Hindi mapuknat ang ngiti sa labi ng dalaga habang naghahanda ng almusal nilang magpapamilya. Simula paggising hanggang sa paggawa niya ng mga gawaing bahay ay tila aso siyang nakangisi. Hindi katulad no'ng araw, paunti-unti na ring sumisibol ang pag-asa sa pagitan nila ng binatang si Teodomero. Ayaw man niyang maging asyumera pero hindi niya maiwasan, para na rin kasi siyang binigyan ng assurance ng binata.
Walang liriko siyang sumusunod sa tugtugin na nanggagaling sa radyo. Kasalukuyan ay pinapatugtog ang paborito niyang kanta na 'Awitin mo at isasayaw ko' at hindi niya maiwasang hindi umindak lalo pa nang nasa koro na ang kanta.
Itinapat ng dalaga ang hawak na syansi na para bang mikropono niya iyon at nasa gitna siya ng sariling concert. At kahit pa wala siya sa tono, ay buong lakas pa rin siyang bumirit at sumunod sa aliw ng kanta.
"Ah-ha-ha, awitin mo at isasayaw ko, whoa-oh-oh... Yeah!"
Umiindayog ang katawan niya sa musika. Gamit ang isa pa niyang kamay, pinakawalan niya ang may kahabaang buhok pagkatapos ay buhos enerhiyang nag-headbang ang dalaga. Siya ang singer, siya rin ang audience. Kakanta siya pagkatapos ay papalakpakan din ang sarili. At ganoon siya naabutan ng mga magulang.
Napahinto sa pintuan ng kusina ang mag-asawa at saka parehas na napailing sa kabaliwan ng nag-iisa nilang dalaga. Kung hindi siguro nila kilala ang anak ay baka isinugod na nila ito sa mental.
"Baka naman puno na ng buhok ang sinangag mo 'nak. Bahaw na nga, mabuhok pa." Reklamo ng Itay niya bagay na nagpatigil sa momento ng anak.
"Ang Itay, napaka-kj," hinihingal na sabi ng dalaga, "hindi ka ba nagagandahan sa boses ko? Kaboses ko kaya si Ms. Regine, 'yong Asia's Songbird."
Bumungisngis ang Itay niya bagay na mas nagpahaba sa nguso ng anak.
"Ibon ka rin naman ... Ibong pipit."
"'Tay naman e... 'Nay oh, ang Itay nanunukso na naman." Pagsumbong niya.
"Magtigil na nga kayong dalawa, parehas naman kayong wala sa tono." Bumaling ito sa anak na dalaga. "Mabuti pa't tulungan mo na lang akong maghain ng almusal."
Mahaba pa rin ang nguso ng dalaga. Paminsan-minsan ay pabiro silang nagbabangayan ng Itay niya ngunit kaagad din naman silang sinasaway ng Ina.
Simple lamang ang nakahain sa kanilang lamesa. Sinangag na bahaw, tuyo, bagoong, pritong itlog at ang nagpapabuo sa araw ng Itay niya na kapeng barako.
Masayang lumipas ang agahan ng tatlo at nabasag iyon nang marinig ni Kapitan Janel ang boses ni Teodomero mula sa labas ng kanilang munting tahanan.
"Magandang araw ho, Kapitan. Si Jeneca ho?" Magalang na bati ng binata sa matanda.
Natural na pilyo ang ginoo kaya hindi siya nito sinagot, mabuti na lamang at dumating ang asawa niyang si Nelfa.
"Ang aga mo naman yata, Teodomero. Pasok ka."
"Magandang araw ho, Aling Nelfa. Susunduin ko lang po sana si Jeneca?"
"Bakit?! Walang sinabi sa'kin ang anak kong may lakad siya ngayon. Mas lalong wala siyang sinabi na ikaw ang kasama niya. At paano ako makakasiguro na wala kang ibang balak sa anak ko?" Istriktong tanong ng matanda. Gusot ang noo nito.
Kinurot ng ginang ang asawa. Sakto naman na tapos nang maghanda ang dalaga nitong anak.
"Si Teodomero na ba 'yan, 'Nay?" Tanong ng dalaga.
"Sa'n ang punta ninyo, Jeneca? Wala kang ipinaalam sa'kin. Paano mo maititinda ang mga itlog sa bayan kung may sundo ka?" Pagbaling ng ginoo sa babaeng anak. "Noong nakaraan lang ay iniiyakan mo siya, tapos ngayon magkasama kayo? Ang rupok mo naman."