- xiii -

898 31 4
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊


"Handa ka na ba?"

Kung maaari lamang tumawa ay nagawa na ito ni Camille, ngunit sa mga oras na iyon-- alas dos ng malalim na gabi-- ay wala siyang maramdaman kundi kaba.

Nginitian siya ni Mir upang kahit papano'y maiparating niya sa dalaga na magiging maayos lang ang lahat. Ilang linggo na nila itong pinlano. Hindi sila magkakamali. Hinding-hindi pwedeng magkamali.

Nagpasalamat na lang ang binata na dahil sa nangyaring kaguluhan kanina sa barko ay ipinadala ang karamihan sa mga kawal ng palasyo sa Rena upang hulihin ang posible pang mga rebelde na nandoon. Kaya ngayon, kaunti na lang ang kawal na nag-iikot sa palasyo.

Makakatakas na sila.

Sumiil ng halik si Camille sa mga labi ni Mir at maluha-luhang binulong, "Salamat sa pagligtas mo sa'kin."

Sa maraming bagay, isip ng dalaga. Niligtas mo ko sa maraming bagay.

Hinaplos ni Mir ang buhok niya. "Makakalaya na tayo. Sandali na lang, aalis na tayo rito, mahal ko."

Tumango si Camille at magkahawak kamay silang lumabas ng silid patungo sa tahimik na pasilyo. Binaybay nila ang nakakalito at pasikot-sikot na mga daanan papunta sa isang maliit na pintuan sa bandang likuran ng palasyo. Sa labas nito, sa pampang ay may isang maliit na bangkang naghihintay para sa kanila.

Pinihit ni Mir ang pintuan at binati sila ng malakas na hangin. Inakbayan niya si Camille papunta sa bangka.

Tinulungan niya ang dalagang makaupo at pagkatapos ay naupo na rin siya. Inabot niya ang sagwan sa sahig ngunit wala siyang nakapa.

"Anong problema?" tanong ni Camille.

"Kukunin ko yung sagwan, nakalimutan kong dalhin dito."

Umalis si Mir sa bangka at bumalik sa lupa. Sa tabi ng puno kung saan alam niyang iniwan niya ang sagwan, nagtaka siya nang makitang wala ito doon.

Nasa'n na yun?

"Ito ba ang hinahanap mo?"

Nang lingunin ni Mir ang boses ng lalaki, isang matigas na bagay ang pumalo sa kanyang ulo at nagdilim ang lahat.


☪⋆。˚┊˚✩ ┊

☪⋆。˚┊˚✩ ┊

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon