Chapter 8

469K 11.3K 2.5K
                                    

Chapter 8


"KANINA ka pa?" Humiwalay ako sa mga kaibigan ko nang makita ko ang sasakyan ni Cloud sa tapat ng kalsada ng university.


Isa ito sa maraming sasakyan niya na pinilit ko talagang makabisado ang itsura. Mahirap kasi talagang maging celebrity, dapat iba-iba ang gamit na sasakyan para di makilala ng madla at mapagkaguluhan.


Pumasok agad ako sa passenger seat at saka humalik sa pisngi niya.


"Hindi naman. Kumain ka na?" Nakangiting tanong niya.


"Hindi pa," amin ko habang ikinakabit ang seatbelt sa katawan. Nilingon ko siya at nginitian.


Dapat talaga sabihin ko na di pa ako kumakain, malamang kasi magugutom ako mamaya sa gagawin namin.


Ilang buwan na kaming ganito ni Cloud. Matapos ang nangyari sa amin matapos namin manggaling sa Cebu ay nakasanayan na namin na nagkikita kami.


Kahit pa may klase na ako ay di pa rin hadlang iyon kapag gusto kong pumunta sa kanya. Isang text lang ay dumarating na siya para sunduin ako hanggang sa naging routine na namin iyon.


Ini-start niya ang makina at saka pinaandar ang sasakyan palayo sa school ko.


Sumandal ako sa sandalan ng passenger seat at saka huminga nang malalim. Akala ko ay hindi niya ako susunduin ngayon, wala kasing natanggap na text sa kanya kanina. 'Buti na lang pala ay di ko pinaunlakan ang anyaya sakin nina Grace na mag-merienda muna sa McDo.


Sinulyapan ko si Cloud na abala sa pagma-maneho.


Nasa kalsada na nakatutok ang buong atensyon niya habang relax na relax siyang nagma-maneho. Ang isang kamay niya ay nasa manibela at ang isa ay nasa hita ko.


Napangiti ako habang dinadama ang init na nagmumula sa palad niya. Ganito siya tuwing nagma-maneho. Kung hindi nakaakbay sa akin ang isa niyang braso ay nakapatong naman sa isang hita ko ang isang kamay niya. Iyong parang natatakot siya na bigla akong mawala sa tabi niya.


Pinagmasdan ko siya mula sa peripheral vision ko. Kumikinang ang tatlong singsing na kulay itim at may halong pilak at ginto sa mga daliri niya sa kamay niyang nasa manibela.


Sa itsura niya ay mukhang galing siya sa kung saan photo shoot. Pormang-porma siya sa suot niyang kulay abong T-shirt na pinatungan ng itim na jacket. Sa leeg niya ay may simpleng itim na kuwintas na parang tali lang kung iyong pakati-titigan.


Ang lahat kay Cloud Deogracia ay gustong-gusto ko. Kahit ano pa ang kanyang suutin o ilagay sa katawan niya ay gustong-gusto ko.


Hindi ko na natiis na wag siyang lingunin. Ang mga labi niyang likas na mapupula ay nakatikom. Ang matangos niyang ilong ay may maliit na silver earing sa gilid, may hikaw rin ang tainga niya na itim na maliit na krus. Hindi nakabawas iyon sa pagka-simpatiko niya sa halip ay nakadagdag iyon sa malakas niyang dating.

Knight in Shining AbsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon