"Isa pa," sigaw ni Byron.
"Ang dami na yun, magsawa ka naman," sigaw pabalik ni Ivon sa kaibigan. Walang nagawa si Byron nang binalik na ni Ivon ang kanyang cellphone.
Kanina pa kasi inuutusan ni Byron si Ivon na kuhanan kami ng mga litrato.
Dumaan kami sa Paoay Church dahil gustong magdasal ni Byron saglit.
"Maganda magpakasal dito," komento ni Ivon na nagpainit saaking pisngi. Mariin akong pumikit dahil sa mga naiisip.
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Ivon. Tinignan ko siya ngunit hindi pa rin nawawala ang naglalarong ngiti sakanyang mukha.
"Byron, kailan pala tayo uuwi ng Tuguegarao? Kailangan ko pang magpadagdag ng ilang subjects," sabi ko nang pabalik kami ng sasakyan para pumunta ng Vigan.
"Naayos ko na lahat, nasabi ko na kay Annabeth yung tungkol sa pagdagdag mo ng mga subjects," aniya. Tinignan ko ang naging reaksyon ni Ivon ngunit parang wala lamang sakanya nang banggitin ni Byron ang pangalan ni Annabeth.
"Paano?"
"Basta maayos na. Ibibigay na lamang niya sayo ang final schedule mo pagbalik natin."
Mahigit kumulang dalawang oras ang byahe papuntang Vigan. Hindi alintana para kay Ivon iyon na kasalukuyang nagmamaneho, mukhang sanay na sanay naman siya sa ganitong gawain.
Huminga muna ako ng malalim bago ko pinindot ang send button. Masakit man saakin na kinakailangan kong magsinungaling kay Mama dahil mapapahamak si Byron kung sakaling malaman niya na instructor ko ang kasama ko sa out of town na ito.
Ang alam din ni Caden na mga kaklase ko ang kasama ko. Buti na lamang ay hindi na siya nagtanong ng kung anu ano pa.
Wala akong sinabing pangalan na kung sino, basta ay sinabi kong uuwi ako matapos ang ilang araw. Hindi ko rin naman nakakalimutan na sabihan si Mama sa kung anu ano ang mga nangyayari saakin.
Madilim na nang nakarating kami ng Calye Crisologo. Medyo nagtagal kami doon dahil sa kagustuhan ni Byron.
"Inaantok ka na?" Tanong ni Byron nang napansin niyang humikab ako.
Umiling ako ngunit humikab na naman ako. Ngumiti na lamang ako.
"Ivon, tara na, inaantok na si Scar," ani Byron sa kaibigan. Tumango naman ang binata.
Tumigil ang sasakyan sa isang magarang hotel sa 'di kalayuan. Pinasadahan ko ng tingin ang labas ng lugar. Isang matayog na gusali ang nasa harapan ko.
Nagpatianod ako kay Byron. Nasa likod ko naman si Ivon na tamad na tamad na sumunod sa amin.
Dalawang kwarto ang kinuha ni Byron. Ang isa ay para saakin lamang samantalang ang nalalabing isa ay para sakanilang dalawa.
"Magtext ka kung may problema, okay?" Pagpapaalala ni Byron nang nasa harap na kami ng aking kwarto.
Magkatabi lamang ang kinuha niyang mga kwarto.
Tumango ako.
"Magkasama na nga kayo buong araw. Magsawa naman kayo," komento ni Ivon. Inirapan ko lang ito at pumasok na saaking kwarto.
Narinig ko ang halakhak ni Ivon bago ko nasarado ang pintuan ng aking kwarto.
Magkaibigan nga ang dalawang iyon.
Habang naliligo ako ay naisip ko si Ivon. Hanggang saan ang alam niya? Haggang saan ang nasabi ni Byron sakanya?
Hindi ko alam kung kailangan ko bang mahiya kay Ivon dahil sa pag-aabala sakanya. Hindi ko rin alam kung sakaling paano ba dapat ako makitungo sakanya.