Chapter 2

4 2 0
                                    

Casper

DALA ang isang supot ng pandesal ay kumaripas ako ng takbo sa kalye ng Duhat St.. "Hahahaha! Sige! Habooool!" Tatawa-tawa lang na sigaw ko dahil kumpyansa ako na di ako maaabutan ni Milo. Ha! Singtulin ko ata si Lightning McQueen!

Swerte namang nakasalubong ko si Owen sa saradong Barber's Shop. Kababata kong matalik na allergic sa bahay nila kaya parating nakatambay kung saan-saan. Mistiso si Owen, pano, may lahing Intsik. Chinito siya kaya lapitin ng chiks tulad ko. Diyan ko nga nakukuha lahat ng kalokohan ko pagdating sa babae e. Marami siyang kaalaman na tanging eksperto lang ang nakakaalam. Yun nga lang, di ko pa masasabing eksperto rin ako pagdating sa 'larangan' na yun.

"Uyyy! Preee! Sali!" Sabi ng luko loko nung sabayan ako sa pagtakbo, kala niya siguro laro lang 'to.

"Aga nyo naman magdate ni Milo, pre?" Pang-aalaska niya. "Kala ko pa naman sa mga babae ka lang famous, pati pala sa mga aso?" Tatawa-tawang dagdag niya.

Siya naman may pasimuno ba't ako madami nagiging shota eh. Kung di niya kasi ako pinapakilala sa mga babae, edi sana tahimik ang buhay ko. Hindi kaya madaling pumikit pag may magandang dilag sa harap mo.

"Hahahaha! Ipakagat kaya kita kay Milo?" Sabat ko habang nililingon kung hinahabol pa ko ni Milo. Nanlaki naman ang mata ko dahil gahibla nalang ay makakagat niya na 'ko!

"WAHHHH!" Sigaw namin ni Owen habang mas kumaripas pa ng takbo.

"Pre! Liko! Liko!" Aniya saka walang awang lumiko nga siya sa isang kanto. Hindi ako nakasunod sa kaniya kasi dumaan yung magtataho! Kaya kingina grabe yung kaba ko nung muntik pa kong matapilok!

"Oyyyy! Casper!!! Ba't di ka sumunod?!" Nagtataka pang sigaw ni Owen habang safe na safe na siyang nakasandal sa poste ng ilaw.

"Hayup! Makuryente ka sanaaaa!"

Malapit na ko sa bahay namin at sakto na tanaw ko na yung puno na sanay ko nang akyatin. Kaso nga lang may nakaharang na babae sa daan kaya wala na kong nagawa nung nadamay siya sa gulo ko. "AHHHH! TAKBOOO!" Hiyaw ko!

"Teka, bakit?!" Nalilitong aniya at di malaman kung tatakbo ba siya o ano.

"ASOOOO! AKYAT! BILIS!" Nagmamadaling sabi ko habang tinutulungan ko siyang sumabit sa pinakaabot naming sanga. Mabuti nalang mabilis siyang kumilos kaya agad akong nakasunod. Nagawa namin maupo sa pinakamakapal na sanga. Napabuga ako ng hininga saka pinunasan yung pawis ko sa sintido gamit ang damit ko.

Nagtatahol na si Milo sa'min pero tumatawa lang ako habang tinitignan siya sa ibaba. Pinandilatan ko pa siya. "Bleee! Talo ka ngayon! Hahahaha!"

"'Yan yung aso?" Parang dismayadong sabi nitong katabi ko. Nilingon ko siya at muntik pa kong masamid sa sarili kong laway dahil ang lapit pala namin sa isa't isa. Muka naman siyang hindi apektado kaya lumunok nalang ako bago niya pa mapansin ang reaksyon ko.

Nakasalamin siya kaya 'di ko gaano makita ang mga mata niya pero sigurado akong malamlam yun pero matamlay. Salungat dun ay maaliwalas ang dating ng mukha niya. Dinadala ng hangin yung buhok niya na lagpas balikat ang haba, meron din siyang bangs na bumagay sa kaniya.

Bahagyang kumurba ang labi niya pero isang segundo lang at wala na. Kung ngiti ba yun, baka kailangan niya ulitin para makumpirma ko. "Ayos ka lang?" Tanong niya bigla kaya umubo ako kunware.

"Oo. Hehe."

"Yung aso..." sabi niya habang nakatingin kay Milo.

"Oh? Hehe."

"Chihuahua 'yun diba?"

Ngumiti naman ako habang tumatango. "Oo, bakit?"

Tapos ay matagal siyang tumingin sa'kin na parang nagtataka siya sa katauhan ko. Tao ako, Miss. Sobrang pogi lang pero tao pa rin ako.

Pansin kong may gusto siya sabihin pero mas pinili niyang wag nalang. "Wala..." sagot niya.

Madalas sa gantong sitwasyon kapag nalalapit ako sa babaeng kaedaran ko ay nakaka damoves agad ako. Mangilan-ngilan na rin nga ang naging girlfriends ko. Isa na dun si Juliet na sa text palang ay naging kami na kahit 1 week lang ang tinagal. Kumportable ako na nakikipag-usap sa mga babae, smooth din ang mga banat ko kung minsan, basta kumpyansa ako sa sarili ko.

Kaya di ko alam kung bakit parang naiilang ata ako ngayon. Hindi naman siya yung tipo ko dahil una, hindi ako malapit sa mga babaeng matalino dahil di ako makasabay sa trip nila. At sa datingan palang niya, siya na yung tipo na grade-conscious. Yung pala-isip sa mga bagay-bagay na hindi ko naman naiintindihan?

Yun ang tingin ko sa kaniya hindi dahil sa salamin niya, kundi sa sinasabi ng mga mata niya. Tsaka iba rin yung boses niya eh, parang natural na mababa ang boses, tulad nung naririnig ko sa mga higher years tuwing may debate pag Filipino Month. May nagsabi sa'kin na modulated voice daw ang tawag pag ganon.

Siguro ay limang minuto lang kaming tahimik sa taas ng puno hanggang sa wakas ay dumating din ang gag*ng may alaga kay Milo. Nakangiwi ako habang pinapanood si Michael na maglakad ng naaaapakabagal papunta sa gawi namin.

"Oy! Naka ng puts, kung anong kinasigla nung aso mo ikaw naman tong parang walang kabuhay-buhay dyan!" Singhal ko.

Nagkibit-balikat siya saka binuhat si Milo. Tiningala niya kami at nagawa pa talagang ibaling ang ulo niya patagilid. "Anong ginagawa niyo dyan?" Takang tanong niya pa. Kung hindi ko kilala 'tong si Michael, maiisip kong nangtitrip lang siya. Kaso ang masakit dun ay hindi, dahil totoong napapaisip pa siya kung bakit kami nandito sa taas ng puno.

"Sun bathing, pre. Summer na kasi eh!"

Wala manlang akong nakuwang reaksyon sa kaniya kundi, "Ge." Matapos ay tinalikuran niya lang kami na parang walang nangyari. Napanganga nalang ako habang hinahabol ko siya ng tingin.

Nabalik nalang ang atensyon ko sa babae nung basta nalang siya lumundag pababa. Ginaya ko naman siya saka pinagpag ang kamay ko sa shorts ko.

"Pasensya ka na ah. Kababata ko yun. Mabait siya kaso walang pake sa mundo."

Tumango lang siya at halatang di interesado. Sinundan ko naman yung tinitignan niya at napansin ang isang maliit na truck. May mga nagbubuhat ng furniture mula dun.

"Ah, bagong lipat kayo?" Sabi ko.

"Mm." Tugon niya saka kami lumapit dun. Kaya naman pala di siya pamilyar sa'kin eh.

"Casper, ay nakong bata ka! Ang tagal naman ng pandesal? San ba yang bakery na pinagbilan mo, sa Visayas? Aba, 5:30 kita inutusan tapos alas-sais ka dumating?!" Napakamot ako ng ulo ko habang inaabot yung pandesal kay Nanay. Hindi naman sobrang malakas ang boses niya pero rinig pa rin nung babae. Pano, magkatabi lang pala ang bahay namin.

"Nay, may mga tao oh." Nahihiyang saad ko.

"Aba eh, oo nga." Sabay lingon niya sa kanila "Ay nako pasensya na. Pia nga pala, may matutulong ba kami sa inyo? Nako buti naman may lumipat na sa bahay na to at may nakakasalamuha kami!" Lumapit si Nanay dun sa Ale na magulang siguro nitong babae. Nag-usap lang silang dalawa habang ako ay di mapakali sa kinatatayuan ko.

Iniisip ko kung lalapitan ko pa ba dapat yung babae o papasok nalang ako ng bahay namin. Hanggang sa humugot nalang ako ng malalim na hininga at pinili yung huli. Hindi ko rin naman kasi alam ang sasabihin sa kaniya at isa pa, nahihiya ako sa kadaldalan ng nanay ko.

Sage CadilusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon