Wala ng masyadong bahay sa daang tinatahak namin. Mangilan ngilan na rin ang mga taong nadadaanan namin. Ngunit masyado akong nawiwili sa pagtingin sa paligid dahil sa mga punong nakapalibot. Minsan, masarap talagang lumabas ng syudad para makalanghap ng sariwang hangin mula sa mga nagsasayawang mga halaman at mga puno.
"Dahan dahan lang," inaalalayan ako ni Sir Byron nang paakyat na kami.
Pataas at halos hindi maubos ubos ang hagdan na inaakyat namin. Pinagpapawisan na rin ako dahil sa bawat hakbang na ginagawa ko, sumasakit na ang binti ko.
Halos umabot na sa dalawang daan ang hakbang na ginawa namin.
Pito ang pormasyon ng kweba.
"Column, Chapel, Skeleton, Elephant's head, Praying angel, Rocket, Lion's head, at Dog's head," sabi ng kasama naming tour guide. May mga bata ring tour guide. Nakakawili silang tignan dahil sa mura nilang mga edad, nagagawa na nila ang mga ganitong bagay.
Nagtagal kami sa chapel formation. Nakita kong lumuhod si Sir Byron at pumikit. Ginaya ko ang kanyang ginawa.
Panginoon, alam kong hindi maganda itong ginagawa ko, ginagawa namin. Pero...masaya ako. Alam kong hindi Kayo makakapayag pero ano ba ang dapat kong gawin? Masyado akong masaya para isipin kung paano itigil. Ngayon lang ako magiging madamot pero pwede bang ibigay mo na saakin to? Pwede bang kahit sa ganitong bagay lang ay maging masaya ako? Handa akong masaktan. Handa akong sumugal kahit alam kong ako lang ang unti unting nahuhulog saaming dalawa.
Alam kong may kasintahan si Sir Byron. Alam kong may Annabeth siya. Alam na alam ko yun. Pero hindi ko intensyon ang makasira ng isang relasyon. Alam kong mali kaya handa akong masaktan. Basta ba'y maranasan ko lang kahit minsan sa buhay ko ang pakiramdam nang maging masaya.
Nang dinilat ko ang aking mata ay nakita ko ang nakaabang na mga ngiti ni Sir Byron.
"Anong pinagdasal mo?" Tanong niya saakin. Ngumiti lang ako at yumuko. Ayokong sabihin sakanya kung ano man ang hiniling ko sa Panginoon.
"Ikaw ba?"
"Ikaw," simple at pormal niyang sagot. Tinignan ko siya ngunit nakatingin siya sa altar.
Ngumiti ako sa kanyang sagot.
Nakakagaan sa pakiramdam ang ilaw na dumadapo.
Sinubukan din namin ang pagsakay sa bangka para dumaan sa Mororan River kung saan nakita namin ang sinasabi ng aming tour guide na bat cave.
Gumapang ang takot saakin nang napansin kong maraming paniki ang nagsisiliparan. Ngayon lang ako nakakita ng ganon karami at nakakatakot silang panoorin.
"Cool," nakita kong nakangiti ang lalaking kasama ko. Napangiti ako sa kanyang reaksyon.
Napansin niyang nakatingin ako kaya't lumapad ang kanyang ngiti. Inabot niya ang aking kamay at pinagsalikop ang kaliwa kong kamay sa kanyang kanang kamay.
Hapon na nang natapos kami sa lahat ng mga gusto niyang gawin. Ayoko pang umuwi dahil masyadong nakakawili sa piling ni Sir Byron ngunit hindi ako nakapagpaalam kina Mama na gabi ako makakauwi.
Binilisan ni Sir Byron ang pagmamaneho nang sa ganon ay hindi kami makauwi ng gabi. Malalagot ako kay Mama at Caden kung sakali.
Hindi ako makatulog nang nakauwi na ako. Agad akong nagshower at humiga dahil sa pagod.
From: Sir Byron
Don't read your notes na. Di kita tatawagin sa recitation bukas. Promise! :)