- xvi -

1K 33 5
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊



Ang alam ni Eyha, nabili siya ng isang duke. Ngunit bakit siya nandito sa kwarto ni Dukesa Caleid?

Binihisan siya ng isang magarang damit at hinainan ng masarap na pagkain ng mga lingkod kanina. Paumanhin na lang sa nagluto, ngunit wala siyang gana. Hindi niya man lang ginalaw ang pagkaing mabango sa kanyang plato.

Pilit niyang inaalala ang mga sinabi ni Iris sa kanya.

"Kahit anong mangyari, wag kang papayag na makuha ka nila."

At alam naman niya ang ibig sabihin ng kaibigan doon. Alam na alam niya.

Sa ilalim ng mesa, inikot-ikot niya ang pilak na singsing sa kanyang daliri. Ang lilang dyamante dito ang nagpapaalala sa kanya ng kanyang misyon.

Dito na ako mamamatay, isip niya. Mamamahalin na ba ako ni ama kapag nalaman niyang nagawa ko na ang misyon ko dito?

Sa isang sandali, nais niyang hubarin ang singsing na iyon at itapon. Kung tutuusin, hindi naman siya minahal ng kanyang ama. Iniwan sila nito ng kanyang ina sa Luna at nagpunta ng Rena para sa rebelyon.

Nung una'y hindi niya alam ang dahilan ng pag-alis ng ama ngunit nang magpasa siya ng aplikasyon para sa Pagkalap, sinabihan siya na dapat may tatak ang parehong buhay na magulang sa papel niya. Kaya lumuwas siya sa Rena at hinanap si Val.

At ito ang iniutos sa kanya:

"Pagpunta mo doon, kailangan mong hanapin ang dalagang si Iris. Panatilihin mo siyang ligtas anuman ang mangyari. Kapalit man nito ang iyong buhay."

At iyon ang bilin nito kasabay ng pagsusuot sa kanya ng singsing. Palatandaan na isa siya sa mga pyesa sa kanilang kilusan. Isang pyesa, at hindi anak.

Si Iris ang napili ng kilusan upang maging Reyna. Siya ang hihiranging Reyna kapag natapos na ang lahat.

At ako. . .

Pinilit niyang suyuin ang dukesa upang mailayo ang mga mata nito kay Iris. Upang hindi na nito pagbalakan pa ng masama at mapasakamay nito ang kaibigan.

Nagtagumpay na si Eyha sa kanyang misyon ngunit bakit. . .

Ayaw niya pang mamatay. Alam niyang mamamatay siya kapag hindi siya nakaalis sa puder ng dukesa. Pero paano? Paano ako tatakas?

Bumukas ang pinto at eleganteng pumasok ang Dukesa. Ayaw man ni Eyha ay nakaramdam siya ng takot.

"Kamusta, Eyha?" bati nito na parang magkaibigan sila. "Natapos mo na ba ang iyong pagkain?"

Nang mapatingin ito sa plato niyang puno pa, nagbago ang ngiti nito sa simangot. Nagkaroon ng lamig sa kanyang mga mata.

"Iwan niyo kami," utos nito sa mga lingkod.

Nagsilabasan sila at lalong tumindi ang takot ni Eyha.

ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon