- 2 -

2K 72 7
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊


    
Mahigpit na pinagbabawalan ang pagdadala ng personal na gamit sa Paraisla.

Gayunpaman ay nagtungo ako sa lumang tokador sa kwarto at isinilid ang kamay ko sa ilalim ng mga damit. Nakapa ko ang isang singsing na binigay sa akin ni ama nung araw na nag-aagaw buhay na siya.

"Kunin mo 'to," nanginginig niyang sambit habang nakahiga sa kama.

Inilapag niya ang isang pilak na singsing na may lilang dyamante-- kakulay ng aming mata-- sa palad kong basa sa luha.

"Proteksyon. . ."

Mahilig si ama sa mga alamat at agimat.

At naisip ko kaagad na isa ang singsing sa mga sinasabi niya. Hindi man ako naniniwala sa ganun, ay di ko pa rin maiwasang makinig tuwing magke-kwento si ama tungkol sa mga halimaw na may matatalas na ngipin at uhaw sa dugo't laman ng tao.

'Kathang isip lamang iyon', kaya tinatawanan ko na lamang ang mga ilusyon ni ama.

Ngayon, tanging ang singsing na ito na lamang ang ala-ala niya bukod sa minana ko sa kanyang kahel na buhok.

Mabilis ko iyong tinago sa bulsa ng aking bestida at nagtungo na sa labas ng bahay kung saan naghihintay na ang aking ina at kapatid. Ihahatid nila ako sa pier kung saan naka-abang ang barkong sundo ng lahat ng Napili sa iba't-ibang pook-isla.

Sakay kami ng isang pampublikong karwahe patungo doon at lahat ng mga mata ay nasa akin. Halata kasi sa aking bestida na isa akong Napili. Luma man at may konting tastas sa gilid ng manggas, sa mata ng iba ay ito na ang pinakamagandang bestidang nakita nila.

Yumuko ako at itinago ang aking kaba.

"Kayganda. . ." ang tanging nasabi ni Ninette nang makarating kami sa pier.

Kitang-kita mula sa munisipyo ang malaking barko na nakadaong, gawa sa metal, salamin at mamahaling kahoy. Sa tuktok nito, nakawagayway ang kulay lilang bandila ng palasyo-- nakaburda ang paruparong isang pakpak ay ginto at isa nama'y itim.

Maraming tao ang nakatunghay at pinapanood ang pagsakay ng mga Napili sa isang metal na akyatan.

Tinulak ako nang mahina ni Ninette. "Dalian mo na, Ate! Baka maiwan ka ng barko!"

Tumawa naman ako sa pag-aalala niya. Itong kapatid ko, hahanapin ko ang kanyang halakhak sa palasyo. Marahan ko siyang niyakap.

"Maging mabuti ka kay ina, ha? Wag mo siyang pabayaan. At lagi kayong mag-iingat." Sumulyap ako kay Ina na seryoso ang tingin. "Susulat ako sa inyo. Pipilitin kong sumulat."

Mangiyak-ngiyak na tumango si Ninette bilang tugon.

Nagtungo ako kay ina at hinagkan siya. "Paalam, ina."

Sa yakap namin, bumulong ito. "Tandaan mo lahat ng sinabi ko, anak. Wag kang makakalimot. Isang buwan. Hintayin mo ako."

ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon