'Nabusted ba ko?' Ito yung paulit-ulit na gumugulo sa isip ko. Matapos nung oras na yun ay ginawa ko ang lahat para umiwas kay Cadi. Tuwing papasok ng school ay sinasadya kong malate ng gising kahit na halos buhusan na ko ng yelo ng Nanay ko para bumangon lang ako. Kapag naman nasa school ay ni hindi ako tumitingin kung nasaan man siyang banda ng classroom. At kung magiging groupmates man kami ay tumatahimik lang ako. Isang beses ay nagkaroon kami ng reporting, dahil nga tikom ang bibig ko dahil sa kaniya, ang naging ambag ko lang ay tagahawak ng manila paper.
Naiinis kasi ako sa sarili ko kasi mali na nga yung timing ay mali pa yung nasabi ko dahil may, "Ata." Tama naman si Cadi eh. Hindi pa nga ko sigurado pero tumalon na agad ako sa sarili kong hukay. Ano ba kasing pumasok sa utak ko at nasabi ko yun? At anong meron sa oras na yun at bigla akong napaamin?!
Sapo ko ang sariling noo habang iniisip kung paano ba ko makakalusot sa sitwasyong 'to. Samantala ay dumating naman si Sir Angeles na teacher namin sa Filipino. "Oh may meeting ako ngayon ha. Iiwanan ko nalang kayo ng activity. Pag di nyo natapos sa time natin assignment nyo nalang."
"Hala Ser, mamimiss ka po namin." Kunwaring malungkot na sabi ni Owen.
"Ay nako, alam ko namang maya-maya lang nasa canteen na kayo. Lalo ka na Galumba." Special mention pa tuloy ako. "Kayong dalawa nitong si Owen Chao, magtropa kayong cutingero at babaero. Balita ko pinaiyak mo yung muse ng kabilang section, totoo ba?" Medyo nanlaki naman ang mata ko at kabadong napasulyap kay Cadi. Ang masakit dun, nakatingin siya sa'kin!
"H-hindi po 'yan totoo, Ser." Kala ko ba may meeting siya?! Alis na po Ser, dehado ako sa biro mo, realtalk e!
"Nako, pag nakahanap kayo ng katapat niyo, sinasabi ko sa inyo, babagsak kayo hindi lang sa subject ko."
"Ser naman. Good boy na kami niyang si Casper." Nakangising sabi ni Owen.
"Oh siya, mabalik ako, ito activity niyo." Pinapagawa niya kami ng sanaysay patungkol daw sa edukasyon.
"Individual." Aniya pero agad umangal yung mga kaklase ko.
"Groupings nalang, Ser." At syempre, di pumayag si Sir Angeles. Umalis na siya at iniwan kami. May mga nagsusulat na kaagad habang yung iba ay di na nakapaghintay at pumunta agad sa canteen. Inaaya ko si Owen pero himala na tumanggi siya.
"Pre, aral muna, Pre. Tsk.Tsk." Umiiling na sabi niya habang unti-unting lumalapit sa gawi ni Cadi. Napansin ko na may ilan rin na nag-uusog ng upuan para tumabi sa kaniya. Ilang minuto lang ay nakaporma na ng bilog ang mga 'to na kala mo ay meron silang miting de avance.
Pare-pareho silang seryoso habang nagsusulat. Kung mag-usap man sila ay mahina kaya di ko gaanong marinig. Gustuhin ko mang lumapit ay di ko magawa dahil naiilang nga ako kay Cadi. Kaya pinili kong lumapit kay Michael na sa ngayo'y may dinodrawing nanaman. Nung tignan kong maigi ay parang plano yun na pinta sa isang malaking pader. May mga nakasulat pa kasing kakailanganing materyales sa baba ng drawing.
Ang ganda nung pinaplano niyang imahe pero parang may alangan ako sa mensahe nun. Nung maramdman niyang tinitignan ko yung gawa niya ay sinara niya yung notebook saka parang inaantok na tumingin sa'kin.
"Ano yan, Pre?" Tanong ko.
"Di mo alam?" Di pa ko nakakasagot ay may tugon na agad siya. "Ah. Nga naman." Napanganga ako dahil dun. Iba talaga amats nito.
Nung ibaling ko ulit ang tingin kila Cadi ay napakunot nalang ang noo ko. May kakaiba talaga sa Section namin ngayon. Bukod kasi kay Cadi at Isabelle ay kami-kami pa rin naman ang magkaklase, masasabi ko na hindi naman sila ganito last year. Talagang may nagbago sa paligid na hindi ko matukoy kung ano.

BINABASA MO ANG
Sage Cadilus
RomansaTILA isang odinaryong araw lamang iyon para sa Section Marcelo. Unang araw ng klase kung saan pinakilala ang dalawang transferee, isa na dito si Sage Cadilus. Babaeng nakasalamin at may malamlam na mata. Tila ba mahirap siyang lapitan dahil sa miste...