- 5 -

1.7K 49 0
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊



Sa Rena, bihira lamang magkaroon ng piging.

Nagkakaroon lamang nito kapag Pista ng mga Prinsesa -- ang pinakamalaking selebrasyong ipinagdiriwang sa lahat ng mga isla upang magbigay pugay sa anim na prinsesang pinanggalingan ng pangalan ng mga ito.

Doon lamang kami nakakapagluto ng minatamis at nakakapag-ihaw ng baboy na paghahatian ng magkakapitbahay dahil bagsak presyo ang lahat ng bilihin sa panahong iyon.

Si Ninette ang pinakamasaya tuwing ginaganap ito. May rason na kasi siyang suotin ang pinakamagaganda niyang mga damit at ornamento sa buhok. Magpapalagay siya sa'kin ng kolorete sa mukha at papasyal kami malapit sa pier, inaabangan ang mga paputok sa langit na galing sa Paraisla.

Masaya ang lahat sa Rena tuwing may piging dahil makakakain ng sapat ang mga batang nagugutom, mga matatandang iniwan sa lansangan at mga pamilyang salat.

Ngayon, mukhang araw-araw na ang piging sa buhay ko.

Tumingin ako sa engrandeng handaan at di ko maiwasang maisip na ang salaping ginagastos dito ay meron pa sanang mas mahalagang mapupuntahan. Mapapakain na nito ang lahat ng mga tao sa Rena.

Ang mga suot naming mga dalaga ay wala pang kinumpara sa suot ng mga dukesa. May isa pa ngang brilyantes na ang mismong tela ng kanyang damit! Dahil sa suot ko, pakiramdam ko'y wala ako sa lugar sa gitna ng mga taong ito.

"Awitan mo naman ako!"

Narinig kong sabi ng isang lasing na duke habang nakapulupot ang mga braso sa bewang ng isang dalaga.

"Sayang ang talento ng Lunaiang tulad mo. Sige na!"

Ngumiti nang maalindog ang babae at dumikit pa lalo sa dibdib ng matandang duke. Saka humalakhak at umawit. Pulang-pula na ang mukha ng duke sa alak at kung saan-saan na dumadapo ang kamay nito sa katawan ng babae. Hindi naman ito pansin ng dalaga, bagkus nasisiyahan pa nga ata ito.

Nilayo ko ang tingin sa pandiriri.

Nakatayo ako sa gilid ng bulwagan, isip-isip pa rin ang mga nalaman kanina.

"Kapag ayaw mo na sa palasyo, wag kang mag-aatubiling bumalik sa amin ha!"

Hindi na ako makakauwi, Ninette. Kahit nais ko. Kung ito ang magdadala sa inyo ng magandang buhay, titiisin ko ang lahat. . .

Ngunit may sumagi sa aking isip.

"Tandaan mo lahat ng sinabi ko, anak. Wag kang makakalimot. Isang buwan. Hintayin mo ako."

Hanggang ngayon, wala pa rin akong ideya kung ano ang kahulugan nun ngunit-- Isang buwan. Hihintayin kita, Ina.

Halos lahat na ng mga dalaga ay nakahanap ng kanya-kanyang paglilingkurang duke o dukesa.

Pakikisama, naisip ko. Pakikisama lang ang kailangan naming matutunan dito ngunit ang iba'y halos maghubad na sa harap ng kanilang kausap. Ngayon lang nagiging makatotohanan sa'kin ang mundong pinasok ko.

ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon