- 3 -

1.9K 60 19
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊


"Maaari na akong mamatay," iyon ang nasambit ni Brigitte sa pagkamangha pagka-apak namin sa pier ng Paraisla.

Di katulad ng pier sa Rena na maputik at mabuhangin, ang daungan dito ay gawa sa konkreto at pulang bato. Sa gilid, ay may mga bakal na barandilya at mga malalagong halamanan na pinaganda ng mga hardinero.

Tumingala ako sa daanan paakyat ng palasyo. Isa itong mataas na hagdanan na kinukumutan ng mga malalaking puno kung saan nakasabit ang mga makukulay na parol na gawa sa papel. Pagkatapos marating ang limampung baitang ay isang malaking fountain.

Pinigil ko ang kagustuhang ipadaan ang kamay ko sa tubig.

"Mga binibini." Humarap sa'min ang babaeng naka-pula na nagpakilala bilang Henrieta. "Maligayang pagdating sa Paraisla."

Nagpalakpakan kami, hindi maitago ang mga ngiti sa sarili.

"Ilang paalala bago tayo tuluyang pumasok sa palasyo. Una, kapag nasa presensya kayo ng sinumang opisyal o pamilya ng Hari, kailangang magbigay galang. Pinagbabawalan kayong hawakan at kausapin sila maliban na lang kung sila ang lumapit sa inyo. At hangga't hindi pa kayo opisyal na binibini ng palasyo ay mahigpit na pinagbabawalan ang anumang sikretong relasyon. Sinumang lumabag dito ay mapaparusahan ng kamatayan."

Tumahimik ang lahat.

"Pangalawa, mabibigyan kayo ng sarili niyong kwarto at lingkod. Bukod sa oras ng pagsasanay at importanteng mga pulong ay may kalayaan kayong gawin ang gusto ninyo maliban na lang kung ito ay makakagawa ng anumang kaguluhan. Mayroong mga lugar sa palasyo na pinagbabawalang puntahan; malalaman niyo iyan sa inyong mga lingkod."

Tumango-tango ang marami.

"At pangatlo, wala sa inyo ang pwedeng manakit sa kapwa niyong Napili. Ang mahuhuling gagawa nito ay magiging alila o mapaparusahan ng kamatayan-" napatingin ako sa mga Venaian "-depende sa ginawa niyo."

Bumalik ang masayang ngiti ni Henrieta. "Handa na ba kayong simulan ang bagong yugto sa inyong mga buhay?"

Mga halakhak at nasasabik na sigaw ang narinig mula sa mga dalaga. Kahit ako'y nahihirapang itago ang pagkasabik at kaba. Ginabayan kami ni Henrieta papasok sa palasyo kung saan nakaabang sa'min ang mahabang pulang karpet at linya ng mga babae't lalaking lingkod.

"Pakiramdam ko isa akong prinsesang dadaan," nakangiting bulong ni Brigitte.

Isa-isang naglakad ang mga dalaga sa karpet at sinamahan sila ng kanya-kanyang lingkod na una nilang madadaanan. Napahawak ako sa bibig ko.

Ibig sabihin. . . maaaring lalaki ang maging lingkod ko?!

Unti-unting kuma-kaunti ang mga babae sa harap namin ni Brigitte. Kinagat ko ang ibabang labi ko. Gusto kong babae ang mapunta sa'kin. Parang awa niyo na.

Lumakad na si Brigitte at sumama sa kanya ang isang babaeng lingkod na una niyang nadaanan.

Nang maglakad ako, isang lalaking lingkod ang naglakad kasama ko. Yung una ko ding nadaanan. Naku naman.

ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon