- xii -

1K 42 3
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊


Dumating ang kalapating hinihintay niya.

Sa kanyang likuran, naghihintay at nakaupo sa sahig ang iba pa niyang mga kasamahan. Naghihintay sa anumang balita na galing sa Paraisla. Sa munting tambakan na iyon nakatago ang daan-daang kahoy na kahon ng mga sandatang kinuha nila sa Barkong Hanaian.

"Pinunong Val," sabi ng isa niyang kasamahan. "Anong balita?"

Kinuha ni Val ang papel sa kawayang lalagyanan at binasa iyon. Isang ngiti ang gumuhit sa kanyang matandang mukha.

Hinimas niya ang kanyang balbas at ngumisi. Tamang-tama.

Makakahanap sila ng oportunidad na maiparating mismo sa Hari't Reyna ang kanilang babala.

Humarap siya sa kanyang mga kasamahan, ang kanilang mga tuwid na mukha'y naiilawan ng mga sininding sulo.

Apatnapung taon man ang tanda niya'y ginagalang siya ng lahat dahil isa siya sa mga pinuno ng rebelyon. Siya ang pinuno ng rebelyon na nakatalaga sa Isla ng Rena.

"Bukas ng hapon, maglalayag ang barko ng palasyo upang iparada ang napiling Prinsesa ng Prinsipe," anunsyo niya sa kanyang malalim at makapal na boses.

Naghiyawan naman ang mga kasamahan niya, sabik sa magaganap na pagkilos kinabukasan. Nagtaas ang lalaki ng kamay at tumahimik ang lahat.

"Ito ang tsansa natin," saad niya. "Asintahin ang mga dalagang Napili. Alam niyo kung gaano kahalaga sa kanila ang mga dalagang iyon."

Walang nagreklamo sa huling sinabi. Paano kung anak ko ang isa sa mga iyon, isip ng iba. Pero walang naghayag ng saloobin sa takot sa kanilang pinuno.

Isa pa, ang tagumpay ng kilusan ang mas importante.

"Malamang ay ilalabas nila ang Prinsipe pati na ang Prinsesa. Subukan niyong patayin ang Prinsesa." Nagyukom ito ng palad. "Marahil, meron sa atin ang madadakip bukas. Meron ding maaaring mamatay."

Mga nag-aalab na puso at determinadong mga tingin.

"Ngunit maging tapat kayo sa sinumpaang pangako natin sa kilusan! Pababagsakin natin ang kaharian. Wawasakin natin ang bawat isa sa kanila hanggang ang ang dagat ay maging pula!"

Napuno ang tambakan ng sigaw ng mga animo'y mandirigmang papunta sa gyera.

"Tagumpay sa Pagsupil!"

"Tagumpay sa Pagsupil!" ulit ng kanyang mga kasamahan.

At naghiyawan ang mga ito habang sinusunog ng lalaki ang mensahe gamit ng sulo.

Nilapitan siya ng isang babaeng edad labinlima, maikli ang buhok at tahi-tahi ang damit. Nakatakip ang kaliwang mata nito ng katad na panakip. Mukha itong nag-aalala.

"Pinunong Val," tanong nito. "May balita ba kayo kay Kuya? Maayos ba siya?"

"Oo, Cixi. Maayos lang ang Kuya mo." Naglagay ang lalaki ng kamay sa balikat ng dalaga. "Maaari mo bang puntahan si Astrid at ibalita sa kanya ang kararating lang na mensahe?"

Tumango ang dalagita at agad na umalis ng tambakan. Pinagmasdan niya ito.

Maagang naulila si Cixi at ang kanyang kuya. Ibinenta ang kanyang kuya sa Paraisla upang maging alila at naiwan si Cixi sa kanyang magnanakaw na ama. Ngunit di rin nagtagal, pumanaw ang tatay nito kaya napunta kay Val ang pangangalaga sa dalagita.

Hangga't nakatayo ang palasyong iyon sa isla ng Paraiso. . .

Hangga't buhay pa ang mga halimaw na nakatira doon. . .

"Ikaw na ang bahala kay Cixi," sabi sa kanya ng ama nito. "At ipangako mo sa'kin, Val. Ipangako mong kukunin mo mula sa palasyo ang anak ko."

Tumingin siya sa labas ng bintana, sa madilim na gabi, sa nagliliwanag na palasyo sa malayong isla.

Konting panahon na lang Lax.

Malapit na tayong magtagumpay.


    

☪⋆。˚┊˚✩ ┊


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon