- 18 -

1.2K 41 8
                                    



   ☪⋆。˚┊˚✩ ┊
  


Sinamahan ako ni Lax pabalik sa dati kong silid. Inasahan ko na iyon. Sinabi kasi sa'kin ni Henrieta na doon muna ako dapat tumuloy. Mukhang naintindihan naman ng lahat ang nangyari. Kahit na inasahan ko nang ayaw akong makita ni Naven ngayon, nasasaktan pa rin ako.

Pero hindi para sa sarili ko. Kundi para sa kanya. Sa mga sinabi ko sa kanya.

Ang mga labi kong ito na humalik sa kanya'y siya ring nagtapon ng mga masasakit na salita. Napayukom ako ng mga kamay. Kung pinakinggan ko muna kasi siya, sana'y hindi nanaman kami nag-away. . .

Away-bati na lang kami palagi. Hindi na ako magtataka kung pagod na siya sa'kin. O kung kasama na niya si Kahra ngayon.

Parang awa na niya, wag si Kahra.

Naupo ako sa dati kong kama, ang puso ko'y tila pinipisil. Hinahanap ko ang mga balikat niyang masasandalan ko. Ang mapaglaro niyang ngiti at mapagmahal na tingin.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Lax.

Pagod na akong magsinungaling. "Hindi."

Numipis ang kanyang labi. "May. . .  sinabi ba siyang masakit sa'yo?"

Sarkastiko akong tumawa habang umiiling. "Ako ang nakasakit sa kanya, Lax." Tiningnan ko siya. "Tinawag ko siyang halimaw. Sinabi kong katulad siya ng mga halimaw niyang magulang. Na hindi ko siya dapat mahalin." Wala na ako halos boses. "Ang totoo'y ako ang halimaw sa'ming dalawa. . ."

"Wag mong isipin iyan." Nasa tabi ko na agad si Lax at iniharap niya ako sa kanya. "Normal lang na mabigla ka sa mga nalaman mo. Kahit ako'y naging ganun din ang reaksyon sa una."

"Lax?"

"Hm?"

Suminghot ako. "Pwede mo bang ikwento? Kung paano kayo nagkakilala ng Prinsipe?"

Saglit na nagkaroon ng kakaibang ekspresyon sa mukha niya-- lungkot, galit at saya-- ngunit yumuko lang siya at humingang malalim.

"Si Naven ang una kong naging kaibigan sa palasyo," bulong nito. Hindi ako nagulat sa pagtawag niya sa prinsipe sa pangalan lang kundi sa lungkot sa kanyang boses. "Nang unang makarating ako dito sa palasyo, nabigla ako sa masamang pagtrato sa mga alipin. Sinanay ako ni Henrieta na maging lingkod at isang umaga, nang maligaw ako sa isang bulwagan, nakita ko siya: Tumugtog ng piano habang lumuluha."

Nalukot ang kanyang mukha sa mga ala-ala at pinanood ko ito, namamangha na naging magkaibigan ang dalawang ito noon pa lang.

"Noon ay kalahating itim at kalahating pilak ang kanyang buhok at sa gulat ko'y pinalapit niya ako sa kanya. At nang magkatabi na kami sa harap ng piano, kinwento niya sa'kin ang lahat habang humahagulgol--" kumunot ang noo ni Lax "--na isa siyang halimaw. Isa siyang Sinumpa. At kasalanan daw niya. Kinuha daw niya ang buhay ng isang tao. Tinanong ko kung ano ang kanyang ibig sabihin. At doon ko nalaman kung anong ibig sabihin niya sa 'Sinumpa'. Na kumakain ang tulad niya ng tao para mabuhay."

ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon