Epilogue

166 11 0
                                    

**3 months later**

"Serafina, gising na anak. Naririto na tayo."

Kinusot ko ang aking mga mata at ginawaran ng ngiti ang aking ama na unang sumalubong sa aking paggising. Kinuha ko ang kaniyang kamay na nakalahad sa aking harapan upang tulungan akong bumaba ng sasakyan. Sabay naming tinungo ang daan kung nasasaan ang aking ina.

"Ina, ngayon lang po ako nakabisita. Pasensya na po."

Inilatag ng aking ama ang banig sa damuhan at aking inilapag ang basket na puno ng pagkain sa ibabaw niyon pagkatapos. Dala-dala ang mga binili naming bulaklak, pinatong ko ang isa sa lapida ng aking ina at isa sa aking lola.

Humiga ako at pinagmasdan ang payapang kalangitan. Ang mga ulap ay nagkalat, umiihip ang sariwang hangin sa paligid, at maririnig ang pag-awit ng mga ibon sa tuwina. Nililipad ang aking buhok kaya't itinali ko ito sa mataas na ponytail.

Maya't maya ang kwento ko sa aking mga magulang sa lahat ng nangyari mula nang manirahan ako kina Francois hanggang sa mag-aral ako sa Nexus. Ipinakilala ko rin ang aking mga naging kaibigan at marami pang iba.

Tumagal kami ng halos dalawang oras bago kami umuwi. Iniligpit ng aking ama ang mga dala-dala namin samantala nagpaalam na ako sa aking ina at lola.

"Ma, La, baka matagal-tagal po ulit bago ako makabisita. Miss na miss ko na po kayong dalawa. Kung nasaan man po kayo, sana po masaya kayo diyan. Aalis na po kami, hanggang sa muli po. Mahal na mahal ko po kayo."

Pagsakay sa kotse, kaagad kaming nagtungo sa terminal. Ngayon ang araw nang pag-alis namin sa Southern Clear Field dahil babalik na kami sa Nexus. Pansamantala kaming nanirahan muna rito dahil may kinailangan iasikaso ang aking ama. Matagal-tagal na mula nang makasama ko sina Penelope. Hindi na ako makapaghintay na makita muli sila.

Kamusta na kaya sila?

Matapos ang ilang oras na biyahe, nakarating na kami ng Roothallow Terminal. Sumakay kami sa double decker bus na maghahatid sa amin patungong Nexus. Isinandal ko ang aking ulo sa balikat ng aking ama nang dalawin ako ng antok. Hindi ko na alam ang sunod na mga nangyari dahil nakatulog na ako.

Pagkahinto ng bus ay naalimpungatan ako. Nag-ayos ako ng sarili at tinulungan ang aking ama sa pagbubuhat ng aming mga bagahe. Pagkababa, ang kumakaway na si Ate Charlotte at nakangiting si Francois ang sumalubong sa amin. Tumakbo ako patungo sa kanila at sinalubong sila ng isang mahigpit na yakap.

"Ate! It's so good to see you." masayang sabi ko.

"Seraph, namiss kita. Kamusta ka na?" sabi niya sa akin.

"Hep, mamaya na kayo magkamustahan. Umuwi na muna tayo." singit ni Fracois sa usapan.

Sumakay kami sa limousine at inihatid kami nito sa mansyon. Sa amin na rin titira sina Fracois at Ate Charlotte. Sila ang mangangalaga ng bahay. Ilang minuto lamang ang biyahe dahil wala namang traffic dito sa G.A.V. Nakarating kami sa mansyon nang ika-1 ng hapon.

Iniwan na namin ang mga bagahe sa sasakyan dahil inanyayahan na kami ni Francois kumain na dahil nalipasan na kami ng gutom. Nakahain na ang mga pagkain sa dining hall nang makarating kami roon. Sandali akong naghugas ng aking kamay bago umupo sa upuan at nagsimulang kumain.

Panay ang kwento ni Ate Charlotte. Minsan ay pinapagalitan pa siya ni Francois dahil puno ang kaniyang bibig minsan habang nagsasalita. Hindi ko maiwasan ang matawa dahil sa kakulitan niya.

Bukas na bukas ay babalik na ako sa Hurnorth. Matapos kumain ay nagligo ako saka umakyat sa aking kwarto para matulog. Si Papa ang maghahatid sa akin patungo roon kaya't nagpahinga na rin siya.

Hurnorth: School of Witchcraft and WizardryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon