Sa paningin ko, parating may sinasabi ang mga mata ni Cadi. Kung minsan, galit ang nakikita ko dun.
Habang pinapakinggan ko ang sinasabi niya sa recitation ay di ko maiwasang humanga sa kaniya. Lahat ng sinasabi niya, parang laging galing sa puso.
Pagkatapos ng klase namin ay pansin ko ang ilang mga estudyante sa hallway na kani-kaniya ang chismisan. Nung macurious ako ay nilapitan ko yung isa sa kanila. "Ano meron?" Tanong ko sa tropa ko.
"Tol, meron daw lugar malapit dito sa'tin na nabalita eh."
"Bakit?"
"May nagpinta daw dun o ewan. Di ko nga rin masyado maintindihan eh. Saglit, may touchscreen yung tropa ko eh hiramin ko lang."
Pumunta lang siya dun sa isang classroom tas pagbalik niya ay pinakita niya na sa'kin yung cellphone. Pinanood namin yung balita at napansin ko agad na pamilyar yung lugar na pinakita sa video.
May mataas at malapad na pader doon na pinintahan ng kung anu-anong senaryo. Pinaka nakakaagaw ng pansin ang tila anino lang na imahe ng estudyanteng babae. Nakataas ang isang kaway nito at may hawak na panulat, panulat na sira at tipong nahati sa dalawa. Sa likod niya ay mapapansin ang ilang mga papel na nagbabaga. At sa magkabilang gilid niya ay may magkakahawak ng kamay na mga estudyanteng iba-iba ang kulay ng damit. Bawat isa sa kanila ay binubuo ng maliliit na salita. Saglit lang na pinakita yun sa screen pero ilan sa mga nabasa ko ay, "abandoned", "unjust", at "opportunity for all."
Sabi naman sa headline ng balita, "Imahe ng Pag-aalsa."
Kung tutuusin, makulay at nakakaaya tignan ang buong pinta mula sa malayuan. Pero kapag lumapit ay mabigat pala ang sinasabi nito, kaya siguro nakaagaw ng atensyon sa midya.
Malapit lang yung lugar na yun mula sa'min. Abandonadong playground nga lang yun at wala nang pumupunta. Kaya rin di nila matukoy kung sinong may gawa nun ay wala namang nakapansin na may dumadayo pa doon.
"Swabe, pre. Sisikat na yung lugar natin. Hahaha! Mamaya nga punta kami dun ng tropa eh. Papapicture." Sabi ng tropa ko bago magpaalam.
Habang naglalakad pabalik sa classroom ay naalala ko yung sinabi sa balita, "Pinaghahanap ngayon ng awtoridad ang kung sino mang nagpinta ng imaheng ito. Sinasabi rin na ang ganitong kabigat na mensahe ay tila pag-aalsa laban sa gobyerno. Maaari raw kasi na sirain nito ang moral na kaisipan ng mga kabataan at iba pang mamamayan."
Kakaibang kaba ang bumabalot sa'kin–ay hindi, di nalang pala kaba kundi takot. Hindi ako sigurado pero may hinala na ako kung sinu-sino ang may kagagawan nito.
Pagkapasok ko ng classroom ay parang ordinaryo lang ang araw na to sa kanila. May mga nagrarambulan, nagkukwentuhan, may nakaubob ang ulo sa armchair at natutulog, merong mga nagbabasa ng ebook habang si Cadi ay nakatanaw lang sa bintana. Bintana na pader lang din naman ang makikita.
Nilapitan ko si Cadi at tumabi sa kaniya. "Okay na pakiramdam mo?"
"Oo, kahapon pa. Magaling nag-alaga sa'kin eh." Pabirong aniya.
Pinilit kong ngumiti. "Nakita mo si Michael?" Tanong ko.
Matagal bago siya sumagot. Parang kinakalkula muna niya ang sinasabi ng ekspresyon ko kaya mabilis akong nag-iwas ng tingin.
"Pumunta lang siya ng canteen." Sagot niya.
Naalala ko yung nakita kong drawing noon ni Michael. May pagkakahawig yun dun sa painting na binalita. Kaya gusto ko siyang makausap ngayon para tanungin siya kahit na alam kong hindi niya rin naman sasabihin yung totoo.
"Casper, ayos ka lang?" Tanong sa'kin ni Cadi.
Tumango ako. "Oo naman. Bakit?"
Maigi niya kong tinignan. "Wala naman. Nabalitaan mo ba yung painting dun sa playground?"
Alam kong agad nagsalubong ang kilay ko dahil di ko inasahang tatanungin niya yung tungkol dun.
"O-oo." Nauutal pang sagot ko.
"Gusto ko yun makita pero di ko alam pano pumunta. Samahan mo ko?"
Ilang beses akong napakurap at inintindi muna yung sinabi niya bago ako pumayag. Mali ba ko ng hinala? Pero wala na kong ibang naiisip na pwedeng gumawa nito bukod sa kaniya.
Pagkarating namin malapit sa playground ay ang dami na palang tao na nandito. Karamihan sa kanila ay mga kabataan na gustong magpakuha ng pictures. May iba namang mga pulis na nagbabantay sa tabi ng barrier na parang lubid para walang masyadong makalapit sa pader. Mas mataas pa pala to kesa sa inakala ko. Siguro, doble nito ang tangkad ko.
Sinulyapan ko si Cadi at parang wala lang sa kaniya na makita yung pinta o mas tinatawag na Mural ng karamihan. "Cadi, tingin mo kailan pa to nandito?"
"Di ko alam. Wala naman akong alam sa painting." Kibit-balikat na sagot niya.
"Ako tingin ko nung Monday lang to natapos.Yun yung araw na may sakit ka diba?" Hinintay ko kung magbabago ang ekspresyon niya pero nanatiling blanko ang mga mata niya.
"Mm. Baka nga. Mukang bago palang eh." Plain na sabi niya. Hanggang sa mag-aya siyang umalis na.
Wala akong makukuwang sagot kay Cadi tungkol dito kaya nung pag-uwi namin ay pumunta na ko kila Owen sa kabilang street. Sakto naman na nakita ko siya sa tapat ng bahay nila kasama si Michael.
"Patambay ako, Pre." Sabi ko kay Owen. Mabillis siyang pumayag kaya medyo nagtaka ako. Akala ko kasi tatanggi siya dahil sa pasugalan na tinawag nilang Marcelo. Sa pagkakaalam ko, nasa basement nila yun.
Pagkapasok ko ng pintuan ay parang wala namang pinagbago sa bahay nila. Nag-alok ng snacks si Owen at habang abala sila sa paghahanda nun ay pumuslit ako papunta dun sa hagdanan nila. Buti nalang at hindi nakalock yung pinto sa basement. Pagswitch ko ng ilaw ay napanganga ako sa bumungad sa'kin.
Puro mga lumang gamit ang nandito at halos di na magkasya dahil magkakapatong. Para tong naging imbakan ng mga furnitures nila na di na kailangan.
Napapitlag ako nung biglang may tumapik sa balikat ko. Paglingon ko ay si Michael pala. "Luto na yung chicha."
Bumalik kami sa sala at habang nagmemeryenda kami ay napansin nila yung pananahimik ko. Nung di ko na makayanan ay kinompronta ko na sila. "Ikaw yung nagpinta dun, tama?" Nakatingin lang ko ng diretso kay Michael.
Pero tulad ng inasahan ko, nagmaang-maangan sila. Tinanggi nilang pareho na may kinalaman sila dun. Sa huli ay napapailing nalang akong nagpaalam sa kanila. Nahihirapan lang ako lalo dahil sobrang na kong nag-aalala.
KINABUKASAN ay pinagtipon-tipon ang mga estudyante sa covered court namin sa school. Biglaan lang kaya di namin alam kung para saan to. Nung makita ko sina Mama at Papa na kasama ang Principal namin ay bigla akong kinabahan. Nandoon rin yung halos lahat ng Teachers namin.
Umakyat sa stage ang Principal at tumapat sa mikropono. Nagsimula si Ma'am Salvador sa pagsasabi tungkol dun sa nabalita na Mural. Usap-usapan na mga estudyante o kabataan ang may kagagawan nun. Dahil nga kami ang pinakamalapit na school mula sa lugar na yun ay kami rin ang unang pagsususpetsahan. "Hinihiling ko na sana ay walang sino man sa estudyante sa school na to ang may pakana ng isyung 'yon. Pero kung sakaling mayroong makakapagbigay sa'kin ng mahalagang impormasyon tungkol dito, wag kayong mahihiya na pumunta sa Principal's Office."
Hindi natapos dun ang pagpapaalala sa'min dahil kahit nung makabalik na kami ng room ay kinausap kami ni Sir Angeles. "Mabigat na parusa ang naghihintay sa kanila."
BINABASA MO ANG
Sage Cadilus
RomanceTILA isang odinaryong araw lamang iyon para sa Section Marcelo. Unang araw ng klase kung saan pinakilala ang dalawang transferee, isa na dito si Sage Cadilus. Babaeng nakasalamin at may malamlam na mata. Tila ba mahirap siyang lapitan dahil sa miste...