Adrahasis
Pinapalibutan na naman ako ng pamilyar na katahimikan ng buong paligid kaya alam na alam kong malapit na kami sa pintong 'yon. Ang misteryosong pinto. At gaya ng inaasahan, walang kahit anong tunog ng insekto akong naririnig na pati mga tunog ng mga paniki ay hindi ko marinig... tanging ang naririnig ko lang ay ang pagkalampag ng suot ng kasama ko dahil sa armor niya na gawa sa mga matigas na metal. Tanging ang nagbibigay lang sa amin ng liwanag ay galing lang sa malaking buwan, walang mga bituin at tanging ang pagngiti lang ng buwan na 'yan ang nagiging ilaw namin para makita ang daan.
"Hindi ko na naririnig ang boses niya, ikaw ba?" Rinig ko mula sa kasamahan ko.
"Mukhang alam niyang papalapit na tayo sa kaniya, ganito rin ang nangyari no'ng unang punta ko rito. Hindi ko na narinig pa ang boses niya nang mapansin kong nasa malapit na 'ko." Sagot ko kaagad sa kaniya. Huminga ako ng malalim dahil nagsisimula nang mawala ang ihip ng hangin. Nagsisimula na akong kilabutan dahil sa alam kong may halimaw nga sa lugar na 'to, hinding-hindi ko makakalimutan ang malakas na pag-ungol ng halimaw na 'yon no'ng makalapit ako sa pinto.
"Hindi ako makapaniwalang pumunta ka ng mag-isa sa lugar na 'to, hindi ka ba natatakot na baka sakmalin ka ng halimaw na sinasabi nila?" Lumingon ako sa gilid ko at nakitang nakatingin na rin pala siya sa akin habang nakakunot ang noo. Ngumiti lang ako sa kaniya ng tipid.
"Hindi ko alam kung saan ko kinukuha ang lakas ng loob ko pero pinapatigas ko na lang ang puso ko dahil alam kong sa dulo nito, may nanghihingi ng tulong at gusto kong makatulong." Turan ko sa kaniya pabalik pero agad naman nagbago ang timpla ko at napatingala sa kalangitan. "Pero hindi ko siya nagawang matulungan dahil sa nahuli ako ni Prinsipe Demetrio. Pero kung hindi rin dahil sa kaniya, baka napahamak na rin ako no'n... gaya nga ng sinabi mo, halos sakmalin na ako no'n ng isang halimaw." Dagdag ko pa at tumingin muli sa kaniya. Seryoso lang siyang nakatingin sa akin pero agad niyang ibinaling ang mga mata niya sa ibang direksiyon.
"Mainit na sa bandang 'to, hindi ko na nararamdaman ang hangin." Rinig ko mula sa kaniya na siyang ikinatango ko.
Napaubo ako sa hindi malaman ang dahilan. "M-Mukhang malapit na tayo." Umubo ako ulit at humarap muli sa daan na siyang agad ko ring ikinatigil. Kasabay ng pagtibok ng mabilis ng puso ko dahil sa kaba ay siya ring pagbago ng ekspresiyon ko dahil sa nakikita.
Ang pamilyar na pinto sa gitna ng kagubatan, naroon pa rin siya at nakatayo.
"Bakit may pinto diyan?"
"Hindi ko rin alam pero no'ng una akong pumunta rito, nariyan na 'yan at nasisiguro akong nagmumula diyan ang boses na nangangailangan ng tulong." Tugon ko sa kaniya. Natigilan ako nang lumapit siya sa akin at pumaharap, nagtaka naman ako sa ginawa niya dahil nagmumukhang pinoprotektahan niya ako.
"Dito ka lang sa likuran ko, at kahit anong mangyari, diyan ka lang sa likod ko at huwag kang gagawa ng ikakapahamak mo." Mahina pero maotoridad niyang utos. Tututol na sana ako nang bigla na lang akong manlamig sa kinakatayuan ko dahil sa bigla na lang kaming nakarinig ng malakas na ungol! Ungol ng isang halimaw! Sigurado ako na 'yon ang klaseng ungol na siyang narinig ko no'n!
"Tangina," bulong ng nasa harapan ko. "Mukhang tama nga ang sinabi ng mga tauhan ko, may halimaw nga talaga rito." Narinig kong mahina niyang sabi na siyang ikinarolyo ng mga mata ko.
"Sinabi ko na sa'yo diba? Psh, akala ko naman naniniwala ka sa mga sinasabi ko kanina. Gagong 'to." Mahina ko ring turan at mukhang hindi niya ako narinig dahil sumabay sa boses ko ang malakas na namang ungol ng isang halimaw.
YOU ARE READING
The Last Maidservant of the Weakest Kingdom |Multiworld's Secret| [BL]
Fantasy"Even if I fucking die here, there are still lot of versions of me in other worlds that will hunt you!" **** He is Adrahasis, the lone and last aide to enter the castle of Teodorica, an island considered the weakest of all the islands. A kingdom th...