4 Months Later
"Faya, kamusta si Casper?" Nag-aalalang tanong sa'kin ni Owen habang binaba niya yung prutas sa side table.
Hindi ako tumugon at nanatili lang akong tahimik habang nakatingin sa ngayo'y nakaratay na katawan ni Casper sa hospital bed.
'As if may way ako para sagutin yung tanong na 'yan.' wika ko sa isipan. 'As if alam ko kung anong pakiramdam ngayon ni Casper.'
Ako ang tinatanong nilang lahat kung bakit daw nagkaganito si Casper, baka daw hindi ko nababantayan o baka daw di ko naman inaalagaan. Ako ang sinisisi nila sa pagbagsak ng katawan ni Casper na para bang isang batang alagain ang nobyo ko at kailangan kong bantayan bente-kwatro oras samantalang di naman talaga ako ang dahilan kundi ibang babae.
Ni minsan di ko naisip na pwedeng ikaospital ng isang tao ang sobrang pagkastress. Akala ko dati, state of mind lang yun, gawa-gawa lang ng utak natin. Yun pala, kaya rin nun maapektuhan ang katawan mo.
Casper's body is declining. Mula nung araw na hindi makita ang ebidensya na sinabi ni Cadi ay hindi na malagay sa ayos ang huwisyo niya. Hindi na kumakain nang ayos, di na rin makatulog sa oras. Hanggang sa nanghina nalang siya, hanggang sa matagpuan ko siyang nakabulagta sa sahig doon sa apartment niya. At heto na nga siya, hindi pa rin gumigising mula kahapon nang dalin ko siya dito.
"It's been a while nga pala." Muling kausap sa'kin ni Owen. Hinila niya ang isang silya at doon naupo. "Grabe, di ko pa rin akalain na naging kayo ng mokong na to." Natatawang dagdag niya pa.
"Sana nga hindi nalang." Mahinang sabi ko.
"Ha?" Aniya. Di ko alam kung di niya ba talaga narinig o di lang maiproseso ng utak niya ang sinabi ko.
Makalipas ang ilang minuto ay nagising si Casper. Buti nalang at nandito pa si Owen dahil hindi pa ata ako handang kausapin siya na ganiyan ang lagay niya. "Lalabas lang ako." Hindi na ko naghintay ng sagot nila at uraurada na kong umalis.
Di ko matignan sa mata si Casper. Natatakot akong baka malaman niya kung anong tinatago ko sa kaniya. Bukod dun, nakokonsensya ako dahil pakiramdam ko ako ang may kasalanan kung bakit siya nagkakaganiyan. Mali ba ko para pigilan na may mas masamang mangyari sa kaniya? Samantalang napakalaking pangalan ang kakalabanin niya kung sakaling makita niya nga ang ebidensyang iniwan ni Cadi.
Pabalik na ko ng room niya nang makasabay ko si Michael na kararating lang din. "Hi." Tipid ngiting wika niya na tinanguan ko nalang.
Nang makaliko na kami sa hallway kung nasan ang room ni Casper ay nabigla nalang ako sa mga nurse na nagtatakbuhan papunta doon. Lumakas ang kabog ng dibdib ko at dali-dali akong lumapit kay Owen na mukang nababalisa na.
"A-anong nangyari?" Natatarantang tanong ko.
Umiling siya sabay hilamusak ng sariling muka. Madaming lumabas na salita sa bibig niya pero tanging ito lang ang naintindihan ko, "Nirerevive nila siya."
20 minutes pa kaming naghintay hanggang sa sabihin nalang nila na narevive nila si Casper pero malubha pa rin ang lagay nito. Pagkarating ng Mama ni Casper ay nagpaalam na kong aalis dahil di ko na talaga kaya. Pakiramdam ko anumang oras ay ako naman ang mawawalan ng malay.
Umuwi ako sa probinsya namin. Kahit malayo, kahit pagod ako ay tiniis ko. Kailangan ko ng pahinga at makita ang pamilya ko. Pagkadating ko sa bahay namin ay para akong bata na nagsusumbong sa Mama niya tungkol kalarong inaway siya.
Sinabi ko kay mama kung gaano kasakit para sa'kin na makitang may ibang mahal si Casper, pinakinggan niya lang ako at nang matapos ay siya naman ang nagsalita. "Kung talagang para sayo, hindi ka masasaktan."
Napakasimpleng salita lang nun pero tumagos sa puso ko. Hanggang sa narealize ko na oo nga, baka nga una palang di na dapat ako sumugal. Baka simula palang lumayo na ko at di ko na tinuloy pa.
KINABUKASAN ay nagising ako sa malakas na tunog ng cellphone ko. Dahil naalimpungatan ako ay basta ko nalang sinagot to kahit di ko pa tinitignan kung sino yung tumatawag.
"Hello?"
"Faya, si Owen to. Fay, m-malala na kasi–" hindi niya matuloy ang sinasabi at para akong naestatwa, naghihintay lang ng kasunod na salita niya. "N-nasan ka ba? Kailangan mo na pumunta dito." Halos mapiyok na siya at sigurado akong maluluha na siya sa kabilang linya. "Sabi ng doktor... maghanda na daw tayo sa mangyayari. Baka daw di na kayanin ni Casper hanggang bukas."
"Nandito ako sa'min, sa probinsya." Mahinang wika ko na para bang bulong nalang yun sa pandinig ko.
Natahimik kami parehas. Para bang iisa lang ang nasa isip namin pero walang gustong tumanggap nun. 'Posibleng hindi ako umabot.'
"Sandali lang." Aniya. Saglit niyang hinold ang tawag habang para naman ako nanigas nalang dito sa kama ko. Nakatanaw ako sa bukas na bintana at wala pa palang araw. Pagtingin ko sa orasan ay alas-singko y medya na. Mula dito sa'min, apat na oras akong babyahe.
Nabalik ang atensyon ko sa cellphone nang magsalita ulit si Owen. "Faya, gusto ka daw makausap ni Casper."
Hindi pa man din ako sumasagot ay alam kong naibigay niya na to sa kaniya. "Hello?" Rinig ko mula sa kabilang linya at sa tono palang ng boses niya parang ako na yung manghihina. Alam ko na nahihirapan na siya.
"Faya.."
"Pwede bang sa'kin ka nalang?" Kahit na alam kong hindi naman niya kontrolado, kahit na alam kong walang sense yon sinabi ko pa rin. "Ayaw kitang mawala sa'kin. Gusto pa kitang makasama nang matagal."
"Sorry. Di ko sinasadyang saktan ka." Pahina nang pahina ang boses niya at alam kong hirap na siyang magsalita pa. "Balang araw, may dadating din sa buhay mo na mas mamahalin at aalagaan ka."
"Pero hindi siya ikaw."
Natahimik ang kabilang linya. Sumunod na narinig ko ay parang nagkakagulo na ang mga tao sa paligid niya. Tawag ako nang tawag ng pangalan niya pero wala nang sumasagot. "H-hintayin mo ko dyan." Wika ko hanggang sa naputol nalang ang tawag.
Nagmamadali akong umalis sa'min. Naiiyak ako habang naghihintay na umalis ang bus na sinakyan ko patungong Maynila. Nagsisi akong bigla kung bakit ako umalis sa tabi niya.
Sa tagal ng byahe pakiramdam ko ay wala na 'yong katapusan. Halos madapa pa ko dahil sa panginginig ng tuhod ko nang makaapak ako sa hospital. Pinilit ko ang sarili na tumakbo papunta sa kwarto niya para lang matagpuan ang mga tao na lumuluha.
Humahagulgol ang mama niya gayon din ang iba niyang kamag-anak. Nandito rin sila Michael, Owen, at maging si Lilia. Napatingin silang lahat sa'kin. Hindi ko mahanap sa bibig ko kung ano bang sasabihin. O kung kaya ko pa bang magsalita sa oras na to. Ang alam ko lang, may malaking parte sa buhay ko ang nawala.
Unti-unti kong nilapitan si Casper. Hinawakan ko ang nanlalamig na mga kamay niya at yumuko para pumantay sa muka niya. Hinaplos ko ang mukha niya, "Gising na." Masuyong wika ko. "Babe, nandito na ko."
Inasahan kong magmumulat siya ng mata. Kasi ganon naman talaga ginagawa niya. Agang-aga, gugulatin ako. Pilit ipinupukpok ng utak ko yung katotohanang wala na siya kaso yung puso ko umaasa pa rin. Pero ilang minuto na yung lumipas.
Niyakap ko siya nang mahigpit at doon na bumuhos ang luha ko. "Hindi mo manlang ako nahintay."
Mahirap man aminin sa parte ko pero alam ko na hindi kinaya ni Casper ang pagkawala ni Cadi. Yung pagmamahal na meron sila, siguro hindi ko kayang lagpasan at tumbasan.
Sa kolumbaryo ay tinabi ang urn ni Casper kay Cadi. Pagkaalis ng lahat ay inilagay ko ang picture nilang dalawa na magkasama. Dito ko napagtanto na sila ngang dalawa para sa isa't isa.
Bago umalis ay saglit akong napatingin sa litrato ni Cadi at mapait na napangiti, "Ako yung nagtapos ng kwentong iniwan mo, Cadi. Pero sa huli, ako din yung naiwang mag-isa. Hanggang sa huli, ikaw pa rin yung pinili niya."
BINABASA MO ANG
Sage Cadilus
RomanceTILA isang odinaryong araw lamang iyon para sa Section Marcelo. Unang araw ng klase kung saan pinakilala ang dalawang transferee, isa na dito si Sage Cadilus. Babaeng nakasalamin at may malamlam na mata. Tila ba mahirap siyang lapitan dahil sa miste...