- 4 -

1.8K 60 1
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊


Hindi na ako tiningnan ng Prinsipe simula kanina.

Kahit na kaunti akong nalungkot, naisip kong mas mabuti na iyon. Ayokong mapansin agad. Ayoko hangga't hindi ko nauunawaan ang banta sa likod ng mga sinabi ni ina.

Nagmasid na lang ako sa kainan. Lahat ng dalaga ay nakasuot ng magarbong mga kasuotan maliban sa'kin. Isang Hanaian, suot ay pulang bestidang abot hanggang sahig, mga dyamante ay nakapalibot sa kanyang mahabang palda at buhok.

Isang Lunaian naman ay nakasuot ng bestidang parang lambat, tulad ng ginagamit ng mga mangingisda sa kanyang isla. May mga perlas na pormang bulaklak sa kanyang nakataas na buhok.

Pero nangingibabaw sa lahat ang mga Venaian. Ang mga bestida nila ay talagang mapang-akit-- halos kita na ang mga dibdib. Ang iba'y labas ang tyan; ang isa pa ngang nakita ko ay may espasyo sa gitna ng dibdib hanggang pusod. Misyon ata nilang mapansin ng Hari o ng Prinsipe.

Ang Hari at Reyna ay nakakatuwang panuorin. Lagi silang nakangiti sa lahat at paminsan minsan ay bumubulong sa isa't-isa o kaya'y tatawa ng mahina. Napansin ko ding pula ang kanilang mga mata, ngunit maputlang klase ng pula. Ang kanilang pilak na buhok ay nagliliwanag sa ilalim ng engrandeng mga aranyas sa mataas na kisame.

At kahit ngayon, puno pa rin ako ng mangha sa bata nilang itsura kahit na mas matanda sila kesa sa kanilang anak.

At ang Prinsipe. . .

Seryoso itong nakatingin lamang sa kanyang plato, limot ang mga dalaga. Para bang may sarili itong mundo-- nakakunot ang kanyang mga kilay at parang hindi gusto ang kanyang kinakain.

Ano kayang problema niya? Masarap naman ang pagkain dito sa palasyo, ito na nga ata ang pinakamasarap na nakain ko sa buong buhay ko.

Bigla siyang napatingin sa akin. Kumurap ako sa gulat saka sabay kaming lumingon palayo. A-Ano yun?

Pangalawang beses na siyang tumingin sa'kin! Di ko maiwasang mamula.

"Mga binibini," anunsyo ng Hari kaya napalingon ang lahat ng mga mata. Nakatayo ito, hawak ang kanyang baso sa ere. "Malugod ko kayong binabati sa inyong Pagkalap! Samahan niyo ako."

At lahat kami ay tumayo at ginaya siya.

"Binabati ko kayo hindi lamang dahil napili kayo para sa selebrasyong ito kundi dahil may maganda akong balita," pagpapatuloy ng Hari. Wala na atang humihinga. "Ang Pagkalap sa taon na ito ay espesyal at importante para sa kaharian dahil ngayong taon, kokoranahan na ang ating Mahal na Prinsipeng Naven."

Bumuhos ang mga gulat na tanong at bulungan sa mga dalaga. Kokoranahan? Pero wala pang itinakdang asawa ang Prinsipe!

Samu't-saring reaksyon ang narinig sa buong silid hanggang tinaas ng Hari ang kanyang kamay. Nagsi-tahimik ang lahat.

"Ikinalulungkot namin na wala kaming mahanap na mabuting kandidata para sa Prinsipe mula sa aming angkan. Kaya naman. . . binibigyan namin ang isa sa inyo-" maraming nagtakip ng bibig sa gulat "-ng pagkakataong maging kanyang kabiyak."

ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon