Matagal bago ko nakuha ang tulog ko.
Ang sakit isipin na makalipas ang ilang taon, hindi pa rin kayang kumawala ni Mama sa isang bawal na relasyon.
Hindi ba sapat ang pagmamahalan nila ni Papa noon?
Ilang beses kong tinanong ang sarili ko kung saan nagkulang si Papa kay Mama noon. Nakikita ko naman kung gaano kamahal ni Papa si Mama.
Pero bakit ganun ang buhay? Bakit napaka-unfair ng buhay?
Nagising ako dahil sa ingay na narinig ko sa baba. Boses iyon ni Mama!
Sumisigaw siya!
Napatakbo ako agad ako pababa.
"Caden Spencer Arnaiz!" Narinig kong sigaw ni Mama kay Caden. Alam mong galit na si Mama kapag tinatawag niya kami sa buong pangalan namin.
Nakita kong sumusuka si Caden sa may lababo. Umiinom si Caden at medyo mataas ang alcohol tolerance niya pero paniguradong sobrang naparami sila kagabi.
Lagot talaga saakin si Vince!
"Wow, Arnaiz." Nakita kong ngumuwi si Caden kay Mama. Lumapit ako sakanilang dalawa.
Hindi ko alam kung ano ang pinagtatalunan nila pero may ideya na ako.
Hinagod ko ang likod ni Caden. Baka sakaling guminhawa ang kanyang pakiramdam.
Hindi na umimik si Mama. Pumunta na lamang siya sa labas ng bahay.
"Naparami ang inom mo," sabi ko.
Ngumiti siya saakin ng hilaw.
"Okay lang ako," aniya. Alam kong hindi dapat ako maniwala pero tumango na lamang ako.
Umakyat din siya agad sa kanyang kwarto. Siguro ay magpapahinga at matutulog na lamang siya para mawala ang sakit ng ulo niya.
Wala na rin si Mama sa labas ng bahay. Wala ang kanyang sasakyan. Siguro ay pumunta siya sa kanyang pwesto.
Ngumuwi ako.
Umakyat na ako sa kwarto ko. Humiga ulit sa aking kama.
From: Sir Byron
Good morning, Scarlette. Ready for later?
Bigla akong napaupo ng tuwid mula sa pagkakahiga ko. Oo nga pala! Nakalimutan kong may pupuntahan kami ni Sir Byron ngayon!
Bago ako tumakbo sa aking banyo ay may panibagong mensahe muli galing kay Sir Byron.
From: Sir Byron
I'm on my way.
Napamura ako ng ilang beses.
Binilisan kong maligo at nagpalit ako agad. Hindi ko na mamalayan kung ilang minuto lang ay handa na ako.
Ginawa ko lahat ng mga routine ko sa umaga pero lahat ay parang hindi sapat dahil sa pagmamadali ko.
Tinignan ko ang aking cellphone kung saan may tatlong mensahe galing kay Sir Byron.
Are u awake or still sleeping?
Baka ay akala niya ay tulog pa ako dahil hindi ako nakapagreply.
Almost there.
At ang huli ay....
Dito na ako sa labas ng bahay niyo.
Napamura ulit ako at ngayon ay naparami na.
Tinakbo ko pababa ang distansya ng aking kwarto at ng pintuan ng bahay.