Casper
Pansin na pansin na nag-iingat na ang school namin. Mismong si Principal Tutuldok na ang nagpunta sa bawat room ng lahat ng section, nakabuntot naman sa kaniya si Faya na Grade 9 Rep. ng SSG. "Kung may hinaing ang sinuman sa inyo, kung kailangan ninyo ng makakausap tungkol sa mga problema ninyo ay pwedeng pwede kayong pumunta sa Guidance Office o sa office ko." Aniya sa pinakaseryoso at sinserong tono na ngayon ko lang narinig mula sa kaniya.
Nagpaiwan si Faya para lumapit sa'min, nakabusangot ang mukha at matalim na tinititigan si Michael. Siguro, dahil nga kababata rin namin siya ay alam niya ang tinatagong talent nitong si Michael. Di maiiwasan na magduda siya. "Madami kayong di sinasabi sa'kin." Nakaharap kaming tatlo sa kaniya ni Owen at Michael na parang mga anak niya kami na pinagsusupetsahan kung sino ang nakabasag ng isang mamahaling vase.
"May problema ba?" Biglang lapit sa'min ni Cadi at tumabi sa kinatatayuan ko. Nandito kami sa dulo ng room habang ang iba sa mga kaklase namin ay nagdadaldalan lang.
Nang tumaas ang kilay ni Faya ay nakaramdam ako ng di magandang ihip ng hangin. Away babae. Bakit ba natatakot ako mapagitnaan ng away na yun? Kahit pa ba sabihing tatlo kaming nasa gitna, ayaw ko pa rin. Iba magtalo ang mga babae, minsan umaabot sa sakitan, minsan naman tahimik lang. At madalas, yung tahimik na klase ng away ang pinakanakakakaba sa lahat.
"Bakit ka sumasali?" Matalas talaga ang dila nitong si Faya.
"President ako ng section namin, may karapatan akong 'sumali'." Pagdidiin ni Cadi sa huling salita.
Napangisi si Faya, pinagkrus ang mga braso at humakbang palapit kay Cadi. "Magkababata kaming apat at wala kang pake kung mag-usap man kami. Masyado ka naman atang feeling entitled?"
"Sa tono ng pananalita mo kanina, malamang na lalapit ako para magtanong kung meron bang problema. Kung sana sinagot mo nalang agad ng ayos, edi sana tapos na at lumayo na ko."
"Cadi, isa lang naman ang kailangan sa sitwasyon na ganto eh, isa lang." Nangunot ang noo ni Faya bago magpatuloy. "Common sense."
"Tama na." Sita sa kaniya ni Owen. "Ang OA mo naman magreact Fay." Dagdag niya pa na lalong nagpausok ng ilong ni Faya. Kung ako sa kaniya, di niya sinabi yun. Si Faya kasi yung tipo ng tao na lalong naghuhurumintado kapag kinokontra siya.
"Alam niyo bang pinag-uusapan ang section niyo sa SSG office?" Sabi niya na nagpatigil sa'min lahat, maging yung mga ibang kaklase ko ay bigla nalang natahimik. "MAS magaling na daw ang Section Marcelo kesa Pilot Section." Umismid siya at sarkastikong tumingin sa'min, nasa Pilot Section si Faya kaya siguro di yun magandang pakinggan sa kaniya.
"Alam ko naman bakit nila nasasabi yun eh. Mukang nakahanap kasi kayo ng magaling at matalinong President." Direktang tingin niya kay Cadi. "Mula nung dumating ka, ang daming nagbago sa room na to, ang dami ring nagbago sa inyo." Saglit niya kaming nilingon nila Owen. "Ang mahirap lang dun, kapag masyadong madaming pagbabago, marami ring makakapansin sa inyo."
Madiin niyang tinignan si Cadi. "Sana gets mo." At mabibigat ang mga hakbang niya na umalis, sinundan naman siya ni Owen.
Nilingon ko nalang si Cadi. "Okay ka lang?" Mahinahong tanong ko. Tango lang ang naging tugon niya.
Maya-maya lang, habang naghihintay kami ng next class ay pinatawag si Cadi sa Faculty Room. Malakas na kumabog ang dibdib ko sa sobrang kaba kaya agaran akong tumayo para lapitan siya. Kakalabas niya lang ng pintuan nang tawagin ko siya. "Sama ako." Pumaling nanaman ang ulo niya tanda na nagtataka siya sa kinikilos ko.
"Bakit?" Simpleng tanong niya.
"K-kasi.." nahirapan pa kong mag-isip ng palusot, "baka mamiss kita. Hehe." Alam kong di siya kakagat sa rason ko pero pinanindigan ko nalang dahil medyo totoo naman.
Umasa ako na papayag siya pero, "Hindi, balik dun." Turo niya sa loob ng room saka siya nagpatuloy maglakad.
Pagbalik ko ay di na mapakali ang puwet ko sa upuan. Kung anu-anong pumapasok sa isip ko na kesyo baka nalaman na ng school ang tungkol dun sa pasugalan sa Marcelo, o di kaya tama ang hinala ko na sila Cadi ang gumawa ng Mural at nalaman din yun ng school. Panay ang tingin ko sa wall clock at talagang bawat minutong wala si Cadi ay binibilang ko. 10 minutes na, bakit di pa siya bumabalik?
Nung bumalik siya ay nabura lahat ng isiping yun sa utak ko at parang lahat ng dugo ko ay umabot sa bumbunan ko. Pano, kasunod niyang dumating si Owen, at magkadikit na magkadikit silang naglakad. Ramdam ko na unti-unting tumataas ang presyon ko. Bata pa ko pero parang aatakihin ako dahil sa highblood.
Bakit ganon? Hindi siya pumayag na samahan ko siya pero pagdating kay Owen ayos lang sa kaniya.
"Mayado naman ata niyang pinapamuka sa'king di niya ko gusto?"
"Aray. Tumama sa'kin yung hugot mo ah?" Biglang sabi nitong katabi ko, ni hindi ko namalayan na nasabi ko pala talaga kung ano yung nasa isip ko. Rinig ko ang bungisngis ni Lilia na parang natutuwa nanaman siyang makita akong nabubugnot.
Tumigil sa harapan si Cadi at iniannounce na hindi papasok ang dalawang teachers namin mamaya dahil sa agarang meeting. Kaya pagkatapos niyang magsalita ay mabilis pa sa alas-kuwatro kong sinukbit ang bag ko at naglakad paalis.
DAHIL NGA maaga ang uwian namin ay nasa bahay na agad ako. Naabutan ko dito si Tatay dahil day off nga pala niya, si Nanay naman ay nasa school pa rin dahil sa biglaang meeting.
Hindi kami masyadong nagkibuan ni Tay dahil wala naman kami masyadong mapag-usapan, nagmano lang ako sa kaniya habang abala siya sa pagtitimpla ng kape. Pagkatapos kong magbihis ng pambahay ay binuksan ko ang ref para humanap ng makakain sa hapunan. Sakto naman na may nakita ako dito na afritadang manok na ulam namin kahapon. Ininit ko lang yun saka hinain sa lamesa. Si Tay naman ang nagsaing at pagkaluto nun ay sabay na kaming kumain.
Akala ko ay matatapos kami nang hindi nag-uusap buti nalang ay nagsalita si Tay, "'Nak, si Cadi nga pala." Naibagsak ko ang kubyertos ko at dahil sa biglaang ingay ay napapitlag ang Tatay ko. Umangat ang tingin niya sa'kin at nagtatakang tumingin.
"B-bakit po?" Kabadong tugon ko.
Bahagya siyang umubo saka tinuloy yung sasabihin niya. "Kako, pakisabi na tanungin ang Mama niya kung gusto mag-apply ng trabaho sa school, kailangan kamo ng tao sa canteen."
"Ang Nanay mo sana ang magsasabi sayo kaso nga may meeting sila." Dugtong pa ni Tatay.
Inayos ko ang paghinga ko saka tumango.
"Nabanggit ko kasi sa kaniya na nakita ko yung Mama ni Cadi na may bahid ng pintura sa damit. Kako, mahirap na trabaho ang pagpipintura, alam din namin na minsan ay naglalabada o di kaya naglalako siya ng paninda. Naisip namin na baka pwede namin siyang matulungan."
"O-okay po." Pano naman kaya ko kukuha ng tsempo na kausapin si Cadi kung ganitong wala sa hulog ang emosyon ko? Naiinis ako sa kaniya mula pa kanina pero sa kabilang banda ay namimiss ko na rin siya.
Matapos kong maglinis ng pinakainan ay tumingin pa muna ako sa salamin para makita kung muka pa ba akong tao. Ilang minuto lang ay nasa tapat na ko ng pinto nila Cadi.
Pagbukas nun ay para akong nanlumo. Bumungad kasi sa'kin ang halos wala nang kulay na muka ni Cadi. Para siyang naubusan ng dugo sa sobrang pagkaputla.
"A-ayos ka lang?"
Tumango lang siya bilang tugon.
"M-may sakit ka ba?" Pero hindi siya makapagsalita.
Pinanood ko kung paano kumibot ang mga labi niya, kung paanong lumamlam ang mga mata niya tanda ng pag-apaw ng emosyon niya.
Ni hindi ko na naisip kung tama ba pero nakita ko nalang ang sarili ko na humahakbang palapit sa kaniya saka ko siya nilagay sa bisig ko. Niyakap ko siya sa paraang walang intensyon kundi ang alisin lahat ng sakit na nararamdaman niya. Kahit na alam kong hindi yun sapat, hinihiling ko na sana malaman niyang di siya nag-iisa.
BINABASA MO ANG
Sage Cadilus
RomanceTILA isang odinaryong araw lamang iyon para sa Section Marcelo. Unang araw ng klase kung saan pinakilala ang dalawang transferee, isa na dito si Sage Cadilus. Babaeng nakasalamin at may malamlam na mata. Tila ba mahirap siyang lapitan dahil sa miste...