☪⋆。˚┊˚✩ ┊
Haplos ko ang itim na kurbata ng Prinsipe habang inaalala ang mga nangyari kagabi. Napapangiti ako nang mag-isa. Ito ba ang tinatawag nilang 'kilig'? Naririnig ko lamang ito sa mga ka-isla ko noong nag-aaral pa ako pero ngayon. . .
Hinawakan ko ang aking mga labi at uminit ang buong mukha ko. Totoo ba ang mga nangyari o panaginip lamang ang lahat ng iyon? Hindi pa rin ako makapaniwala. Paanong bumaliktad ang aking mundo sa isang iglap?
Dinikit ko ang kurbata sa aking pisngi at ngumiti habang nakapikit. Kaygandang gabi. At pagkatapos niya akong halikan, nilagay niya ang mga kamay ko sa ibabaw ng kanyang puso.
Ramdam ko ang kanyang init, tagos sa kanyang damit.
"Pakinggan mo," sabi niya, isang kuntentong ngiti sa kanyang labi. Ramdam ko ang pintig ng kanyang puso. "Isang espesyal na musika para lamang sa'yo."
Para akong batang humagikgik. Ilang segundo pa'y nabalot kami ng kumportableng katahimikan.
". . . Ano nang kailangan kong gawin?" bulong ko.
Naramdaman ko na lang ang kamay ng Prinsipe na humaplos sa aking buhok. "Kailangan mo lang mabuhay." Nanatili ang mapagmahal kong titig sa kanya, tinatatak sa isip ko ang bawat minuto. "Kailangan mong mabuhay nang matagal upang maging Reyna."
Agad akong napakalas, gulat sa aking mga mata. "Reyna?"
Ngumiti siya at tumango, hinawi ang buhok na nakaharang sa mukha ko. Saka naglagay ng halik sa aking noo. "Oo, Iris. . ." Kinuha niya ang aking kamay at pinagitnaan ang mga daliri ko ng kanya. "Magagawa mo ba iyon?"
Hindi matutumbasan ang sayang naramdaman ko nung gabing iyon. Nakalimutan ko na nga ang tungkol sa mga pinagmamayabang ni Kahra.
Bago ako makatulog ay humalik siyang muli sa aking labi, at nag-iwan ng isang pangako: "Babalik ako."
Kailan kaya iyon?
Isinilid ko ang kurbata sa ilalim ng aking unan at nagtungo sa aking mesa upang sumulat ng liham para kina Ina. Ipinangako ni Naven na makakarating ito sa kanila kaya iyon ang tanging pumapawi sa aking lungkot sa nangyari kay Brigitte.
Sumisilip ang tanghaling araw sa aking bintana. Hay. Bumigat na ang pagsasanay ngayong halos kalahati na lamang kaming mga dalaga.
"Bibigyan kayo ng isang linggo upang pagplanuhan ang nalalapit na paga-anunsyo ng Prinsipe sa magiging Prinsesa," sabi ni Henrieta kanina sa bulwagan.
Sabik na tilian at sigawan ang narinig sa buong silid.
"Pipili na ang Prinsipe?"
"Sana ako ang mapili!"
"Wala nang tsansa, hindi ba't si Kahra na iyon?"
Tumingin ako sa naka-puting bestida na si Kahra na napakalawak ng ngiti. Akala mo'y suot na niya ang kanyang damit pangkasal. "Tama kayo. Kaya wag na kayong umasa para hindi na kayo masaktan pa."
BINABASA MO ANG
Paraisla
Mystery / Thriller𝓬𝓸𝓶𝓹𝓵𝓮𝓽𝓮𝓭 | Book #1 of Paraisla Trilogy ❧ - Magandang dilag, mag-ingat sa mga halimaw. - Si Iris ay isa sa 100 na dalagang Napili para sa taunang Pagkalap -- isang kompetisyon para maging isang binibini ng palasyo. Wala mang alam sa mun...