Chapter 3

4 2 0
                                    

Hingang malalim. Inhale--exhale. Inhale--exhale. Hinanda ko ang mga kamay ko para kumatok sa pinto pero nung gagawin ko na sana ay kusa naman 'to bumukas. Bumungad sa'kin ang mukha ng kapitbahay namin. Nagtatanong ang mga tingin niya dahil sino ba naman ang di mapapaisip?

Alas-siyete na ng gabi, di pa nga ata sila nakakapag-ayos ng gamit dahil kanina lang sila nakalipat dito tapos heto ako ngayon sa harap niya. Pakunware kong inayos ang buhok ko bago magsalita. "Sabi kasi ni Nanay, baka raw gusto niyo sa'min na muna maghapunan?"

Hiyang hiya ako nung mapansin na medyo nagulat siya. Ewan ko ba naman kasi kay Nanay at naisip yun.

"Tatanungin ko si Mama." Tanging tugon nitong babae saka marahang sinara yung pinto. Habang naghihintay ay yumuko ako at hiniling na sana maging tutubi nalang ako. Yung palipad-lipad nalang.

Ilang saglit lang ay bumukas na ulit yung pinto. "Iho, pakisabi kay Pia na paalis ako ngayon e." Mahinahong sabi nung Ale. "Ahm. Kung pwede, itong si Cadi nalang ang sasabay sa inyo. Pabibilan ko nalang siya ng lutong ulam para may maiambag kami."

Bahagya kong winagayway yung kamay ko at nahihiyang ngumiti. "W-wag na po. Kami naman po nag-imbita."

Tumango yung Ale. At di ko alam kung namalikmata ba ko pero parang namamaga ang mga mata niya, parang kagagaling lang sa iyak. "Ganon ba? Pasabi salamat, ha?" Saka niya tinignan yung anak niya. "Babalik din ako agad. Wag mo kalimutan ilock yung pinto."

Sa isang iglap ay naiwan kaming nakatunganga sa isa't isa nitong babae na Cadi pala ang pangalan. Nakatiim ang mga labi niya at parang walang balak kumurap. Saka lang siya gumalaw nung niyakag ko na siya paalis.

Pagkapasok palang namin sa bahay ay parang gusto ko nalang magtago sa likod ng bulaklakin naming kurtina. Pano, si Nanay, trinatong prinsesa si Cadi. Kung iisipin, wala namang problema dun kaya lang tawagin ba naman niyang 'future manugang' 'to? Eh wala naman silang ibang anak kundi ako?!

"Oy, Casper! Ayusin mo 'yang pagkain mo, nakakahiya kay Cadi!" Sita sa'kin ni Nanay dahil halos di ko maayos ang pagkain ko dahil itinabi nila ko sa kaniya! Apat kami sa lamesa, ako, si Cadi, tapos katapat namin si Nanay at Tatay. Maraming nakahain sa lamesa na akala mo may piyesta. May adobong manok, afritada (na paborito ko), at chopsuey. Sinamahan pa ng dessert na leche flan at ube halaya. Gustong gusto kong ngatain lahat to kaso ewan ko ba at parang naiilang ako! Ni hindi ako makakilos ng ayos sa takot na madikit ako sa balat niya dahil ang lapit ng bangko namin sa isa't isa! Hindi naman ako makalayo kasi maliit talaga lamesa namin tsaka baka isipin niya na di ko siya inaaccommodate!

Habang di ako mapakali sa bangko ko ay nag-uusap lang silang tatlo. "Ano nga bang buong pangalan mo, iha? Kung okay lang."

Uminom muna siya ng juice bago sumagot. "Sage Cadilus Ramirez po. Sandra naman po ang kay Mama."

"Ayyy! Ang unique! Sage Cadilus, ngayon lang ako nakarinig ng ganyang pangalan! 'Tas kagandang bata mo pa kaya bagay sayo!"

Tumungo ako at tinuon ang tingin sa plato ko. Pinipigilan kong ngumiti dahil una sa lahat, wala namang dahilan para ngumiti! Narinig ko lang naman ang pangalan niya? Oh? Anong meron, Casper?!

Nagpatuloy sila sa pag-uusap hanggang si Tatay naman ang nagtanong. "May lilipatan ka na bang school?" Pinigilan kong wag masamid. Para kasing ilang minuto niya pa yun pinag-isipan kung sasabihin niya ba at nung nasabi na ay naging proud siya. Ganyan si Tatay eh, hindi palaimik. Magkaibang magkaiba sila ni Nanay na natural na madaldal.

"H-hindi ko pa po alam. Di pa po namin naaasikaso ni Mama."

"Aba kung ganon, dun ka nalang mag-aral sa pinapasukan nitong si Casper!" Bulalas ni Nanay. Ako naman ay napatakip ng ilong dahil muntik nang lumabas dun yung tubig na iniinom ko! At di ako nagbibiro kapag sinabi kong mahapdi yun!

"Dun din kami nagtuturo nitong asawa ko kaya matutulungan kita sa pagtransfer. Isa yun sa pinakasikat na public school dito sa lugar natin."

"Teachers po pala kayo pareho?"

"Ay oo, sayang nga at di na kita matuturuan. Grade 7 at 8 ang handle namin e."

Tama. Yun din ang pinakagusto ko ngayong Grade 9 na ko dahil masyadong masalimuot na magulang mo ang Teacher mo. Akala ng iba kong kaklase ay may special treatment para sa'kin pero nalaman din agad nila na hindi ganon yun. Ibagsak ba naman nila ako pareho nung Grade 7 ako?! Kaya nung nakaraang summer ay pumapasok ako! Buti nalang talaga kasama ko si Owen na matalino naman sana kaso gusto niya daw ako samahan para one on one kami sa klase. Iba din kasi takbo ng utak nun.

Nung matapos kaming kumain ay nagpresinta si Cadi na siya na ang maghuhugas ng pinggan. Siyempre, di pumayag si Nanay. Nung uuwi na sana siya ay halos ayaw pa siya paalisin dahil mag-isa lang sa bahay nila. "Thank you po pero ayos lang po ako, pabalik na rin po siguro si Mama." Sagot niya.

Inutusan naman ako ni Nanay na ihatid si Cadi. Sumunod nalang ako kahit na literal na nasa katabing bahay lang namin sila. At siyempre ilang hakbang lang ay nasa tapat nanaman ako ng pinto nila. Nung mabuksan niya yun ay hindi muna siya pumasok. Tumingin pa muna siya sa'kin. Hinintay ko kung may sasabihin pa siya pero wala. Di kaya siya ang may hinihintay na sabihin ko?

Naalala ko tuloy yung kanina. "Ah, sorry pala dahil... ano, muntik ka na makagat ng aso dahil sa'kin."

Hindi pa rin siya sumagot kaya nagtaka na ko. "Cadi?" Tawag ko sa kaniya pero nanlaki lang ang mata ko nung magsalita siya. "Casper multo." Yun lang saka siya pumasok sa bahay nila at sinarhan ang pinto.

Naiwan akong nakanganga at di makapaniwala sa narinig ko. Napaka out of the blue nun.

Nang-aasar ba siya? Dahil kung oo, edi nagwagi siya! Kapag may nagsasabi nun sa'kin dati ay di naman ako apektado dahil gumagapang palang ako 'yan na ang bantag sa'kin. Tumatawa pa nga ko pag tinutulad nila ko kay Casper sa pelikula dahil maging ako, tulad ng mga magulang ko, ay paborito yung palabas na yun!

Pero ewan ko ba at parang ang galing ng timing niya at pagkakadeliver! Pasok sa banga yung pang-aasar niya!

Sage CadilusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon