Pagkauwing-pagkauwi ko ay binagsak ko ang sarili sa kama. Tinakpan ko ang muka ko ng unan pero inalis ko rin agad dahil nahirapan akong huminga. Naiinis ako dahil pakiramdam ko napagtulungan ako. Ang mahirap nga lang parang tamang-hinala lang ako dahil wala akong mahanap na ebidensya!
O baka naman nabiktima lang ako ng favoritism? May ganon ba sa pagitan ng mga kaklase? Ganon ba nila kapeyborit yung President nila na hinayaan nila siyang manalo?!
"Casper, baka naman yung mga assignment tinatambak mo pa rin? Aba, Grade 9 ka na! Baka gusto mong magseryoso sa pag-aaral?" Malakas na sabi ni Nanay sa labas ng pinto. Kaya bumangon ako para lang humiga ulit.
Makalipas ang ilang minuto ay napagpasyahan kong magpalit at kumain na ng hapunan. "Nak, natutuwa sa section niyo yung Principal natin. Nalaman niya yung pagvovolunteer niyo sa pagkokolekta ng mga plastik."
"Si Cadi po nakaisip nun." Sabi ko habang nakatungo at nginangata yung manok.
"Sabi ko na nga ba, matalino na, mabait pa yung batang yun."
"Maganda rin siya." Simpleng sabi ko.
Saglit na natigilan si Nanay. Nilipat ko naman ang tingin kay Tay na tahimik lang na nakikinig.
"Nak, crush mo si Cadi?"
"Gusto ko po siya." Seryosong tugon ko. Napansin ko naman ang ginawang pagsiko ni Nanay kay Tatay na nasamid bigla.
"Anak..." Humugot ng malalim na hininga si Nanay, sigurado akong mahaba-haba ang sasabihin niya. "Alam ko na nasa edad ka na gusto mong makipagrelasyon. Naiintindihan kong normal na magkagusto ka sa isang kaibigan. Pero tandaan mo, masyado ka pa ring bata. Ganon din si Cadi. Kaya kung seryoso ka talaga sa kaniya, yung nararamdaman mo, sasamahan mo ng pasensya."
"Nay, hindi naman kami e."
"Kaya nga dapat matuto kang maghintay." Kalmadong saad niya habang nakangiti. "Lahat ng bagay may tamang timing. Di pwedeng nauuna ka, di rin pwedeng nahuhuli. Kailangan mong malaman kung ano yung tamang oras para umamin sa kaniya at ligawan siya. Dahil kapag nagkamali ka ng panahon na pinili, baka tulad ng iba, yung nararamdaman mo maging parang usok lang na mabilis mawala."
"Alam ko namang madami kang katext sa cellphone mo at baka nga isa lang si Cadi sa mga saglit mo lang natipuhan tapos, tapos na–may iba na ulit kukuha ng atensyon mo."
"Nay, hindi naman ako ganon."
"Anak, ganon ka. Ngayon palang dapat alam mo na sa sarili mo yung mga ginagawa mo. Laro lang nga para sayo yung pakikipagrelasyon e. Kaya kung seryoso ka talaga kay Cadi, sinasabi ko sayo, wag kang padalos-dalos kung ayaw mong may masaktan."
Ako ngayon yung di makasagot.
"Tama ang Nanay mo." Tanging sabi ni Tatay. Pagkatapos namin kumain ay naghugas lang ako ng plato saka bumalik na ko sa kwarto. Matagal akong nakatunganga sa kisame at inisip yung mga sinabi ni Nanay.
Sa ngayon, alam ko at sigurado ako na hindi basta-basta yung pagkagusto ko kay Cadi. Hindi biro, hindi rin fling o simpleng landi lang.
Nasa kalagitnaan ako ng pagmumuni nang kumatok si Nay sa pinto. "Casper. Papaalala ko lang ulit kung may assignment ka. Baka makalimot ka nanaman!"
"Opo Nay! Gagawin ko na." Nakabusangot kong nilabas yung mga notebook ko na na wala namang nakasulat. Hanggang sa maalala kong may essay pa nga pala akong kailangan tapusin. Pero Sabado naman bukas kaya walang pasok. Saka ko nalang gawin.
Dumating ang linggo na blanko pa rin ang papel ko. Mabuti nalang ay nagkaron ng magandang plano ang matalino kong utak. Nagmamadali kong dinala yung isang intermediate pad at ballpen. "San ka pupunta? Tanghaling tapat!"
"Kila Cadi lang po, Nay!" Sigaw ko habang sinusuot yung tsinelas. Pagkaapak ko sa tapat ng pinto nila ay di ko na kailangan kumatok dahil kusa na yon bumukas at niluwa nun ang sadya ko.
"Hi, Pres." Malawak ang ngiting bungad ko sa kaniya.
Pumaling ang ulo niya at mukang nagtaka. "Bakit Vice?" Sabi niya habang inaayos ang salamin. Pinakita ko sa kaniya yung papel ko. "Wala akong maisip sa assignment kay Sir Angeles e. Patulong?"
"Pano naman kita matutulungan?" Kunot-noong tanong niya.
"Pabasa ako nung gawa mo, promise, kukuwa lang ako ng idea."
"Mangongopya ka lang pala, dami mo pang sinabi. Pasok."
"Huy, wala akong sinabing ganon."
Iniwan ko yung tsinelas ko sa labas. Hinayaan kong bukas yung pinto tapos ay pinaupo niya ko sa sala nila. Di na ko nagtaka nung makitang kaunti lang ang gamit nila dahil nasabi niya na sa'kin dati na nasunugan sila ng bahay. Sinubukan kong tignan kung may mga picture frames sila na nakadisplay pero wala. Gusto ko pa naman sana makita yung mga litrato niya.
"Nasa trabaho si Tita?" Tukoy ko sa mama niya.
Umiling lang siya sabay patong ng dalawang tasa sa lamesa. "Magkape ka para magising yung utak mo."
"Tirik ang araw tapos kape?" Natatawang sabi ko. "Pero thank you." Dagdag ko sabay inom. Kapeng barako pala yung gusto nitong si Cadi. Yung mapait ang timpla at wala manlang asukal o cream. Magkaiba kami, gusto ko kasi yung matamis, mga 3 tablespoon ang asukal. Ganon kalala.
"Effective yan kapag wala kang maisagot sa tanong." Sabi niya habang tinatapat sa'min yung electric fan.
"Cadi..."
"Oh?"
"Pwede ko mahingi number mo?"
"Wow. Smooth nun ah?" Aniya habang may kinukuhang papel sa gilid ng upuan. "Ano ba talaga pinunta mo dito? Assignment o number ko?"
"Haha! Parehas."
"Malas mo wala akong cellphone pero swerte mo dahil papakopyahin kita." Sabay abot niya sa'kin ng isang page ng papel.
"Di nga ko kokopya, kukuha lang talaga ako ng idea." Pigil ang ngiting sagot ko. Tumama naman ang tingin ko dun sa iba pang mga papel.
"Kabataan, Edukasyon, at Pag-asa." Title nung essay na hawak ko ngayon. Tinignan ko naman yung isa na nasa kaniya. "Libro at Posas." Basa ko dun. Agad niya yun tinakpan gamit ang kamay niya.
"Sa sobrang sipag mo dalawa talaga sinulat mo?" Namamangha na sabi ko. Tinago niya yun sa bag niya at natawa rin.
"Mm. Nakatatlong kape kasi ako habang sinusulat yan."
Napailing nalang ako saka binasa tong gawa niya. Ang una kong napansin ay yung handwriting niya na sobrang linis tignan. Tapos, ang galing din ng pagkakasulat niya, may mga malalalim din na salita na kailangan ko pang itanong sa kaniya para maintindihan. Mula umpisa hanggang huling pahina ay nasabi niya lahat ng gusto sabihin about sa education dito sa Pilipinas.
"Kahit ata makalimang tasa ako ng kape, di ako makakasulat ng ganto kaganda." Biro ko sa kaniya.
Tinulungan naman niya ko hanggang matapos ko yung assigment namin. "Thank you."
"Wala yun." Tanging tugon niya.

BINABASA MO ANG
Sage Cadilus
RomanceTILA isang odinaryong araw lamang iyon para sa Section Marcelo. Unang araw ng klase kung saan pinakilala ang dalawang transferee, isa na dito si Sage Cadilus. Babaeng nakasalamin at may malamlam na mata. Tila ba mahirap siyang lapitan dahil sa miste...