☪⋆。˚┊˚✩ ┊
Nakahubad kaming lahat sa likuran ng entablado, naghihintay sa pagsisimula ng auction. Binalot ako ni Lax ng makapal na kumot at gamit ng mga kamay, taas baba niyang hinaplos ang mga braso ko. Hindi naman malamig ngunit nanginginig ang buo kong katawan.
"Lax, anong mangyayari sa'kin?" naiiyak kong tanong.
Pinainitan niya ang kanyang palad ng kanyang hininga at idinikit ang mga ito sa aking mga tenga. "Magiging maayos ka. Sinisiguro ko iyon." Pero halata pa rin ang pag-aalala nito.
"Ayokong lumabas doon." Tiningnan ko ang entablado na puno ng takot.
Naririnig ko na sila. Naghihintay na ang mga opisyal na parang mga tigre, handa nang sunggaban ang kanilang mga biktima at lamunin ito ng buhay. Napakalakas ng mga tawanan at sabik na palakpakan sa labas. Mas lalo akong natakot.
"Iris, tingnan mo 'ko. Tingnan mo 'ko." At nilingon ko siya. Hawak niya ang dalawa kong pisngi. "Magiging maayos ka. Kalimutan mong nasa auction ka at tatagan mo ang loob mo. Magiging maayos ka lang. . . naiintindihan mo ba ako?"
Tumango ako, kahit hindi sigurado.
"Magiging maayos ka lang." At niyakap niya ako palapit. Hindi ko siya pinigilan.
Lumakas ang tugtugin hudyat ng pagsisimula ng auction. Napakalas ako sa gulat. At sa gilid, sa isang sulok, nakatayo ang isang lalaking may hawak na micropono. Akala ko'y mamamangha ako kapag nakita ko ang tao sa likod ng boses na iyon ngunit hindi. Isa siyang payat na lalaking lingkod. Naalala ko ang pagtawa niya kay Brigitte at namuo nanaman ang galit sa aking dibdib.
Si Brigitte. Patay na siya.
At sinumang pumatay sa kanya. . . anuman ang dahilan nun ay dahil sa dukeng bumili sa kanya. Lumunok ako. Kung bibilhin kami ngayon-- tumingin ako sa mga dalagang naguguluhan at nasasabik-- hindi ba't pare-pareho kami ng magiging kahihinatnan?
"Unang dalaga, Heidi!" tawag ni Henrieta.
Lumapit naman sa kanya ang isang Hanaian. Tinanggal nito ang kumot na nakabalot sa kanya at naluluha itong kinuha ng kanyang babaeng lingkod. Nagpasalamat si Heidi sa lahat ng ginawang serbisyo ng babae sa kanya at niyakap siya ng kanyang lingkod, di na napigilang umiyak.
Ganito din ang nangyari sa ibang mga dalaga. Ngunit karamihan ay walang pakialam sa kanilang mga lingkod, tinatapon na lang ang kumot sa sahig at taas noong umaakyat ng entablado.
Apatnapung dalaga.
At sa tatlumpung minutong nagdaan, tatlumpung dalaga na lang ang natitira.
Magkatabi kami ni Eyha sa upuan at tahimik na magkahawak-kamay. Siya na lang ang natitirang matatawag kong kaibigan.
"Eyha," mahina kong sabi habang nagmamasid sa paligid.
Tumingin siya sa'kin.
"Kahit anong mangyari, wag kang papayag na makuha ka nila."
BINABASA MO ANG
Paraisla
Mystery / Thriller𝓬𝓸𝓶𝓹𝓵𝓮𝓽𝓮𝓭 | Book #1 of Paraisla Trilogy ❧ - Magandang dilag, mag-ingat sa mga halimaw. - Si Iris ay isa sa 100 na dalagang Napili para sa taunang Pagkalap -- isang kompetisyon para maging isang binibini ng palasyo. Wala mang alam sa mun...