Book 1: What's Up, Anne
For two years, Laura Anne Santiago has been silently battling the emotions she never expected to feel for her classmate, Andrew Louise Gomez. They're both engineering students, drowning in deadlines and exams-yet amidst the c...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Chapter 9: Foul Play
___________________________________
Nakatayo lang ako doon, nakasilong sa pinakadilim na parte ng peryahan, habang pinapanood silang magkayakapan. Ilang hakbang lang ang layo ko, pero parang ang lapit-lapit nila sa isa't isa. Parang wala akong ibang naririnig kundi ang tibok ng puso ko—mabilis, magulo, at hindi ko na alam kung dahil sa kaba o inis.
Ilang saglit lang, kumawala si Venice mula sa pagkakayakap at tumingin nang diretso kay Louise. Hindi basta tingin—'yung tipong tingin na may pinapahiwatig. At si Louise? Hindi din nagpatalo. Nakipagtitigan siya pabalik, walang bakas ng pag-iwas. May mga ngiti pa sa labi nila, na para bang sila lang ang tao sa mundo.
Napahigpit ang hawak ko sa laylayan ng damit ko nang makita kong hinawakan ni Venice ang kwelyo ni Louise.
Hindi ko alam kung gusto ko bang sumigaw para pigilan siya o lumingon na lang at umalis. Pero bago ko pa makapagsipol ng hangin, ayun na—
Venice leaned in for a kiss.
Pero mabilis siyang umatras.
Si Louise mismo ang nagtulak palayo kay Venice. Kita ko ang madiin na pagkiling ng ulo niya habang umiiling, parang may gustong ipaglaban. Nag-usap sila—mabilis, mabigat, at halatang hindi sila magkasundo. Hindi ko man marinig ang bawat salita, malinaw na may ipinipilit si Venice at may tinatanggihan si Louise.
Napabuntong-hininga ako. At least, hindi natuloy. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung nakita kong hinayaan niyang mangyari iyon.
"Ang kapal naman ng mukha niya," bulong ko sa sarili ko, ramdam ko ang init ng dugo ko sa pisngi.
Pero hindi pa tapos—muling umiyak si Venice, at gaya ng dati, pinatahan siya ni Louise. Hindi ko mapigilan ang magtaas ng kilay.
"Ano na namang iniiyak niya? Hindi lang siya nahalikan, drama na agad?"
Para bang sobra na siyang nasasanay sa comfort na binibigay ni Louise. Tipong kapag siya ang umiiyak, automatic si Louise ang sasalo.
Maya-maya, huminahon din sila. Hinawakan ni Louise ang magkabilang braso ni Venice, tinitigan siya nang seryoso, at may sinabing ikinatahimik nito. Parang may pinapaliwanag siya, at hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o mas lalong mainis sa nakita ko.
'Yung pagkakalapit ng mukha nila... para bang ginusto ni Louise ang sandaling iyon, pero may kung anong pumipigil sa kanya para ituloy. At doon ako lalong nalito.
Bago pa ako mas lalong masunog sa sariling isip ko, nakita kong inaya na niya si Venice na bumalik sa loob ng peryahan. Nataranta ako— diretso sila sa direksyon ko!
Agad akong umatras, halos mabangga ang sarili ko sa poste, at mabilis na bumalik sa loob. Nagkunwari akong abala habang papalapit kina Jewel na masayang naglalaro pa rin. Mukhang hindi nila napansin na nawala ako.