- 17 -

1.1K 37 13
                                    



   ☪⋆。˚┊˚✩ ┊


  
Mainit pa rin ang mga pisngi ko. Kahit anong gawin ko, hindi ko pa rin makalimutan ang nangyari kanina. Nakakahiya. Nakakahiya. Nakakahiya!

Sa kalagitnaan ng paghalik sa'kin ni Naven, nakarinig kami ng tatlong katok sa pinto at bago pa man kami makapaghiwalay ay pinasok na ni Henrieta ang silid na walang kamalay-malay. "Kamahalan, narinig kong--"

Natigilan siya nang makita ang eksena-- si Naven na walang pantaas at ako nama'y naka-maikling pantulog pa. Agad na tumaas lahat ng dugo ko sa aking mukha at napatawa na lamang ang Prinsipe. Natatawa pa siya sa kalagayan na 'to?!

"Paumanhin, hindi ko alam na--" nagpalipat-lipat ng tingin si Henrieta sa'min. "--abala pala kayo."

Abala.

Mabilis akong lumayo sa Prinsipe at umayos ng tayo. Si Naven naman ay sumandal sa sopa, nakangiti na parang bata. Ganun na ba siya kasaya at nakakalimutan niyang wala siyang pantaas sa harapan ni Henrieta?!

"Ano ba iyon?" tanong ng Prinsipe.

Umistrikto ang tingin ni Henrieta. "Narinig kong hawak ni Caleid ang kaibigan ni Binibining Iris."

Agad akong napalingon. "Si Eyha? Hawak ni Dukesang Caleid?"

Tumango si Henrieta at tumingin sa Prinsipe, na nawala na ang anumang bahid ng ngiti sa mukha. "Hindi pwede 'to. Nakalimutan kong kasama nga pala sa Pagkalap ang anak ni Ginoong Val."

"Naven!" Hindi ko pinansin ang nagulat na tingin ni Henrieta sa'kin. "Kailangan mo siyang kunin sa dukesa. Kailangan mo siyang kunin kung hindi. . . Kung hindi. . ."

Tumayo siya at hinawakan ang mga balikat ko. "Oo. Wag kang mag-alala. Kukunin natin siya." Tumingin siya kay Henrieta. "Sabihan mo si Lax. Kunin niyo si Eyha sa dukesa sa lalong madaling panahon."

Bumulong pa ang prinsipe, "Mapipilitan tayong alisin ang dukesa sa larawan."

Malugod na yumuko si Henrieta. "Masusunod, Kamahalan."

At umalis na ito sa silid.

"At sa susunod. . . hintayin mo muna akong papasukin ka, Tiya. Pakiusap naman. . ." Nagbuntong-hininga si Naven, namumula na ang mga pisngi di tulad ng bravado niya kanina.

Kahit sa kaba at takot ko, natawa ako. Saka ko napagtanto ang huling narinig. "Teka-- sinabi mo bang Tiya?!"

Ngumiti sa'kin si Naven. "Mm, kapatid ng aking Ina si Henrieta. At malapit kami sa isa't-isa lalo na nung bata pa ako kaya nasanay siyang basta-basta na lamang pumapasok sa aking silid." Kaunti siyang natawa. "Binago ko na iyon nang ako'y magbinata, ngunit minsan nakakalimutan ni Tiya."

Ah. Kaya naman pala isa si Henrieta sa mga iginuhit ni Naven sa koleksyon niya ng mga larawan. . . Malapit pala ito sa kanyang puso.

Kaydami kong hindi pa alam tungkol sa Prinsipe. Ngunit unti-unti, sana. . .

Lumipas ang mga oras, sa paghihintay ng resulta ng utos ng Prinsipe. Nakapagpalit na ako ng mas maayos na damit at nakabihis na rin ng uniporme ang Prinsipe.

ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon