☪⋆。˚┊˚✩ ┊
Nahihibang na ako.
Tama. Iyon lang naman ang nakikita kong dahilan kung bakit nandito ako sa lagusan patungo ng silid ni Naven sa disoras ng gabi.
Niyukom ko ang palad.
O baka dahil sa. . . Naisip ko ang mga nalaman at nakita ko kahapon.
Ang kasal at koronasyon.
Ang halik ni Kahra at Naven.
Gusto kong magwala at hambalusin ang lahat ng upuan sa bulwagang iyon. Nais kong sugurin ang dalawa at paghiwalayin. Nais kong sigawan si Kahra: Akin siya. Ngunit wala na nga pala akong karapatang gawin iyon.
Nawala ko na iyon magmula nang tawagin ko si Naven na halimaw.
Ngunit sa kabila ng inis ko, narito pa rin ako sa tapat ng kwarto niya. Nagbabakasakaling lalabas siya at yayakapin ako na parang walang nangyaring gusot sa amin. Hindi ko na matiis. Dapat nga'y matutulog na ako ngunit bumangon ako dahil hindi ko na masikmura ang nangyayari sa amin ni Naven.
Malayo sa isa't-isa.
Na para bang may mataas at makapal na dingding sa pagitan namin. Hindi ko na maatim na iwasan niya ako, na daan-daanan lamang niya ako na hindi tumitingin, na hindi makatiis sa iisang silid kung nandoon ako.
Hindi ko na kayang hindi marinig ang boses niya, ang tawa niya. Hinahanap ko ang ngiti niya at ang yakap niya at ang lahat lahat.
Tatlong mahinang katok sa puting pintuan.
Binawi ko ang aking kamay at inipit iyon sa aking dibdib na parang napaso ako. Iniisip kong pagsisisihan ko marahil ang pagkatok ko.
At mukhang tama nga ang aking naisip. Walang sumasagot; ni walang tunog na naririnig mula sa loob. Kinagat ko ang aking labi.
Hindi kaya tulog na siya?
"Sabi ko nga. . ." Mapait akong ngumiti. "Patawad, Naven."
Kukumbinsihin ko na lang ang sarili kong tulog na siya. Tama.
Ginulo ko ang aking buhok at nagsimula nang maglakad palayo nang marinig ko ang uwang ng pinto. Agad akong napalingon. Mga pulang mata ang bumati sa'kin. . . Nag-iiwas, natatakot, nag-aalangan.
"Na--"
Hindi siya nagsalita, basta iniwan na lang niyang bukas ang pinto tungo sa kanyang madilim na kwarto. Lumunok ako, puso'y kinakabahan, saka dahan-dahang pumasok at isinara ang pinto sa aking likod.
Hingang malalim, Iris. Alalahanin mo kung bakit ka nagpunta dito.
Nakaupo si Naven sa kanyang kama, nakayuko ang ulo at nakapatong ang mga braso sa hita. Tanging buwan lamang ang liwanag sa silid at ipinapakita nito ang blankong mukha ng Prinsipe. Nakatitig siya sa sahig, malayo ang isip.
BINABASA MO ANG
Paraisla
Mystery / Thriller𝓬𝓸𝓶𝓹𝓵𝓮𝓽𝓮𝓭 | Book #1 of Paraisla Trilogy ❧ - Magandang dilag, mag-ingat sa mga halimaw. - Si Iris ay isa sa 100 na dalagang Napili para sa taunang Pagkalap -- isang kompetisyon para maging isang binibini ng palasyo. Wala mang alam sa mun...