- x -

1.1K 43 1
                                    



☪⋆。˚┊˚✩ ┊


Pasado alas nueve na nang lumabas si Naven sa kwarto ni Iris, isang kontentong ngiti sa kanyang mukha. Matagal silang nag-usap habang hawak niya ang kamay ng dalaga. Ang mga pangarap nito, ang pamilya nito, ang kanyang isla.

"Maaari ba akong sumulat sa aking Ina?" tanong ni Iris.

"Ipagpatawad mo ngunit hindi maaari. . ."

Nalungkot ang mukha ng binibini, at tila ba pinipisil din ang puso ni Naven. Gagawin niya ang lahat, mapangiti lamang ito. "Ngunit gagawa ako ng paraan."

Ang lilang mga mata ni Iris ay tumitig sa kanya. "Naven. . . Totoo?"

"Mm," ngiti ng binata pabalik at humalik sa kamay niya. "Lahat para sa'yo."

Lahat. . . Para sa'yo.

Hinintay niya munang makatulog ang dalaga bago niya inilayo ang sarili. Hindi niya gustong umalis ngunit kailangan. Maya-maya'y malalaman ng mga bantay niyang wala siya sa kwarto at hahanapin siya ng mga ito. Hindi magandang makita siya sa kwarto ng isang Napili.

Ang dalagang iyon, isip isip niya habang naglalakad, nakangiting mag-isa. May kakaiba sa kanya; tila isang napakasarap na panamis.

Simula pa lang ay nakuha na niya ang atensyon ng prinsipe. Hindi naman siya interesado sa pag-aasawa noong sinabi sa kanya ng Hari't Reyna na papayagan niyo ang isang Prinsesang taga-labas.

Hindi. Wala siyang pakialam noon sa kahit ano-- babae o kapangyarihan. Hindi iyon ang nais niya.

Ngunit itong babaeng may kahel na buhok at lilang mga mata ay dumating, sumagot-sagot sa kanya upang ipagtanggol ang Rena. Hindi inisip kung magagalit niya ang prinsipe. Nakaramdam si Naven ng pagkasabik; masasabi ngang isa itong bagong pakiramdam-- ang makakilala ng isang taong mas nais maging totoo kaysa gawin ang lahat upang sumipsip sa kanya.

At. . . merong kakaibang amoy sa kanya na napakabango. Siguro'y ito ang dahilan kaya palaging lumalapit ang mga uhaw na baron tulad ni Barkins sa kanya. Naaamoy nila ang naaamoy ko.

Pero hindi niya magagawa iyon kay Iris. Hindi niya kayang saktan si Iris. Nagyukom si Naven ng palad. 

Mas madali sana ang lahat kung nais ko lang ang kanyang katawan. 

Ngunit hindi, tinatangi ko siya.

Si Iris lamang ang makakatawag sa kanya sa kanyang pangalan. Ito lang ang nakakapagpatibok ng puso niya nang ganun kabilis. Sa piling lang nito niya natutunang mahalin ang ideya na 'mabuhay'.

Naalala niya ang sakit sa mukha ni Iris nang makita nitong kasama niya si Kahra. Ang gulat at lungkot nito.

Iris, napakaganda mo nung umagang iyon. Sana'y ikaw na lang ang hawak ko sa aking braso, ngunit patawad kung hindi iyon maaari.

Kung maaari lamang na ibuhos niya ang lahat ng pagmamahal niya sa Renaiang iyon. Poprotektahan niya ito mula sa sinuman. . . maging sa sarili niya.

Pagliko niya sa tahimik na pasilyo ng ikatlong palapag, nakita niya ang isang pigura sa dilim. Naghihintay ito habang nakasandal sa isang malaking poste.

"Tapos ka na?" tanong ni Lax. Halata ang galit-- hindi, selos?-- sa kanyang boses.

"Pasensya na at naghintay ka," sagot ng Prinsipe. Hinawakan niya ang kanyang kurbata ngunit nalamang wala ito sa kanyang dibdib. "Ah, naiwan ko ang kurbata ko sa kanyang kwarto. Maaari mo bang ibalik iyon sa'kin bukas?"

Naglakad si Lax palapit sa kanya. "Masusunod."

Susunugin ko iyon at hindi mo na iyon makukuhang muli, isip ng lingkod.

Nilagpasan niya ang Prinsipe, pinipilit hindi pansinin ang tensyon sa hangin. Sa gitna ng rebelyon, batid nilang dalawa na walang oras makipagkompetisyon sa puso ng babaeng pareho nilang tinatangi. 

Ngumisi lamang si Naven nang malungkot at saka sinabing, "Wag kang mag-alala, Lax. Pagkatapos ng lahat ng ito, hindi mo na ako magiging kaagaw."

Napatigil si Lax sa paglalakad ngunit hindi siya humarap.

"Nais ko lang naman maramdaman kung paano nga ba sumaya," malungkot na sabi ni Naven. "Kung paano umibig ng buo sa isang tao."

"Bakit hindi mo na lang gawin iyon kay Kahra?" iritadong sagot ni Lax.

Umiling si Naven. "Kay Kahra? Alam mo namang isa lamang siyang pyesa sa lahat ng ito, hindi ba?"

"Mabuti, alam mo pa ang mga plano. Sundin mo na lang ang mga iyon," sagot sa kanya ng lingkod. "Ayokong pangakuan mo si Iris ng isang hinaharap kasama mo na hindi naman matutupad. Hindi ko hahayaang masaktan mo lang siya sa huli."

Ako dapat ang magpangako sa kanya nun, isip ni Lax.

At nawala na siya.

Naiwan ang Prinsipeng nakatayo sa gitna ng malawak na pasilyo sa gitna ng dilim. Tumingala siya sa mga bintana sa taas. Naaninag ng buwan ang mga luhang tumutulo sa kanyang pisngi.

Isa akong halimaw, isip niya. Wala akong karapatang maging normal at umibig nang malaya. Alam ko 'yon. Buong buhay ko'y alam ko 'yon ngunit. . .

Inalala niya ang ngiti ni Iris. Ang ngiti nito na para lamang sa kanya. . .

Sinuway niya ang sarili. Hindi na dapat siya maghangad ng higit pa doon. Sapat na iyon. Sapat na.

Magmula nang ipanganak ako, wala na akong karapatang maging normal. Isa lang ang misyon ko: Ang maitama ang pagkakamali ng lahi ko.

Naglakad na siya papunta sa lihim na lagusan pabalik ng kanyang silid.


☪⋆。˚┊˚✩ ┊

☪⋆。˚┊˚✩ ┊

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
ParaislaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon