- epilogue -

1.3K 38 7
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊ 


Pinanood niya ang naka-itim na babaeng isakay ang kanyang ate sa maliit na bangka. Tumutulo ang kayraming dugo sa kahoy. May nakataling lampara sa dulo ng bangka at naiilawan ang mukha ng naka-itim na dalaga. Bata pa itong tingnan at may mga pulang mata.

"Saan mo dadalhin si Ate?" tanong ni Ninette.

Nag-aalala ito. Kanina, nang nakahimlay ang kapatid niya sa sahig at wala nang buhay ay dumating ang babaeng naka-itim at binuhat si Iris patungo rito sa pampang sa likod ng palasyo.

Napatigil sa paga-alis ng tali ng bangka ang babae at lumapit sa sampung-taong gulang na bata. Inilagay niya ang kanyang kamay sa ulo ni Ninette at ngumiti. "Wag kang matakot. Dadalhin ko si Iris sa ligtas na lugar."

"Ngunit bakit kailangan niyo pang lumayo? Babalik pa ba kayo?"

Inalis ng babae ang tali at kinuha ang mahaba nitong sagwan. Lumingon siya sa bata. "Hihintayin ko ang tamang oras upang ibalik siya sa inyo. Ngunit hindi ngayon. Kailangan mong magtiwala sa akin."

"Sino ba kayo, binibini?" desperadong tanong ni Ninette.

"Pakinggan mo akong mabuti. Walang makakaalam na buhay pa si Iris," seryosong utos ng babae sa bata. "Walang makakaalam. Ikaw lang at ng iyong ina. Hintayin niyo ang araw na ibabalik ko si Iris sa inyo. Ngunit ngayon, kailangang malaman ng lahat na patay na siya."

Maraming tanong sa utak ni Ninette. Ngunit pinanood niya ang babaeng naka-itim na umupo na sa bangka, sa likod nito ay ang duguang katawan ng kanyang ate.

"Ninette!" tawag ng babae sa kanya.

Tumulo ang luha ng bata.

"Sabihin mo sa iyong ina: Amethyst. Makikilala niya kung sino ako."

Tumango si Ninette.

At wala siyang ibang nagawa kundi magtiwala sa babaeng iyon, maniwalang pagkatapos ng lahat ay babalik ang kanyang ate sa kanila. Ngunit sa ngayon, umiiyak niyang pinanood ang bangkang lumayo.

Sa madilim na kalangitan na puno ng mga bituin, sumibol ang iba't-ibang kulay na mga paputok. Mensahe sa mga isla na tapos na ang rebelyon. Na napabagsak na nila ang kaharian. Hudyat ng pagkapanalo at pag-asa at bagong buhay.

Ngunit tumingala si Ninette sa nasusunog na palasyo at inisip kung magandang bagay nga ba ang darating sa hinaharap.

Maaaring oo. Maaaring hindi. Niyakap niya ang sarili at tumingin sa malayo, pilit na hinahanap ang bangkang kanina lang ay nasa paningin niya.

Ngunit wala na ito.

Wala na ang ate niya. Wala na.

Sa loob ng palasyo, nakahimlay ang mga walang buhay na katawan ng mga tao at Sinumpa. Pare-parehong tinutuklap at hinahalikan ng naglalagablab na apoy. Ang mga magagarang sapin at kurtina, pati na ang mga magagandang bulaklak ay naging itim. Ang mga ipininta ni Camille sa kanyang dingding-- ang larawan nilang tatlo ni Iris at Brigitte ay kinakain na ng apoy, maging ang mga iginuhit na larawan ni Naven sa kanyang silid.

Sa gitna ng maliit na chapel, nakahimlay ang walang ulong Hari at Reyna. Sa gilid nito'y nakatayo ang dalawang binata, parehong duguan at hinihingal sa laban. Napapalibutan sila ng usok at dila ng apoy. Ngunit wala silang pakialam doon.

Ngayon ay magkaharapan ang dalawa hindi bilang magkakampi kundi bilang magkalaban.

"Pa'no mo hinayaan ang lahat na humantong sa ganito," galit na tanong ni Naven.

Pantay ang galit ni Lax. "Pinatay mo si Iris." Humigpit ang hawak niya sa kanyang espada. "PINATAY MO SIYA!"

"Hindi ka tumupad sa usapan!" sigaw din ng prinsipe. "Sabi mo'y sisiguruhin mong makakaalis siya dito ng ligtas!!!"

"Papatayin kita," saad ni Lax.

Hinanda ni Naven ang kanyang kamay at matutulis na mga kuko.

Sinigaw nila pareho ang pangalan ng isa't-isa na puno ng galit.

"NAVEN!"

"LAX!"

At sumugod sa isa't-isa.





☪⋆。˚┊˚✩ ┊ 

☪⋆。˚┊˚✩ ┊ 

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon