☪⋆。˚┊˚✩ ┊
Nagising ako nang biglaan.
Para akong hinugot pabalik sa mundong ito, malayo sa aking panaginip. Muntik na akong magalit. Sana'y hindi na lang ako nagising. Sana'y hindi na ako nakabalik sa realidad na ito.
Mataas na ang araw sa labas ng bintana.
Tingin ko'y Lunes ngayon. Nagtataka lang akong tahimik ang buong palasyo ngayon. O sa tingin ko lang.
"Gising ka na."
Agad akong nag-angat ng tingin at nakita ko si Lax na palabas ng aking banyo.
May bitbit siyang palanggana at maliit na twalyang may bahid ng dugo. Saka ko napagtantong naka-kumot ako sa kama, ang mga kamay ko'y nagamot na at nakabalot. Malinis at maayos na rin ang buong kwarto ko, burado ang kahit anong sinyales ng pagwawala ko kahapon.
"Nais mo na bang kumain?" tanong niya na parang walang problema.
"Anong ginagawa mo rito?" Lumabas iyon ng marahas kesa sa gusto ko.
Yumuko lamang siya at nilapag ang palanggana sa mesa. ". . . Kukuha lang ako ng pagkain." At lumabas siya sa silid.
Ilang minuto akong napatulala sa sahig, inaalala ang pakiramdam ng mga bubog sa aking palad. Saka pumasok sa isip ko ang mga hindi ko na dapat maalala.
Ang mga labi ni Lax sa akin. Ang alat ng luha at tamis ng koneksyon. Parehong lasa ng lungkot at sakit, ng pagkakadiskubre at pagkalito.
Hinilot ko ang aking ulong sumasakit. Tila uminom ako ng sampung baso ng alak.
Nang makabalik si Lax, nilagay niya ang tray sa harap ko-- mainit na sopas at walang buto na karne ng manok, gulay at kanin-- habang hawak naman niya ang tubig at isang tabletas ng gamot.
"Inumin mo 'to," sabi niya. "Pampawala ng sakit ng ulo."
Nais ko siyang palayuin pero sinunod ko na lamang siya. Nilagok ko ang tubig.
"Kumain ka na. Masamang magpalipas ng gutom."
Tahimik niyang iniabot sa'kin ang kubyertos ngunit hindi ko iyon kinuha.
Ngumiti siya. "Ako na lang ang magpapakain sa'yo. . ."
Kumuha siya ng kanin at ulam gamit ng kutsara. Sinamaan ko siya ng tingin. "Hindi na ako bata, Lax."
"Pero kailangan mong kumain," sagot niya.
"Ayoko. Wala akong gana."
"Hindi ka na kumain kagabi. Eto oh." Tinapat niya ang kutsara sa bibig ko.
"Sabing wala akong gana eh!" Tinabig ko ang kamay niya at tumilapon ang kutsara sa sahig.
Natahimik kami. Hindi nagsalita si Lax at tinitigan ko lang siya, mga luha ko'y tumutulo.
"Sana mamatay na lang ako," bulong ko.
BINABASA MO ANG
Paraisla
Mystery / Thriller𝓬𝓸𝓶𝓹𝓵𝓮𝓽𝓮𝓭 | Book #1 of Paraisla Trilogy ❧ - Magandang dilag, mag-ingat sa mga halimaw. - Si Iris ay isa sa 100 na dalagang Napili para sa taunang Pagkalap -- isang kompetisyon para maging isang binibini ng palasyo. Wala mang alam sa mun...