- 8 -

1.4K 47 1
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊


Pitumpu't walo.

Iyon na lang ang natitirang mga dalaga sa kompetisyon matapos maganap ang isa nanamang auction kahapon. Kahit hindi kaaya-aya ang makikita doon, napansin kong kahit papano ay nasasanay na ang ibang mga dalaga dito.

Kahit ako'y kalmado na rin nang kaunti. Hindi ko pa din mapagkailang ayoko sa auction ngunit sumasaya na lang akong matatapos na ang paghihirap ng mga babaeng binili sapagkat magkakaroon na sila ng marangyang buhay.

Prinsesa, ulit ko sa utak ko, iyon ang aking mararating.

Nagbalik sa'kin ang oras kasama ni Prinsipe Naven sa tapat ng piano, ang kamay niya, ang halik niya sa aking pisngi, ang pagbulong ko ng kanyang pangalan. . . Hindi ko maiwasang mapangiti sa ala-ala.

"Nais kong maging kapansin-pansin ngayon."

Pagkasabi ko nito'y kaunting nanlaki ang mga mata ni Lax na inaayos ang aking buhok.

"Ibig kong sabihin, gusto kong mapansin ako ng Prinsipe ngayon."

Tinuon ko ang tingin sa aking mukha sa salamin.

"Ayoko nang maging simple."

Tumigil siya sa pagsusuklay ng aking mahabang buhok. Saka kinagat ang ibabang labi. "Tingin ko'y hindi magandang desisyon iyon, binibini."

Kumunot ang aking noo. "At bakit?"

"Naging maayos naman ang iyong mga marka kahit ika'y simple. Isa pa'y, ang Prinsipe ay--"

Saglit siyang tumigil at naglayo ng paningin.

"Ano, Lax? Ang Prinsipe ay?"

Tumingin siya sa'kin na puno ng pag-aalala.

"Alam kong hindi ko dapat panghimasukan ang iyong mga desisyon," mahina niyang panimula. "Ngunit, tama ba ang nararamdaman ko?"

Nagkatinginan kami.

"May pagtatangi ka sa mahal na Prinsipe?"

Nabigla ako't namula sa tanong ni Lax. . . na hindi ko inaasahan.

"Tama ba para sa isang lingkod ang tanungin iyan?" mabilis kong tanong na ikinabigla ni Lax.

Bigla na lang kasi akong nakaramdam ng pagdepensa sa nararamdaman ko sa prinsipe. Ngunit sa lungkot sa kanyang mga mata, nais ko na agad bawiin ang mga nasabi ko ngunit tumalikod na ito at nagtungo sa aking kabinet.

"Lax," bungad ko habang pumipili siya ng mas magarbong bestida. "P-Patawad. Hindi ko ibig sabihin na--"

Lumingon siya sa'kin bitbit ang isang berdeng-asul na bestidang abot hanggang sahig at tila tinadtad ng mga dyamante. Wala na ang bahid ng lungkot sa mukha nito, napalitan na ng pagka-propesyunal.

"Tama naman kayo," sabi niya. Pinatayo niya ako at pinatalikod sabay hila pababa ng zipper. "Isa lang naman akong lingkod. Trabaho ko lang na ayusan kayo at ibigay lahat ng kailangan niyo."

ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon