DECEMBER 23 | 06:22 AM
ELOISA
Hindi ko na kailangang umiwas kay River.
Iyan talaga ang pinaka-inabangan ko ngayong bakasyon. Mapapahinga ko ang puso't isip ko sa mga bagay-bagay na nagpapahirap sa akin, kasama na ang schoolworks.
"Pandesal, ah. Yung may butter," paalala sa akin ni Ate Louise. Nakapatong sa kanang braso niya ang puting twalya samantalang hawak niya sa kaliwang kamay ang sariling phone.
"Ge," tipid kong sagot at saka siya pumasok sa banyo. Maaga pa pero maliligo na siya dahil may pupuntahan siya ngayon.
Suminghap ako at pumunta sa sala. Tumingin ako sa repleksyon ko pahabang salaming nakasabit sa dingding. Inayos ko ng kaunti ang makapal at wavy kong buhok. Nagsuot ako ng manipis na sweatshirt sa ibabaw ng pajamas dahil alam kong malamig sa labas. Tinanggal ko rin ang mga muta ko sa mata na nagsisilbing ebidensyang bagong gising ako.
Inobserbahan ko ang pigura ko sa salamin. Hindi maikakailang medyo pumayat na ako nung mag-college. Nabawasan na rin ang mga tigyawat ko sa mukha kaya mas maayos na ako kumpara sa high school days o "nene" days ko. Mag-Pa-Pasko na. Tataba na naman ako dahil sa mga handa. 'Di bale, dedma na lang sa mga tao.
Dala ang maliit na wallet, lumabas ako ng bahay. Napangiti ako nang sumalubong sa akin ang sariwang hangin at katamtamang sikat ng arawm Malamig at ramdam na ramdam na talaga ang simoy ng Pasko.
Ang kagandahan dito sa subdivision namin, kahit puno ng mga bahay, tindahan, at ibang establisyemento ay malawak ang kalsada. Hindi tuloy nagmumukhang crowded. Marami nang Christmas lanterns, Christmas displays and lights sa labas pero hindi pa nakailaw dahil umaga pa.
Naglakad ako sa kabilang kanto kung nasaan ang bakery, malapit sa bahay nina Jerald. Mahaba ang pila kaya umabot sa gilid ng kanto ang dulo. Tumayo ako roon at naghintay.
Iginala ko ang tingin ko sa paligid bago yumuko. Nablangko ang isipan ko habang nakapila at walang ginagawa. Ang tagal ng usad ng pila dahil isa lang ang nag-se-serve ng pandesal. Buti na lang nasa lilim kami kaya medyo ayos lang na maghintay nang matagal.
"Eloisa?"
Awtomatiko akong nag-angat ng ulo at tumingin sa likuran nang marinig ko ang boses ng isang lalaki. Nag-buffer muna ako bago makilalang si River iyon.
Anong ginagawa niya rito?
"Ikaw nga," wika niya at tinapik ako sa braso. Saglit lang iyon pero parang dumaloy ang kuryente sa buong katawan ko at kinapos ako ng hininga.
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Nakasuot siya ng jersey na sando at shorts. Nakababa ang buhok niya at walang ayos pero ang lakas ng dating niya. Lalo akong naapektuhan ng presensya niya nang maamoy ko ang pamilyar na pabangong siya lang ang alam kong gumagamit.
"Gising ka na pala." Nablangko ako nang magsalita siya. "Pupunta ako kina Jerald ngayon. Mag-ba-basketball kami," aniya pa at tinuro ang isang palapag na bahay, pangatlong bahay mula sa kanto ng kabilang kalsada.
"A-Ah," tanging nasambit ko sa pinaka-awkward na tinig. Kiniskis ko ang mga palad ko at wala sa wisyong humakbang paatras, paalis sa pila.
"Bakit bigla mo akong iniwasan?" tanong niya. Umangat ang tingin ko at nakita kong bakas sa mga mata niya ang pagtataka. "Pansin ko lang nung isang araw. Ay mali, nung nakaraang linggo pa pala pagkatapos mong magkasakit. "Akala ko ba magkaibigan tayo, ba't iniiwasan mo 'ko?"
"H-Hindi, ah," pagtanggi ko at todong umiling. Alam kong nahalata niya ang magkataliwas kong sinasabi at ginagawa dahil kumunot ang noo niya.
Lumunok ako at pigil-hiningang tumalikod. Kinagat ko ang labi ko at nakayukong naglakad pabalik sa bahay. Nawala sa isip ko ang pagbili ng pandesal dahil kay River. Sa isang iglap, ang mapayapa kong umaga ay napalitan ng kaba at pagkatorete.
Nagmamadali kong binuksan ang gate ng bahay namin pagkarating sa tapat. Papasok na sana ako nang biglang may humablot sa braso ko at hinatak ako palingon sa likuran. Nagulat ako nang makitang si River iyon. Hindi ko namalayang nakasunod pala siya sa akin.
"Iniiwasan mo nga ako," kumpirmadong sambit niya at suminghap. Tinitigan niya ang mga mata ko na tila binabasa ang kaluluwa ko. Samantalang ako, hindi makatingin nang diretso sa kaniya dahil pakiramdam ko ay matutunaw ako. Isang tingin pa ay baka mabali ko ang pangako ko sa sarili.
"H-Hindi nga," halos pabulong kong sagot at pinagdikit ang dalawang daliri.
"Na-miss kita," pabiro niyang sambit, halatang sinusubukang alisin ang tensyon sa pagitan namin pero bigo siya. Napansin niya siguro iyon kaya sumeryoso ang ekspresyon niya. "Iniiwasan mo ba talaga ako, Eloisa? Bakit?"
Hindi ako sumagot. Sa bawat segundong lumilipas ay pabigat nang pabigat ang nadarama ko at pakapos nang pakapos ang hininga ko. Na kapag hindi pa ako umalis sa pwesto ko ay tuluyan na akong mawawalan ng hangin dahil mismo sa kaniya.
"Ano bang nangyari sa'yo nung wala ka? Mau ginawa ba ako sa'yo? Ba't bigla kang umiwas? Parang kahapon lang kaibigan pa ang turing mo sa'kin tapos ngayon parang hindi mo na ako ki--"
"Tama! Hindi na kita kaibigan at ayoko nang mas kilalanin ka pa!"
Bahagya siyang napaatras sa bigla kong pagsigaw. Maski ako at ilang tao sa paligid namin ay natigilan din dahil sa akin. Gusto ko tuloy magpalamon sa lupa dahil sa sobrang hiya sa kanila at sa sarili ko.
"Hindi kaibigan ang turing ko sa'yo, alam mo 'yan," mariin kong sambit habang nakakuyom ang kamao.
"Anong ibig mong sabihin?" Kumunot ang noo niya at mas lalong naguluhan.
Mabigat akong huminga at muling tumalikod. Hahakbang na sana ako pero hinawakan ulit ni River ang braso ko at pinaharap sa kaniya.
"Tapatin mo nga ako. Ano bang problema mo?"
"Gusto pa rin kita. O ano, okay na?!"
Napaatras siya ng isang beses at halatang nagulat dahil sa sinabi ko. Maski ako nagulat din. Sabi ko iiwasan ko na siya para 'di na lumalala ang sitwasyon pero whattatops! Ako pa rin pala ang magpapalala ng lahat. Ako rin pala ang kusang lalapit sa bato para maipukpok sa ulo ko.
Umawang ang bibig niya pero hindi nakapagsalita. Diretso niya akong tiningnan sa mga mata pero hindi ko mabasa ang nasa isip niya. Ang alam ko lang, parang nag-aabang siya na bawiin ko ang sinabi ko. Pero hindi ko ginawa. Tumayo lang ako sa harap niya at nakipagsukatan ng tingin.
Lalong bumigat ang paghinga ko at sumikip ang dibdib ko. Idagdag pa ang panginginig ng buo kong katawan at pamumuo ng luha sa mga mata ko dahil sa halu-halong emosyon. Frustration, inis, at iba pang hindi ko na maintindihan.
Dead silence.
Iyan ang namagitan sa amin hanggang sa makabalik ako sa wisyo. With a teary-eyed, I ran away from him.
Dali-dali akong pumasok sa bahay. Ni hindi ko na sinara ang gate dahil ayoko nang lumingon pabalik. Hiyang-hiya na ako sa ginawa ko ngayong umaga.
Padabog kong isinara ang pinto at sumandal. Hinawakan ko ang puso kong tila sasabog na dahil sa bilis ng pintig. Sa isang iglap ay nanumbalik ang lahat ng ginawa ko ngayon lang at pinagsisihan ko agad nang malala.
It was so stupid of me to confess without backing myself up. Hindi na nga kagandahan, tatanga-tanga pa!
Natalo na naman ako. Nagpadaig na naman ako sa nararamdaman ko. Kailan ba ako matutong makuntento sa sarili ko?
Pumikit ako at huminga nang malalim sa pag-asang magigising ako sa katotohanang sa fairytale lang nangyayari ang pagmamahal na puro at hindi nagbabase sa itsura. Sa fairytale lang din hihigit sa pagkakaibigan ang turing ng lalaki sa babae, parang ako at si River.
Pinukpok ko ang dibdib ko at kinagat ang labi ko habang nakapikit pa rin at pinakikiramdam ang sarili. I hate this teenage phase.
Ghad, how can I unlove that man?
BINABASA MO ANG
I thought it was a Fairy Tale (Part 2)
Teen FictionPart 2 of I thought it was a fairy tale A story about self-love, self-acceptance, and true love. The continuation of Eloisa and River's interactions through chat. What could possibly happen between them? Would those messages lead to her fairy tale-l...
