☪⋆。˚┊˚✩ ┊
"Napakaganda," masayang sabi ko pagkatapos akong ayusan ni Lax. Nakatayo siya sa aking likuran at may pagmamalaki sa kanyang ngiti.
Ang aking buhok ay nakaayos na parang isang nakabukang rosas. Nakapasok sa iba't-ibang bahagi ng buhok ko ang mga pins na may perlas at dyamante. Ang mga talukap ko'y kulay pula, gayundin naman ang aking labi.
At isang puting bestida ang napili ni Lax para sa'kin. Parang rosas din ang palda nito na abot hanggang sahig at may pulang laso sa paligid ng aking bewang. Pinaghalong perlas at dyamante ang palamuti sa aking takong, pati na sa alahas. Pula ang aking mga kuko.
Kumikinang ang lahat sa'kin at masasabi kong ito ang pinakamagandang ayos sa'kin ni Lax sa lahat.
Tumayo ako at kinuha ang dalawang kamay niya. "Napakagaling mo talaga!"
Gigil kong pinisil ang dalawa niyang pisngi, dahilan nang paglaki ng kanyang mga mata sa gulat. Humagikgik ako at umikot-ikot upang damhin ang palda ng aking mahabang bestida. Ang kinis nito sa aking balat at napakaganda.
"Wag kang masyadong gumalaw, masisira ang iyong ayos ng iyong buhok!" natatawang suway sa'kin ni Lax habang inaayos ang mga pins na lumuwag. Ngunit habang ginagawa niya iyon, nagkaroon na lamang ako ng kagustuhang yakapin siya.
At iyon nga ang sinunod ng katawan ko.
Pinalibot ko sa kanya ang aking mga braso at inakap siya nang mahigpit.
"Iris," bulong niya.
Pinikit ko ang aking mga mata. "Kapag naging Prinsesa na ako, gusto ko ikaw pa din ang maglingkod sa'kin." Kumalas ako at tiningnan ang kanyang mga asul na mata. "Ayos ba iyon sa'yo, Lax?"
Tumingin siya sa sahig, balik sa'kin, balik sa sahig. "H-Hindi ko alam, Iris. Baka-"
"Lax." Sinimangutan ko siya. "Ayaw mo na ba akong makita?"
Walang tugon.
"Ayaw mo na ba akong makasama?"
Malungkot niya akong tiningnan at nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang aking pisngi. "Syempre gusto." Inilapit niya ang mukha niya sa'kin. "Ngunit hindi sa paraang gusto mo."
"Huh?" Tumingin ako sa kanyang mga mata ngunit pinagsisihan iyon.
Hindi ako makahinga sa lapit ng kanyang mga labi sa'kin. Inilayo ko ang mga kamay ko sa kanya ngunit nahuli niya ang mga iyon at pinisil. Ibinulong niya ang aking pangalan at lumukso ang aking puso.
Nararamdaman ko nanaman.
Ang emosyon niyang nagpapakita tuwing magkalapit kami.
"Nararamdaman mo ba, Iris?" bulong nito, nakatingin sa mga kamay namin. "Hindi mo pa ba napapagtanto?"
"A-Anong. . . Anong sinasabi mo?" Napaparalisa ako. Hindi ko mahila ang sarili ko palayo.
Naglagay si Lax ng kamay sa ibabang parte ng aking likod at mabilis akong hinila palapit. Muntik na akong mapasigaw.
"Sasaktan ka lang niya," mahina nitong sabi. "Hindi ba maaaring ako na lang, Iris?"
BINABASA MO ANG
Paraisla
Mystery / Thriller𝓬𝓸𝓶𝓹𝓵𝓮𝓽𝓮𝓭 | Book #1 of Paraisla Trilogy ❧ - Magandang dilag, mag-ingat sa mga halimaw. - Si Iris ay isa sa 100 na dalagang Napili para sa taunang Pagkalap -- isang kompetisyon para maging isang binibini ng palasyo. Wala mang alam sa mun...