Chapter 19

1 1 0
                                    

Itong araw na to, siguro, ang pinakakalmadong araw sa buhay ko. Kahit na ang maingay ang mga tao sa paligid, kahit na masakit sa mata ang sikat ng araw, magaan ang pakiramdam ko.

Inaya ako ni Cadi papuntang Mall. Nabigla ako, papasok na kasi ako sa school nun, naglalakad ako papuntang sakayan ng jeep nang tawagin niya ko tapos ay saka niya sinabi yung salitang di ko akalain na maririnig ko mula sa kaniya, "Tara absent tayo."

Sa isip-isip ko, hindi ba pagcacutting class na tawag dito? Pero ano ba magagawa ko? Hindi ko ata kayang humindi sa magandang babaeng to.

Hindi manlang siya nakauniform at nakapanlakad na agad, halata mong wala talagang balak pumasok. Kaya umuwi muna ko sa bahay para magpalit saka kami umalis.

At sakto, sarado pa. Sino ba naman kasing matino na alas-otso y medya palang nasa mall na?

Naupo sa isang tabi si Cadi, tumabi naman ako sa kaniya kahit na para kaming tanga na naghihintay dito. Masyado pang maaga toy, sabi nga nungg Guard.

"Alam mo, wala nito sa'min sa probinsya. Masyado kasing tago dun eh." Napalingon agad ako sa kaniya dahil parang ngayon ko lang ata siya marinig magkuwento tungkol sa tinitirhan nila dati.

"Kung di pa kami luluwas noon dito sa Maynila, di pa ko makakapasok ng mall. May arcade naman dati sa'min, yung talaga basketball paborito kong laruin kasama mga kapatid ko. Kahit maliit ako sa kanila, ako parati panalo pag nagpapataasan kami ng score."

Napangiti lang ako at nakinig lang sa kwento niya. Kahit na ngayon ko lang nalaman na may kapatid pala siya ay di na muna ako umimik. Natatakot ako na baka may mali akong masabi at bigla siyang tumigil sa pagsasalita.

"Yung mga ate ko ang pinakamatatalinong tao sa paningin ko. Kaya nga nung nag-high school ako, dun ko mas narealize kung gaano ako kalayo sa lebel nila. Kaya pala, kaya pala sila ang paborito, hindi ako."

Tipid siyang ngumiti sabay tingin sa itaas. "Lahat ata sa pamilya namin, magagaling sa kung ano man ang gustuhin nilang gawin. Matalino, madiskarte, akala mo walang kinakatakutan. Kaso nga lang, yung mga katangian din na yun ang sumira sa buhay namin." Bahagya pa siyang umiling. "Dito talaga sa mundong to, kahit gaano ka pa kagaling, kung wala kang yaman at kapangyarihan, kulelat ka pa rin."

"N-nasan nga ba sila? Yung kapatid mo tsaka Papa mo? Di ko pa ata sila nakikita."

Tumayo siya saka pinagpag ang damit niya. "Di ko alam pero aalamin ko. Tara na." Hinila niya ko patayo saka kami tumapat sa entrance.

"Mamaya pa tong 9 magbubukas ah?" Sabi ko sa kaniya.

"Oo nga, mauuna lang tayo sa pila."

Ilang minuto kaming hindi na nag-imikan. Wala rin naman kasi akong maisip na sasabihin tsaka isa pa, nagtataka na ko sa ikinikilos ni Cadi. Kahapon lang ay parang kalaban niya ang buong mundo pero ngayon, di ko na malaman kung ano ang nasa isip niya. Parang biglang nagbago ang ihip ng hangin.

Siguro ay dalawang oras din kaming naglaro sa arcade. Meron pang isang machine na hindi niya tinigilan hangga't di niya nakukuha yung keychain. Akala ko nga mauubusan na kami ng pera pero sa huli ay nakuwa naman niya. "Sayo na to." Inabot niya sa'kin yung keychain na ang design ay maliit na pakpak. Agad ko naman yun sinabit sa wallet ko.

Matapos nun ay nag-aya siya sa food court, bumili lang kami ng sushi kahit na nagpupumilit akong magkanin naman kami, eh ang sagot lang sa'kin, "May kanin din naman tong sushi ah?" Ayoko nalang makipagdiskusyon dahil malamang na magpupumilit pa rin siya. Tsaka, okay din naman yung lasa, ayaw ko lang yung maanghang na kulay green.

Halos libutin na namin tong mall pero parang hindi napapagod si Cadi. Sige lang siya sa lakad at tingin sa mga stalls na alam kong di naman siya gaanong interesado. Hanggang sa nakarating na kami sa outdoor at pansamantalang tumigil. Ang bilis nga ng oras, maggagabi na pala. Binuksan na yung mga ilaw na nakakabit sa isang malaking puno. Sa ganda nun ay maging si Cadi ay napatitig. Pero wala talagang tutumbas sa ganda ni Cadi sa paningin ko, sumasalamin ang ilaw sa mga mata niya na para bang naging bulalakaw ang mga 'yon.

At sa oras na to, sa ganitong punto mismo ng buhay ko ay sigurado na ko.

"Cadi, gusto kita."

Pero agad niya kong tinalikuran na parang dinala nalang ng hangin ang mga salitang binitawan ko. Hindi dumaan sa pandinig niya o ni hindi manlang dumapo sa balat niya. Basta nalang niyang binalewala at saka naglakad palayo sa'kin. Nag-aya na siyang umuwi.

Habang naglalakad kami sa kalye namin ay pinilit ko yung sarili na wag nang magtanong pa sa kaniya. Iniisip ko nalang na siguro hindi pa siya handa sa pakikipagrelasyon. Kaso ginugulo din ako ng isipin na baka hindi niya lang talaga ako gusto.

Pakatapat namin sa pinto nila ay saka niya lang ako hinarap. Ako naman tong si iwas ng tingin, nahihiya at parang nahihirapan na rin atang huminga.

"Marami sa buhay ko yung hindi normal, hindi ordinaryo, parati ring komplikado." Aniya. Napalunok ako ng sariling laway, dumapo na sa'kin yung kaba dahil ramdam kong malapit na kong mabusted. "Kasi pinanganak ako sa pamilyang magulo. Tapos, may mga desisyon pa kong mas nagpapagulo ng mundo ko. Siguro, ganito na talaga ako kahit anong gawin ko." Bahagya siyang tumungo saka nag-angat ulit ng tingin sa'kin. "Hindi ko lang talaga maiwasan yung mga bagay-bagay lalo na pag may nakikita akong may mga taong naagrabyado. Madalas, para sa iba, mali yung method ko ng paglaban. Siguro, alam mo rin naman yung tinutukoy ko."

Doon ko siya tinignan ng diretso sa mata. "Yung mural." Sabi ko at tumango naman siya. "At yung Marcelo." Tukoy ko sa pasugalan.

"Pumasok ako sa school natin at isa lang yung pakiusap sa'kin ni Mama. Mag-aral lang daw ako. Pero nahirapan akong gawin yun dahil sa napakadaming dahilan. Masasabi ko ngayon na ipinasimula ko yung Mural para rin sa pansariling interes. Gusto kong magsumigaw ng hustisya para sa pamilya ko, gusto kong ipamuka sa mga taong nanghamak sa'min na nandito pa ko para pagbayarin sila."

"Ano ba kasing meron sa pamilya mo?"

"Journalist si Papa at isang beses, may nakabangga siyang mayamang pamilya sa probinsya namin. Problema sa lupa laban sa mga magsasaka ang kaso na gusto niyang alamin. Uminit ang dugo sa kaniya ng mayamang angkan, kaya sila lang ang naiisip kong may kagagawan ng pagkawala niya."

"Nawala siya?"

"Oo, sa aksidenteng ikinamatay naman ng dalawa kong ate. Pero pano ba ko magrereklamo kung wala akong makuhang ebidensya na sila nga yung may gawa nun? Eh may kalaban din ang mga kapatid kong raliyista. Pati si Mama na reporter may mga nakakabangga din. Kaya sino ang ituturo ko?"

"L-lahat ba talaga sa inyo, parang, may mga kalaban–"

"Oo. Galit kasi ang mundo sa mga taong tumitindig–mga taong 'di mabusalan ang bibig."

Kahapon lang ay ilang beses kong tinanong si Cadi tungkol sa nakaraan niya. Kung meron bang malaking pangyayari na nagpabago sa buhay niya at ganito nalang kalala ang pinaghuhugutan niya sa mundo. Ngayong nasabi niya ang tungkol sa pamilya niya, unti-unti ay naiintindihan ko siya. Sa akin man mangyari yung nangyari sa kaniya, siguro ay lalaban at lalaban din ako hanggang patayan.

"Kaya hangga't hindi ako nakakabawi sa kanila, hindi ako titigil. At hangga't hindi ko nakikitang nagdurusa sila, hindi ako pwedeng maging masaya." Mariin siyang tumitig sa mga mata ko. Masuyo ang mga tinging ibinato niya sa'kin. "At isang araw, bigla nalang akong mawawala para makamit ko yung gusto ko."

"Pero asahan mo na sa pagbalik ko, ikaw ang unang makakakita sa'kin. Kung mahihintay mo ko, sana sa puntong yun, ako pa rin."

Sunod-sunod ang malalakas na pagkabog ng dibdib ko na para bang sasabog na yun. Akala mo, tinatambol ng sampung katao. Hindi ko alam kung kikiligin ako o kakabahan sa mga sinasabi niya. Ang alam ko lang, ngayon mismo dito sa kinakatayuan ko ay nagsimula akong umasa na balang araw ay masusuklian niya rin yung nararamdaman ko.

Ang alam ko lang, hanggang sa pag-uwi ko ay dala-dala ko yung salitang binitawan niya. Ni hindi ko naihanda ang sarili ko na bukas, pagsilip ng araw, gugulantang sa'min ang biglaang pagkawala ni Cadi at ng Mama niya.

Sage CadilusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon