Chapter 59

101 0 0
                                        

Nagising ako na wala akong katabi. Mag-isa na lang ako sa kama at hindi ko alam kung paano ako nakarating dito. Ang alam ko sa sofa ako pinatulog ni Yhael.

Bahagyang may kumatok sa labas ng kwarto ko. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan at sinilip kung gising na ba ako. Nilakihan niya ang bukas sa pinto nang makita niyang kakagising ko lang.

May dala siyang tray ng pagkain. Dumaretso siya sa akin at nilapag sa side table ang kaniyang dala. "N-Nasaan sina Ate?" Tanong ko kaagad.

"Wala bang good morning muna?" Natatawa niyang tanong. "Good morning, ganda." Sinabi niya bago ako patakan ng halik sa noo.

Nakakunot ang aking noo nang humiwalay siya. "S-Si Ate?" Tanong ko ulit.

"Maaga silang umalis. Sumabay na rin ang Kuya mo syaka ang mga kaibigan natin." Sagot niya.

Kinuha naman niya ang pagkain sa tray at hinalo iyon upang lumamig. "T-Tayong dalawa lang... d-dito?" Tanong ko ulit.

Tumango naman siya. Bakit parang ayos lang sa kaniya na kaming dalawa rito?

"Wala namang kaso sa akin iyon. Mas pabor ito para maaalagaan kita." Kibit balikat niyang turan.

"B-Baka mapagod k-ka sa'kin." Mabagal kong sinabi.

Kumunot ang kaniyang noo at tinanggal ang titig sa kaniyang hinahalo. "Mapagod? Hindi 'yan mangyayari."

"N-Nakakapagod kaya a-akong alagaan." Nanubig ang mga mata ko.

Totoo naman kasi. Wala akong maitutulong sa gawaing bahay tapos ito pa ako... paralisa. Kailangan pang alalayan sa lahat ng gagawin. Maski kumain nga mag-isa ay hindi ko kaya.

"Sino nagsabing nakakapagod kang alagaan?" Seryoso niyang tanong. Medyo natakot ako sa kaniyang tono dahil parang mananakit siya.

"G-Galit ka?" Natatakot kong tanong. Umiling naman siya at umiwas ng tingin. "Galit ka." Deklara ko.

Bumuntong hininga siya bago bumaling ulit sa akin. "Hindi nakakapagod mag-alaga kung... mahal ko naman ang aalagaan ko."

"M-Mahal mo'ko?"

"Mahal na mahal." Seryoso niyang sagot. Hindi tinatanggal ang titig niya sa akin.

Umiwas ako nang tingin dahil sa pagkailang. "Kumain ka na. Mamaya mag-eexercise tayo."

"Ayoko."

"Lah."

"M-Masakit 'yon."

"Gusto mo bang habang buhay kang nakahiga at kailangan ng wheelchair para makalabas ng bahay?" Tanong niya. Umiling naman kaagad ako. "'Yun naman pala."

"Mamaya, pagkatapos mong kumain maglalakad tayo."

"Ha?"

"Anong ha? Aalayan naman kitang maglakad." Sinabi niya.

"B-Baka bigla a-akong mawalan ng balanse." Sambit ko.

"Hindi naman ako poste para hindi gumalaw." Aniya.

Tumango na lang ako. Nagkasundo kami sa kaniyang plano. Pagkatapos niya akong pakainin ay hinugasan niya ang pinagkainan ko habang nasa labas ako at nagpapaaraw.

Pagkatapos niyang maglinis sa loob ay binalikan niya ako. May pawis na siya ang aga-aga pa lang.

"Tapos na ako sa loob. Mag—" Naputol ang kaniyang sasabihin nang maramdaman niyang hinila ko ang laylayan ng kaniyang damit.

Bumaling siya roon. Lumuhod siya sa aking harapan bago ako nginitian. "Ano 'yon? May gusto ka ba?" Tanong niya.

Kinuha ko ang panyo sa aking bulsa at dahan-dahang dinampi iyon sa gilid ng kaniyang noo na marami ng pawis ngayon.

Forbidden Relationship (Forbidden Series #3) (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon