- xiv -

971 33 3
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊
  


Tiningnan niya ang mga kasamahang ngayo'y wala nang buhay sa sahig. Pagkatapos patayin ang kanyang katabi, alam na niyang siya na ang susunod na tatanungin.

Matagal na niyang tinanggal ang takot. Ngunit di niya akalaing kakainin din niya ang lahat ng mga salita niya ngayon.

"Aamin ka na ba?" tanong ng matabang babaeng nakaupo sa kanyang harapan.

Hindi siya sumagot.

Sana'y naging mas maingat siya nung araw na yun. Kung nag-ingat lamang siya at tumakbo nang mabilis, hindi na sana siya nahuli. Ipinagpalit niya ang pagiging panadero sa Rena upang maging rebelde.

Ngunit ngayon, malaki ang tsansang masasayang ang lahat ng kanyang sakripisyo.

Hindi niya maaaring ibunyag ang mga plano ng kilusan. Sumumpa siya sa kanyang kamatayan na hinding-hingi niya tatraydurin ang mga kapwa niya.

Nakatanggap siya ng malakas na suntok sa mukha mula sa isang kawal.

"Tatanungin ulit kita," bumuntong hininga ang babae. "Ano ang plano ng kilusan?"

"Patayin niyo na lang ako," sigaw ng lalaki. "Hinding hindi niyo 'ko mapapagsalita!"

Isang suntok muli sa kawal. "Gumalang ka sa dukesa!"

Ramdam na niya ang pamamaga ng kanyang pisngi mula sa pambubugbog na natamo niya simula kahapon. Mas mabuti na 'to. Mamamatay siyang tumupad sa kanyang sinumpaan.

"Binibining Caleid, tingin ko'y ilabas na natin ang alas," sabi ng isang matangkad na lalaki sa kanyang tabi. "Hindi siya magsasalita kung magpapatuloy ito."

Ngumiti naman ang babae sa rebelde at tumango-tango. Nagtaas siya ng dalawang daliri sa mga kawal at mula sa madilim na sulok, narinig ng lalaki ang iyak ng isang dalagang tila may busal sa bibig.

Tumama ang liwanag ng lampara sa mukha nito at nanlaki ang mga mata ng bihag.

Itinulak ng mga kawal ang dalaga sa harap ng lalaki at tinanggal ang busal dito.

"Yara!" iyak ng lalaki at pinilit na kumakawala sa pagkakagapos.

"Ama!" Lumuhod naman ang dalaga, nais na makalapit, ngunit bago pa niya magawa ay hinablot na ni Caleid ang kanyang buhok. Isang malaking patalim ang tinapat ng dukesa sa kanyang leeg.

"Pakawalan niyo siya! Wala siyang kasalanan dito," pagmamakaawa ng lalaki.

"Alam ko," kalkulado ang ngiti ng dukesa. "Pero ang parusa sa mga rebelde ay parusa rin sa mga kaanak nito. Wag kang mag-alala, wala na ang asawa mo upang pagalitan ka--"

"Anong ginawa niyo kay Melina!?" Takot ang nangibabaw sa kanyang boses.

"Sabihin na lang nating. . . hindi na niya makikita pa ang kahangalang iyong ginawa." Hinigit niya ang buhok ni Yara at diniinan ang kutsilyo sa kanyang balat. Nagsimula na itong magdugo. "Sayang naman ang ganda ng anak mo kung dito na siya mamamatay--" Tumingin siya sa lalaki. "--Ngayon, magsalita ka na bago ko patayin ang iyong anak."

"Oo na," sigaw ng lalaki, pabalik-balik ang tingin sa dukesa at anak. "Oo na. P-Parang awa mo na. Pakawalan mo na ang anak ko."

"Tingnan natin kung gaano karami ang iyong alam," simpleng sagot ng dukesa.

At nagsimulang ibunyag ng lalaki ang mga nalalaman niya. Hindi siya mataas na pinuno sa kilusan kaya't kakaunti lamang ang mahahalagang alam niya. Ngunit may isang impormasyon siyang ibinigay na tiyak na makakasira sa lahat ng plano ng kilusan.

"Ano kamo?" tanong ni Caleid.

"Sasalakay sila sa palasyo. . ." Lumunok ang lalaki. Gagawin niya ang lahat para lang mailigtas si Yara. Kahit anong mangyari. ". . . sa araw ng Pista ng Mga Prinsesa."

Isang linggo mula ngayon, isip ni Caleid.

Kung ganon, dapat nang madaliin ang Pagkalap. Kailangan na niyang magpalakas upang mapaghandaan ang pagsugod ng mga rebelde.

. . . At sa pag-agaw ng trono.

Binitawan ni Caleid ang buhok ni Yara at binawi ang patalim sa leeg nito. Nakahinga nang maluwag ang lalaki at ang anak nito. "Salamat sa tulong mo."

Tumalikod ito, at sa sandaling iyon, naisip ng lalaki na aalis na ang dukesa.

Ngunit binunot nito ang mahabang espada mula sa kanyang kasama at iwinasiwas ito sa ulo ng kanyang anak.

Bago siya makasigaw ay nilaslas na rin ang kanyang leeg.

"Barkins," sabi ng dukesa na nagpapahid ng dugo mula sa kanyang pisngi.

"Ano iyon, dukesa?"

"Tawagin mo si Henrieta. Magkakaroon ng auction bukas ng gabi," utos nito saka dinilaan ang dugo mula sa mga daliri niya. "Dumating na ang oras. . ."

Isang ngiti ang gumapang sa kanyang bibig.

". . . Malapit na ang pag-aaklas."


☪⋆。˚┊˚✩ ┊

☪⋆。˚┊˚✩ ┊

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon