Cadi
Umaga, bago ako pumasok sa school ay nagkausap pa kami ni Mama. Sabi niya, umuwi raw ako ng maaga dahil may surprise siya sa'kin. Regalo niya raw. Pinaghirapan niya--para sa'kin.
Kaya umuwi ako na walang nasa isip ko kundi ang regalong binanggit ni Mama. Sa unang pagkakataon kasi mula ng trahedya ay makakatanggap ako ng regalo mula sa kaniya. Halos tumakbo ako pauwi at tumalon sa tuwa dahil nga akala ko, may uuwian pa ko.
Akala ko, makikita ko pa siya.
Pilit kong tinago yung saya ko habang umuuwi. Halos mapatid pa nga ako kakamadali na makalapit sa pinto para lang bumungad sa'kin na walang tao sa loob nito.
Kahon lang ang agad kong namataan. Maliit na kahon na naisip ko na agad na regalo nga sakin ni Mama. Hinanap kaagad siya ng mata ko. Pero kahit saang sulok ng maliit na bahay namin, hindi ko siya makita.
Nilapitan ko yung kahon at pagbukas ko nito ay cellphone nga ang nakalagay. Magtatatalon na sana ako sa tuwa nang mapansin ko ang isang card na nandoon. Walang nakasulat pero nababahiran ng pulang likido. Inakala ko pa na dugo to pero base sa kulay at amoy nito ay masasabi kong pintura lang to.
Ilang segundo siguro na parang di ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Bigla nalang ay may kung anong pumulupot sa leeg ko at nahirapan akong huminga.
Naramdaman ko na kasi to dati eh. Yung pakiramdam na sa isang iglap, sa isang kisapmata, sa isang pitik ng tadhana ay maiiwan kang mag-isa at nakatulala.
Unti-unti ay naalala ko ang lahat ng nangyari bago ang insidente nila ate. Bago mawala si Papa at bago masunog ang bahay namin.
Isang di kilalang lalaki ang lumapit sa'kin. Mataas kumpara sa'kin at singtangkad ni Papa. Malaki ang pangangatawan niya, halos nakatiklop ang kanan niyang tainga, sabi niya, wag ko lang daw yun pansinin. Nadaplisan lang daw yun ng bala, di ako dapat kabahan.
Maganda ang pagkakangiti niya, malamang, dahil maraming tao ang makakakita. Nasa isang kanto ako noon malapit sa school ko, maraming nagdaraan na nagmamadaling estudyante dahil ilang minuto na lang ay flag ceremony na. Sinabi ko sa kaniya to kaya di na rin siya nagpaligoy ligoy sa tanong. "Alam mo naghatid lang ako ng anak ko tapos sakto naman na napansin kita dito. Bunso ka ni Ramirez diba? Katrabaho niya kasi ako. Ganto kasi yun, ineng, may papel kasi ako na kailangan tapusin, mamaya ko na ipapasa sa Boss ko. Sa Tatay mo sana ako magtatanong kaso nga anong oras na, kaya baka pwede ikaw nalang tanungin ko?"
Ang bilis niya magsalita nun, halos di ako makatango para tugunan yung sinasabi niya. Kaya kahit hindi ko naintindihan masyado ang sinabi niya at umoo na lang ako.
"Tanong ko lang sana kung natapos na ng Tatay mo yung balita nya tungkol dun sa building na pinapatayo malapit sa palayan sa San Isidro?"
Wala akong ideya, kaya sabi ko nalang, "hindi ko po alam."
At nagtanong ulit siya. "Ah ganon ba? Eh baka alam mo kung nagkausap na sila ng mga imbestigador?"
"Di ko po talaga alam eh."
"Oh siya sige, ito nalang iha, baka napansin mo kung nagkakausap na sila ng mga residente ng San Isidro? Kung nagmimeeting sila?"
Nag-isip muna ako, "sa bahay po, minsan". At sana, mas nag-isip pa ko lalo bago sabihin yun.
Dahil doon siya tila nakakuha ng magandang sagot. Bahagya siyang humakbang paatras habang tumatango. Mas lumawak ang ngiti niya. Nung oras na yun, di ko alam kung anong klaseng papel ang ipapasa niya sa Boss niya. At di ko alam kung pangalan ba ng Papa ko ang mababasa dun.
BINABASA MO ANG
Sage Cadilus
RomanceTILA isang odinaryong araw lamang iyon para sa Section Marcelo. Unang araw ng klase kung saan pinakilala ang dalawang transferee, isa na dito si Sage Cadilus. Babaeng nakasalamin at may malamlam na mata. Tila ba mahirap siyang lapitan dahil sa miste...