YEAR 2014
Cadi
Akala ko dati, nakakasilaw kapag tumitig ka sa apoy, hindi pala. Ramdam ko lang ang init na ibinubuga ng sunog pero mas nag-aalab ang puso ko sa labis na hinanakit. Maraming katanungan na gumugulo sa isipan ko. Nagtataka ako kung bakit kasunod ng pagkamatay ng mga kapatid ko at pagkawala ni Papa ay nasunog naman ang bahay namin ngayon. Para kaming isinumpa sa isang pitik.
Pinanood kong magtulong-tulong ang buong kabarangay namin sa paghupa ng apoy. Nang makita ko sa gitna ng tumpok na mga tao si Mama ay nilapitan ko siya na lalong naluha nang magtagpo ang mga mata namin. Hinawakan niya ang mga kamay ko saka napaluhod habang malakas na humihikbi. Sa gitna ng pag-iyak niya ay paulit-ulit niyang binibigkas ang pangalan ng dalawa kong ate na yumao kamakailan lang. Umupo ako saka naluluha ring niyakap siya. Hinaplos ko ang likod niya kahit na alam kong di yun makakatulong sa kaniya.
Madaming mga tao ang naiisip ko na may kagagawan nito. Hindi man kami mayaman tulad ng napapanood sa teleserye ay mayaman naman kami sa mga kaaway dahil sa propesyon ng Papa ko. Journalist siya, isang matapang na manunulat sa isang di-kasikatang dyaryo. Sa mga sinusulat niya ay may mga nasasagasaan siyang tanyag na pangalan, ilang beses na rin siyang nakatanggap ng death threats na madalas ay nadadamay kaming buong pamilya.
Nitong makalipas na linggo ay bigla nalang siya naglaho sa isang car accident na ikinamatay nila Ate Sofi at Ate Steph na panganay sa amin. Pareho silang nasa kolehiyo at nag-aaral sa Maynila. Pauwi sana sila para magbakasyon pero bumangga ang sasakyan nila sa kalsada.
Nakakapagtaka na tatlo silang nasa kotse pero dalawa lang ang bangkay na nahanap. Hindi marunong magmaneho si Ate Steph pero siya ang nasa driver's seat kung saan dapat nakaupo si Papa. Sinabi ko na paimbestigahan ang kaso, na sigurado akong nandoon din dapat si Papa at baka may kumuwa sa kaniya. Pero sa di malamang dahilan, ayaw ni Mama. Ayaw niya din maghanap at tuwing tinatanong ko siya kung bakit, ang lagi niya lang dahilan, "wala na siya."
Kalilibing lang nila Ate tapos naging abo pa ang bahay namin. Parang nakakaloko na sabay-sabay nangyari ang trahedyang to.
Kasalukuyan pa kaming nagluluksa at gusto kong magsumamo para sa hustisya pero kinailangan namin bumangon at magpatuloy ni Mama kahit pakiramdam ko, mali na ipagsawalang bahala nalang ang nangyari.
Mula Batangas ay napunta kami sa North Caloocan. Dito sa Deparo nakahanap ng malilipatan si Mama. Ayoko sanang lumayo sa kinagisnan ko dahil wala kaming kakilala ni isa dito at hindi pa bumabalik si Papa.
Pero sabi ni Mama, wag na kami umasa na mahahanap pa namin siya. Nagtalo kami bago lisanin ang probinsya namin dahil parang siguradong sigurado siya na hindi na nga to babalik.
Nagalit ako sa kaniya pero kalaunan ay naintindihan ko rin agad dahil kung mag-iistay kami doon ay malalagay sa alanganin ang buhay namin. Ayaw aminin sa'kin ni Mama pero alam ko na may tinatakasan kami. Hindi man kami paniwalaan ng iba na may tao sa likod ng pagkamatay nila ay alam ko kung ano ang totoo.
Ang totoo ay mga makapangyarihang tao ang gumawa nito.
Sinabi sa'kin ni Mama na kalimutan ko nalang ang lahat. At habang pinapanood ko siya na halos bumagsak na habang ibinababa ang mga gamit namin ay sinubukan kong gawin ang gusto niya. Dahil parang mas pinahihirapan ko lang ang sitwasyon. Kaya tumulong na rin ako na buhatin ang ilang mga gamit na nailabas bago masunog ang dating bahay.
*****
Nasa panibagong tahanan kami na rerentahan lang namin. Maliit lang 'to kumpara sa dati na kahit yari sa kahoy ay may maliit na lote sa likod na napagtataniman ng gulay. Magkakadikit ang mga bahay kaya hindi gaano maaliwalas, agad ay hinanap ko ang preskong hangin na meron sa probinsya. Pinilit kong wag manghina nang muling sumagi sa isip ko sila Ate.
"'Nak, bumili ka muna kahit na anong biscuit at inumin. Pakainin muna natin sila Manong bago bumyahe pabalik." Sabi ni Mama kaya inilapag ko muna yung kahon na buhat ko.
Pagkaabot niya sa'kin ng isangdaan ay naglakad na ko para maghanap ng tindahan. Kaso, hindi pa man din ako nakakalayo ay napatigil na ko dahil may lalaki na kumaripas ng takbo papunta sa gawi ko. Sa isang iglap ay nagawa niyang pakilusin ako paakyat ng puno. Bagay na matagal na panahon na nung huli kong gawin. Merong puno noon sa amin na paborito kong akyatin madalas lalo na tuwing tag-manga. Nung high school palang si Ate Sofi ay nasasamahan niya ko dahil siya ang nakakalaro ko. Nawala lang lahat nung saya mula nang sumunod siya kay Ate Steph sa Maynila at nung nagkaroon na ng pressure sa'kin na maging matalino tulad nila.
Nabalik ako sa realidad nung marinig ko ang tahol nung maliit na aso sa baba. Ito pala yung tinatakbuhan nitong lalaki. Nilingon ko siya at napansin na parang ineestima niya ang muka ko kaya ginaya ko siya.
Medyo mahaba at magulo ang buhok niya. Moreno siya, matangos ang ilong, at medyo patpatin kumpara sa'kin na malaman ang mga braso.
Pero hindi ang mga yun ang nakapukaw ng atensyon ko kundi ang masigla na mga ngiti niya. Punong-puno yun ng buhay na halos kuminang pa nga ang mga mata niya. Nakakapanibago yun sa paningin ko.
Magawa niya pa kayang ngumiti sa harap ko pag nalaman niyang namatayan ako?
Kaya nung may kumuha na sa aso ay agad na kong bumaba. Di ko nalang namalayan ay bumalik na ko kay Mama nang walang nabili ni isa. Nung makita ako ni Mama ay nagtaka siya dahil imbis na biscuit ang dala ko ay lalaki pa ang kasama ko.
Buti nalang at kinausap siya nung kapitbahay at umalis na yung lalaki na walang sinasabi kahit ano. Naglakad nalang ako para maghanap ulit ng tindahan at sa pagkakataong 'to ay nakabili na rin ako sa wakas ng walang sumasalubong sa'king aberya.

BINABASA MO ANG
Sage Cadilus
RomanceTILA isang odinaryong araw lamang iyon para sa Section Marcelo. Unang araw ng klase kung saan pinakilala ang dalawang transferee, isa na dito si Sage Cadilus. Babaeng nakasalamin at may malamlam na mata. Tila ba mahirap siyang lapitan dahil sa miste...