Chapter 16

0 0 0
                                    


Owen

Pare-parehas kaming di makapagsalita sa nangyari. Kanikaniya ng nakaw ng tingin dahil di namin malaman kung paano ipapaliwanag ang lahat.

"Kung di tayo ang gumawa nun, sino?" Kunot-noong tanong ko.

Maliban kay Casper ay buong Section Marcelo ang nandito sa basement ng bahay ko. Nakapaikot kami habang nakaupo sa sahig.

"Hindi si Michael ang nagpinta nun dahil nga naurong ang plano natin. Nagkasakit si Pres kaya wala tayong lahat sa playground."

"Tsaka, puno pa yung bote ng pinturang nabili natin."

"Nakita nyo ba yung mural? Katulad na katulad yun nung drawing ni Michael."

Sabi ng ilan sa'min.

Tuloy-tuloy lang silang nag-usap habang si Pres ay nanatiling tahimik at mukang malalim ang iniisip.

"Uy Michael, baka naman ikaw nga nagpinta dun di mo lang sinasabi sa'min."

"Wala akong time. Wala rin akong pera." Simpleng tugon ni Michael na sinegundahan ko naman. "Imposibleng si Michael yung nagpinta dun sa playground. Kasi may isang simbolo na nawawala."

Sa isang salamin na madaming alikabok ay nagdrawing ako gamit ang daliri ko. ;

"Parating may semicolon sa lower right ng mga drawings nitong si Michael. Ni minsan, di niya yan kinalimutan dahil parang signature nya yan." Sabi ko pa. "Nung pumunta ako sa playground, wala yan dun sa Mural. Tsaka, nakita nyo naman siguro yung pagkakaiba ng technique na ginamit. Halatang nanggaya lang yung gumawa nun Hindi singganda, di rin kasingdetalyado."

Sa huli, pareparehas kaming di pa rin malaman kung may tumatraydor ba sa'min o talagang may ibang tao lang na nakakuha ng design. Pero kung meron ngang nagnakaw nun, bakit niya naman yun gagawin? Hinaing ng buong section namin ang laman ng storya sa likod ng drawing na yun. Anong mapapala niya?

Tinignan ko isa-isa ang mga kaklase ko. Kung tutuusin, hindi naman halata sa kanila na sasama sila sa ganitong kaseryoso at delikadong kilos ng kabataan. Natuon ang atensyon ko kay Lilia, ang tao sa likod ng mga hugis tatsulok na ginamit sa buong drawing ni Michael. Si Lilia ay anak ng isang jeepney driver. Ayon sa kwento niya, nabangga ang jeep nila ng isang kotse ng mayaman, mayamang anak ng pulitiko ang may-ari ng kotse. Bagaman madami raw saksi na nagtuturo dun sa anak ay ang Tatay niyang jeepney driver pa rin ang nasisi sa huli. Kahit pa halatang lulong sa alak ang anak na iyon nung oras ng aksidente, kahit pa mas malaki ang tinamong yupi ang jeep kesa sa sports car, at kahit pa mas malala ang injury ng Tatay niya ay yun pa rin ang naging husga ng korte. Ni hindi manlang daw naagapan ang injury ng Tatay niya kaya habang-buhay na itong pilay ang kanang paa. Hindi na makakapag-drive, hindi na makakapagtustos para sa pag-aaral ng anim na anak, nagkautang-utang pa dahil sa malaking kasong isinampa sa kanila. Hindi patas, sabi nga ni Lilia. Hindi balance scale ang simbolo ng hustisya sa Pilipinas, tatsulok dapat. Dagdag niya pa.

Isa lang yun sa mga nakuhang insipirasyon ni Michael sa pagbuo ng disenyo. Kaya bawat imahe ay binubuo ng mga maliliit na tatsulok. Bagay, na di ko lubos-maisip kung paano naidrawing ng kaibigan ko.

Sobrang detalyado nung design. Pero ang pinakagusto ko? Yung anino ng babaeng nasa pinakagitna ng drawing, hawak ang isang putol na panulat habang may nagliliyab na mga papel sa likod niya.

"Pres..." tawag sa kaniya ni Lilia, "ano sa tingin mo?"

"Sa ngayon, di muna natin bubuksan tong Marcelo. Baka kasi may nagmamanman na sa'tin, mahirap na, Basta sigurudhin niyo lang, Owen, na hindi mapapansin ni Casper yung mga gamit dito."

"Pero Pres, sayang yung kikitain natin." Apela ng isa sa'min.

"Alam ko. Pero kailangan muna nating mag lie low para di uminit ang mata ng mga tao sa section natin."

PAGKABALIK namin sa school kinabukasan ay nanatili kami sa pagkukunwaring wala kaming kinalaman sa nangyayari. Npapansin ko rin kung minsan si Casper na pinapanood ang bawat kilos namin. Kahit nga dito sa canteen ay nakabuntot siya kay Pres.

"Pres."

"Cadi."

Sabay pa namin nasabi ni Casper habang parehong nakaangat ang mga kamay namin na may hawak na baso. Napatingin ako sa kaniya at pilit na ngumiti, agad kong binawi yung tubig at nilagay yun sa tabi ng plato ko.

Nang bibigyan niya sana si Pres ng Pininyahang manok na baon niya ay di ko napigilan magsalita. "Allergic si Pres dyan, Pre."

Naglipat ang tingin niya sa'kin at kay Pres. "Ha?" May halong pagtataka na tugon niya.

"Mm. Pero may dala akong gamot dito just in case." Kinapa ko yung bulsa ko at nilabas yung wallet ko. Lagi akong may dala na gamot para sa allergy mula nung nalaman kong kailangan ni Pres. Inabot ko yung isang tablet sa kaniya.

"Hanep ah, may lahi ka bang Mercury?" Di ko alam kung biro ba yun ni Casper pero tumawa nalang ako.

Maya-maya lang, habang naglalakad na kami sa hallway pabalik ng room ay napansin namin ang kakaibang mood sa paligid. Parang ang daming nagbubulungan na tipong seryosong seryoso ang pinag-uusapan. Tumigil kami nila Casper at Pres. Nagtanong naman ako sa isang kakilala at ito lang ang sinagot niya, "Nahanap na daw yung nagpaint ng Mural."

Parang napako ang paa ko sa sahig at di makagalaw. Iniisip ko kung sino naman kaya ang taong yun, kung isa nga ba yun sa mga kaklase ko. Gusto kong malaman kung sa'min mismo nanggaling ang sumira sa plano. Pero kahit na ganon, ayokong madiskubre yun sa ganitong paraan. Masyadong delikado kung marami ang makikisawsaw.

Hanggang sa bigla nalang may mga nagtatakbuhan papunta sa covered court. Ang sabi, nandoon daw yung estudyante kaya sumunod agad kami. Pagkapasok namin doon ay tumpok ng mga estudyante ang naabutan namin habang pinapanood ang isang lalaki na may hawak na illustration board. Walang nakasulat doon pero may isang bagay na nakapinta. Anino ng isang babae na may hawak na putol na panulat.

"KAISA AKO NG MGA KABATAANG NAGNANAIS NG PAGBABAGO SA SISTEMANG DAHILAN NG PAGDURUSA NG LIPUNAN!" Hiyaw niya habang itinataas ang karatula.

Mabilis pa sa alas-singko na naglapitan sa kaniya ang mga Teachers at Gwardiya para pigilan siya at kausapin. Bago tumigil ang lalaki ay may tumatak na salita sa'kin sa huli niyang sinabi, "Wala pa man din kami sa magandang kinabukasang pinangako niyo, tinalikuran niyo na agad kami."

Hindi doon natapos ang mga estudyante na bigla-bigla nalang nagwelga sa loob o labas man ng school. Kung minsan ay grupo pa sila na may hawak na parehas na karatula. Ang malala, hindi lang yun nangyari sa school namin kundi sa iba ding mga syudad at probinsya ay nababalita ang pag-aalsa ng mga kabataan kasama maging ang mga out of school youth.

Sage CadilusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon