DAHIL sa sobrang kapaguran ay nakatulog na kaagad si Light pagkatapos niyang kausapin si Trisha. Nasa kalaliman na siya ng kanyang pagkakatulog nang bigla siyang nakaamoy ng usok.
Pagkadilat niya'y napabalikwas siya nang makita niyang may isang paring nakatayo sa kanyang harapan habang punong puno ng usok ang kanyang kwarto. Sinubukan niyang gumalaw ngunit nakakadena ang kanyang mga kamay sa kama.
"Maligayang pagdating, Light." sabi ng pari. "Maligayang pagdating sa kabilang buhay."
Nanlaki ang mga mata ng binata. "Ha?! Anong p-pong pinagsasasabi niyo?"
Hindi niya napansing sa likuran ng pari ay mayroong mga taong nakaputing damit.
Nagpatuloy sa pagsasalita ang pari. "Marahil ay hindi mo na naaalala ang lahat kaya nama'y hayaan mo akong ipaliwanag sa'yo ang lahat ng nangyari.
"Habang ika'y natutulog ay hindi mo namalayang binabangungot ka na pala. Sa sobrang lalim ng iyong panaginip ay hindi ka na nakabalik sa iyong katawan na siyang dahilan kung bakit ka napunta dito sa purgatoryo."
Habang nagsasalita ang pari'y biglang kumanta ang mga taong nakaputing damit, tila dinadasalan si Light ng hindi mawaring kanta.
"Ngayong nandito ka na, kinakailangan nating isagawa ang banal na ritwal upang tuluyan ka naming tanggapin sa lugar na ito."
May isang lalaking lumapit sa pari't ibinigay sa kanya ang isang palayok na naglalaman ng putik. Itinapon niya ang putik kay Light habang ang binata'y nagpupumiglas sa kanyang pagkakakadena.
"Ayoko pang mapunta sa purgatoryo!" hiyaw ni Light, takot na takot na. "Babalik na ako sa katawan ko! Promise!"
Ipinahid ng pari sa mukha ni Light ang putik. Nagsusumigaw ang binata habang pinapahiran siya.
"Ano bang ginawa kong mali at bakit ako napunta sa purgatoryo?!" patuloy na pagsigaw ni Light. "Magbabago na ako, promise! Basta pakawalan niyo na ako dito!"
Nagsalita ang pari. "Totoo bang magbabago ka na?"
Sinagot naman siya ni Light. "Opo, promise po talaga! Magbabago na po ako!"
Ngumiti ang pari. "Kung ganun, lahat ba ng iuutos sa'yo ng gwapo mong kaibigang si Kiss ay susundin mo?"
Napakunot ng noo si Light. "Ha?!" pagtatakang turan niya.
"Oo o hindi lang ang sagot, Light." sabi ng pari.
Tumango nalang si Light, halatang naguguluhan sa mga pangyayari. "Oo na, sige na. Nangangako na ako basta pakawalan niyo lang ako dito!"
Napahalaklak ang pari't mga taong kumakanta sa pagpayag ni Light. Biglang bumukas ang pinto ng kwarto. Sa pagbukas ng kwarto ay may isang lalaking hindi magkamayaw sa pagtawa.
Ang lalaking tumatawa ay si Kiss - isa sa kanyang kagrupo sa NZP21. Ang binatang ito ay ang kanyang bestfriend sa grupo't madalas na kasama sa mga kalokohan.
BINABASA MO ANG
Death of an Idol
Mystery / ThrillerAfter the death of a world-renowned, highly popular idol in the Philippines, an anonymous informant named 'Tita Tea' will shock everyone by revealing secrets and gossip about the reason for his untimely demise. +++ Ano ang gagawin mo kung mayroon ka...