'yong kabilang grupo na seryoso sa kanilang ginagawa. Mukhang malapit na silang matapos.

"Guys, ulitin na lang natin." singit ko sa usapan nila. Nagpalitan pa ng masasamang tingin iyong dalawa bago ipagpatuloy muli ang paggawa.

Nagpakulo muli ako ng mainit na tubig. Umalis sandali si Oliver para kumuha ng mga naubos na ingredients. Tutok sa pagbabasa ng instruction si Penelope at sinisiguradong naaayon ang kaniyang ginagawa sa nakalagay sa libro.

Makalipas ang kalahating oras, tuluyan na naming natapos ang inihanda naming potion. Dumating na rin si Professor Barclay para i-check ito. Nakalagay sa lamesa niya ang mga bottle na naglalaman ng aming mga ginawa. Taka ko iyong tinitigan dahil magkaiba ang kulay ng likido na nasa loob.

"Pareho naman tayo ng potion na ginagawa diba? Bakit 'yong satin ay greenish yellow tapos 'yong sa kanila ay para bang oil?" puna ni Oliver.

"Healing potion din ba 'yong sa inyo? Para sa mayroong sipon at ubo?" tanong ni Penelope at tumango naman 'yong kabilang grupo.

Kinuha ni Professor Barclay at itinaas ang dalawang bote. Binuksan niya isa-isa ang mga ito at saka inamoy. Sumilay sa kaniyang labi ang isang ngiti habang sinusuri ang potion na ginawa nina Morgan.

"Kaunting pagsasanay pa at malapit na ninyo itong magawa ng perpekto. Marapat na ang temperatura ng tubig ay nasa 75°C saka ninyo ilalagay ang mga dahon ng bulaklak na aristea." sabi niya.

Napaisip ako kung papaano nalaman ni Professor ang temperature ng tubig. Wala namang thermometer dito na magagamit kaya imposible na matasiya mo 'yon ng sakto. Alangan namang idampi mo 'yong daliri doon; tiyak na paso ang aabutin mo.

"Para naman sa inyo, Serafina, Oliver, at Penelope, mahaba-haba pa ang lalakbayin ninyo. Mukhang mayroon kayong sariling libro na sinusunod dahil karamihan sa mga ginamit ninyong ingredients ay iba sa nasa panuto. Halimbawa na lamang ang pagbudbod ng asukal, sa halip na asin." mahinahong sabi ni Professor Barclay sa amin.

"Po? Asukal pala 'yon? Akala ko asin kasi white rin ang kulay." -si Oliver. Napabuntong-hininga na lamang si Penelope para pigilan na batukan si Oliver.

"Ito na ang magiging huling klase ninyo ngayong araw. Pansamantala na wala kayong pasok mamayang hapon sapagkat ang inyong mga guro na magtuturo sa inyo mamaya ay aalis at kinabukasan pa babalik." anunsyo ni Prof. Magdidiwang pa lamang sana ako sa aking isipan subalit may naging pahabol pa ang guro.

"Pinasasabi ni Professor Tudor na mayroon kayong pagsusulit para sa inyong magiging sunod na topic. Mag-advance study raw kayo at mahaba-haba iyon. Sa Divination, kinakailangan ninyo rin na makapaghanda ng isang pangitain at patutunayan ninyo ang mga ito. Hinabilin din ni Professor Norwood na magsimula na kayong umisip kung sa papaanong paraan daw ninyo gagamitin ang inyong aura. Iyon lamang naman, makakaalis na kayo." dagdag ni Professor Barclay.

Hurnorth: School of Witchcraft and WizardryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon