Chapter 6

3 1 0
                                        

Cadi

Nasa taas ako noon ng puno ng manga kasama si Ate Sofi. Pinag-uusapan namin yung pangarap namin na Tree House. Tapos, papangalanan namin 'tong Roronoa Zoro tulad ng paborito naming character sa anime. Excited kaming dalawa dahil gusto namin yun kulayan ng yellow para kitang kita kahit mula sa malayo.

Sa gitna ng kwentuhan namin, habang nakatingin sa kaniya ay nasabi ko nalang na, "Ate, paglaki ko, gusto ko maging kamuka mo! Tsakaaa, kasing talino mo at ni Ate Steph!"

Tumawa lang noon si Ate Sofi at dahil nga bata pa, hindi ko pinansin ang lungkot sa mga mata niya. Yun yung araw na aalis siya papuntang Maynila. Susunod siya kay Ate Steph at doon mag-aaral ng college. "Mas maganda kung maging masaya yung pinakagusto mo."

"Ha?" Inosenteng tanong ko.

"Wala..." Mahinahong aniya.

Hindi ko alam yung bigat ng expectation sa kanilang dalawa hanggang sa ako mismo ay naranasan ko.

Pag-apak ko ng Junior High, doon na nagsimula yung pressure sa pag-aaral. Siguro dahil bunso ako ay di naman ako napagtuunan noon ng pansin nung elementary at mas naging malaya akong gawin ang gusto ko. Ang kaso, dahil parehas nang nasa Maynila sila ate at ako nalang ang anak na naiwan, sa akin nabunton lahat.

"Bakit ang hina mo sa Filipino? Sarili mong wika hindi mo maintindihan?" Hindi palasigaw si Papa pero pag nagsalita siya, para 'yong bala na bumabaon sa puso mo.

Siguro dahil nga mahusay na Journalist sya ay malawak ang kaisipan niya. Matindi rin ang prinsipyo niya at kapag may pinaniniwalaan siya ay talagang panghahawakan niya. At ang gusto niya, maging katulad niya kaming mga anak niya. Tulad niyang mapagmahal sa kapwa, kapaligiran, at lalong lalo na sa bayan. Kaya ang mababang marka ko sa subject na 'to ay parang insulto sa kaniya.

Kaya araw-araw ay nag-aral ako para maging katulad ni Ate Steph na paburito niya. Matalino kasi to, honor student at scholar sa isang tanyag na universidad sa Maynila.

"Nakisali raw sa rally si Steph. Nako, baka maging aktibista ang anak mo." Pangamba ni Mama.

"Aanhin pa ang kalayaan kung di magagamit? Panigurado namang nasa tama yung pinaglalaban niya." Di maitago ni Papa ang pagka-proud sa boses niya.

"E iniisip ko din kasi si Sofi, baka mapasama sa mga welga doon."

"Kesa naman puro kolorete sa muka inaatupag niya? Malalaki na mga anak mo, dapat lang na magkaroon sila ng muwang sa mundo."

"Ewan ko sayo. Kahit kailan kunsintidor ka, alam mo namang delikado yung tinatahak nila--tinutulak mo pa."

Ilang oras silang di nagpansinan dahil pinagtatalunan nila ang mga paboritong anak. Mula noon, ramdam ko nang paburito ni Mama si Ate Sofi dahil namana nito ang ganda niya. Kahit sinong makakita sa kanila ay sinasabing para silang pinagbiyak na bunga.

Pakiramdam ko parati ay napag-iiwanan ako– na hindi ako kasama sa kanila. Si Ate Sofi lang ang paborito ako pero maging siya, nagbago mula nang mapadpad ng Maynila. Hindi ko alam kung ang syudad ba ang naka-impluwensya sa kaniya o ang edukasyon na dinanas niya doon. Basta ang alam ko, isang beses nang umuwi silang dalawa para sa pasko, parehas na silang malayo sa loob ko.

Halos parehas na ang kilos nila. Laging nakatutok sa mga libro, kwaderno–nagsusulat ng kung anu-ano. Sa kabila nun ay patuloy pa rin sa pagpapaganda ng sarili si Ate Sofi at palagi niyang sinasabi, "Karapatan ng babae na pumili kung anong gusto niyang gawin sa muka niya, sa katawan niya at lalong lalo na sa utak niya." Nang marinig yun ni Papa ay wala na siyang komento pa sa pag-aayos ni Ate Sofi.

Kahit sa hapagkainan ay may diskusyon sila tungkol sa mga bagay-bagay sa mundo. Madalas ay tahimik lang ako pero tuwing napapansin nila 'ko ay tinatanong nila kung anong masasabi ko. Yun nga lang, hindi nila maitago kung gaano sila kadismayado tuwing magsasalita ako.

Yung mga ekspresyon nilang 'yon ay di mabura-bura sa isip ko magpahanggang ngayon na wala na sila. Para bang kahit anong gawin ko, kahit huminga lang ako ay hahabulin ako ng mga tinging 'yon.

*****

Gumising ako na mabigat ang pakiramdam, para bang may kung anong bumibiyak sa dibdib ko at nahihirapan akong huminga. Pinagsawalang bahala ko yun at bumangon. Una kong napansin ang isang uniform na nakasabit sa doorknob. Plantsadong plantsado yun at mukang sakto naman sa katawan ko.

"Bigay lang 'yan nung nagpalaba sa'kin kahapon. Buti nalang at may extra yung anak niyang babae. Pagtsagaan mo muna yan ha? Pag nakaipon ako, bibilan kita ng bago." Sabi ni Mama habang naghahain sa lamesa. Lumapit ako sa kaniya para tumulong. Merong sinangag, itlog na pula na may kamatis at sibuyas, at tuyo.

"Thank you po." Mahinang sabi ko at tumango lang siya.

Naupo na kami at nagsimulang kumain nang tahimik. Di naman nakatakas sa paningin ko yung namumula niyang pulsuhan na puro lapnos. Nang sulyapan ko ang muka niya ay halos di ko mailunok ang kinakain ko. Pansin na pansin ang pagod sa itsura niya.

Araw-araw ay naglilibot siya sa buong barangay para maghanap kung sinong magpapalaba sa kaniya. Kapag walang mahanap ay may mabait naman na nagpapalako sa kaniya ng turon o di kaya ay kakanin. Kadalasan yun natatapat tuwing tanghali hanggang hapon dahil oras ng miryenda. Nagkakandasugat ang balat niya dahil di siya sanay sa ganoong trabaho.

Ramdam kong nahihirapan siya kaya gusto ko siyang tulungan pero ayaw niya. Kahit anong pilit ko, hindi talaga siya pumapayag samantalang alam kong tuwing gabi ay umiiyak siya dahil sa pagod at dahil hanggang ngayon ay nasa punto pa rin kami ng pagluluksa. Kaya tuwing magmumulat ako ng mata ay parang gusto ko nalang ulit pumikit.

"Cadi..." aniya habang nagliligpit kami ng pinagkainan, "tandaan mo lang lagi yung sinabi ko sayo, ha?"

Bumalik naman agad sa alaala ko yung napag-usapan namin nung nakaraan. "Isa lang pakiusap ko sayo, nak." Tumalikod pa siya para di ko makita na naluluha na siya. "Wag na wag kang gagaya sa mga Ate mo. Parang-awa mo na."

Ramdam ko yung pangamba niya at naiintindihan ko siya. Gusto niya ng tahimik na buhay. Yun din naman ang gusto ko, kaya lang, nakuha ko na rin ata ang ugali nila. Tuwing lalabas ako ng bahay, naiisip ko ang lahat ng kaya kong gawin kung mas matututo lang ako. Kung mas magkakaalam ako tungkol sa paligid ko–may magagawa akong pagbabago. Ang problema, hindi lahat ng tao, handa sa ganoong ideolohiya.

"Wala kang gagawin kundi mag-aral, ha?" Sabi ni Mama habang inaabot ang pera na babaunin ko. Nagmano lang ako sa kaniya, "Alis na po ako."

Pagkalabas ko ng bahay ay napalingon agad ako sa gilid. Mukang nakatabig ng paso si Casper at dali-dali niya 'yong inayos sabay napapahiyang tumingin sa'kin.

"P-papasok ka na rin? Sabay pala klase natin? Ano? Haha! Hahaha!"

"Sabi sa'kin ni mama mo, magkaklase raw tayo."

"Ah o-oo nga pala. Hahaha!"

Napabuga ako ng hangin sabay inalis ang salamin ko. Medyo nagmoist kasi to dahil sa lamig ngayong oras. 5:50 palang kasi ng umaga at mukang may paparating pa na bagyo kaya madilim pa ang langit. Nilibot ko ang tingin sa paligid at buti nalang ay gumagana nang ayos ang mga streetlights dito.

Pagsuot ko ulit ng salamin ay tinignan ko ulit si Casper. Nandoon pa rin siya sa pwesto nya pero nakatakip ang kamay niya sa bibig. Kung anong nangyari sa kaniya? Hindi ko alam.

"Oy." Tawag ko pero parang di niya ko narinig.

"Oyyy!" Kunot noong ulit ko. Nung hindi pa rin niya rinig ay naglakad na ko palapit sa kaniya at tinapatan ang muka niya. Bahagya pa kong tumingkayad dahil medyo mas mataas siya. "Huy!"

"AAHHHHHH!!!" Sigaw niya sabay takbo. Ano bang problema non?

Sage CadilusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon